HONG KONG:ANG BUHAY KO BILANG KATULONG

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 HONG KONG:ANG BUHAY KO BILANG KATULONG

👤 LINDO,JULIET CALIMUTAN

 

Kahirapan ang nagtulak sakin,
kaya’t ako’y napadpad sa bansang hindi akin;
pangungulila’y aking kalabanin,
alang-alang sa pangarap na pamilya’y maiahon mandin.
Taong dos mil sais,
saking edad na biente tres;
Hongkong ang unang bansang tiniis,
dalawa kong maliliit na chikitings;
iniwan kay Inay;puso ko’y puno ng hinagpis.
Pinakaunang amo ko’y parang demonyo,
tingin sakin ay isang masamang stranghero;
konting pagkakamali ko,isang libong talak inabot ko;
ang hirap pala mamuhay sa bansang hindi iyo.

Pambansang pagkain sa ibang bansa ay noodles o kaya’y tinapay;
sa dami ng trabaho ay halos ako’y mahimatay;
amo’y walang pakialam kung ako’y mamamatay;
sa kaliwa’t kanang utos niya sa gawaing bahay.

Oras ng tulog sa gabi,
halos abutin ng hatinggabi;
gising naman alas singko ng umaga ang pobre;
lagi ko nalang sinisiksik saking kukuti,
mahal na pamilya’y,sayo’y umaasa ate.

Sa tuwing ako’y pagalitan at pagbintangan,
sa mga kasalanang hindi ko kagagawan;
puso ko’y kaysakit at laging nakatingin sa kawalan;
dinadalangin ko palagi na pasensiya ko’y habaan.

Anim na araw sa isang linggo,
kayod kalabaw ang beauty ko;
bawal nakasimangot ang nguso,
basta gawin lang ang trabaho na may puso.

Bilang isang ina na nangungulila,
sa anak na iniwang musmos pa;
telepono ang aking sandata,
upang makausap sina bunso at kuya.

Tuwing araw ng linggo,
ang pinakamasayang araw ko;
isang araw na pahinga sa buong linggo,
sinusulit bawat segundo at minuto.

Para maibsan ang pangungulila,
ako’y nag-enrol sa Yoga at Zumba;
may taekwondong pang self-defense na,
at mga seminars na dagdag kaalaman pa.

Sa loob ng dalawang taong kontrata,
sa wakas natapos ang pangungulila;
may dalawang linggong bakasyon na,
heto na’t mayayakap ko na sila.

Sa sobrang kagalakan na sila’y masilayan,
bag ko na wallet at dokumento ang laman;
nadukot ng masamang tao sa harap ng paliparan.

Ang sayang namutawi ay binawi,
ng lungkot at pighati;
wallet at dokumento ko’y nawala;
hindi ko na alam saan magsimula;
para makabalik at magkaroon ulit ng pag-asa.

Paano ko na ipagpatuloy?
Ang pangarap na sinimulan ko na.
Nagsimula ako ulit kumuha ng pasaporte,
hanggang ako’y nakakuha ulit ng amo sa agency;
sobrang bait ng Panginoon lagi;
dalangin ko’y natupad uli.

Dala-dala ko ulit mga pangarap saking paglayo,
sa pagkakataong ito ay masasabi kong ang swerte ko;
sobrang bait ng banyagang Amerikano na naging amo;
paglilinis ng bahay at pag-aalaga lang ng aso ang naging trabaho ko.

Halos wala pang isang buwan na ako’y nanilbihan sa among puti ko;
nakatanggap ako ng masamang balita galing saming baryo;
aking mahal na Itay ay pumanaw na’t iniwan ako.

Bilang panganay saming isang dosenang magkakapatid,
hindi ko na malaman anong gagawin ko;
wala pa akong isang buwan sa amo ko,
wala pa akong sweldo.

Iyak ako ng iyak hanggang sa mapansin ako ng amo kong lalaki;
binilhan ako agad ng Cathay Pacific ticket na two way;
para lang makita sa huling pagkakataon ang pumanaw na Itay.
Pagdadalamhati at pag-aalala,
yan ang aking nadarama;
paano nalang ang mahal na ina?
ngayung iniwan na siya ni ama.

Pagbalik sa Hongkong ay baon ko,
responsibilidad na kaylaki sa mga anak at pamilya ko;
tanong ko sa sarili ko,
“kaya ko pa kaya ito?”
alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos kasabay ng sipag at tiyaga ko.

Sa tulong ng mga mababait kong amo,
naitataguyod ko kahit papaano ang pamilya ko;
napag-aral ko sa pampublikong paaralan ang mga kapatid at mga anak ko.

Minsan saking buhay ay hindi ko maiwasang manghihina;
natutong uminom ng alak at nakipagbarkada;
at sumama sa disco bar sa mga kaibigang gala.

Isang beses ako’y nagkasakit,
nagsuka at sa sakit ay namilipit;
maski isang kaibigan walang lumapit,
upang ako’y tulungan saking sakit.

Mula noon pinangaralan ko na ang sarili ko;
na huwag basta-bastang magtiwala kahit kanino;
lalo pa’t hindi mo kaanu-ano;
dahil sa banyagang lugar na ito,
bawat Pilipino ay isa lamang stranghero.

Ang hirap magkasakit dito sa ibang bansa,
walang nanay na mag-aalaga;
kahit sobrang pagod kana,
kayod parin para may maipadala;
sa pamilyang sakin ay umaasa.

Sa tinagal-tagal ko na dito sa ibang bansa,
pangungulila saking pamilya’y idinaan nalang sa kanta;
sa tuwing aking maalala,
ang kabataan ko noon na sobrang hirap talaga,
mas lalong tumatag ang kalooban ko;
at sa kahinaan ay hindi nagpapatalo.

Itinuring ako ng Amerikanong amo ko bilang kapamilya;
pinagsilbihan ko sila ng may puso at saya,
katumbas ng kabaitang ipinamalas nila.

Tuhod ko’y puno ng gasgas,
dahil sa alaga kung asong sobrang lakas;
lagi akong kinaladkad pababa’t pataas,
sa tuwing oras ng ilalakad ko sila sa labas.

Umagang kayganda gising na ako,
asong tumatahol hinihintay ang paglabas ko;
handa na si Doberman para sa lakad-takbo;
sa tuwing sila’y ilalabas ko.

Pag-uwi ng bahay,
mga bulaklak ay naghihintay;
sa hardin ni amo sila’y kumakaway,
ihanda na ang hose para sila’y diligan ng hinay-hinay.

Bilang katulong ay laging alisto,
bawat oras ay tantiyado;
alas nuwebe na ng umaga;
kailangan ng paparada,
mamamalengke para sa tanghalian at hapunan ay may pagkaing maihanda.

Alas onse ng umaga,ako’y nakauwi na;
galing sa mahabang pila,
sa palengke ako’y namimili ng karne at isda.

Tatlong palapag na bahay ni amo;
nililinis ko ng tatlumpong minuto,
ang bawat palapag nito.

Alas siyete ng gabi,
hapunan sa mesa nakatabi,
amo at katulong sabay kumain,
sa magarang mesang apatin.

Pagsapit ng alas otso y medya,
oras na ng pagpapahinga,
hawak-hawak ang telepono,
tawag doon tawag dito.

Para lalong matuto sa pagluluto,
pinag-aral ako sa culinary arts ni amo;
pina-enrol sa dance aerobics,
para katulong malusog at malayo sa sakit.

Ganyan ang buhay ko bilang katulong,
sa Amerikanong mabait na amo;
sa loob ng dalawang taon ito,
swerte ang nadarama ko;
sa kabila ng kahirapang dinanas ko.

Sa aking pakikipagsapalaran,
tatlong bagay lang ang aking pinanghahawakan;
pakainin,walang pisikal na sakitan,
at may sweldong matatanggap buwan-buwan.

Dalawang taong kontrata’y patapos na naman,
bakasyon ulit ang pagod na katawan;
dalawang linggo ay hindi sapat,
oras sa pamilya’y sobrang salat.

Bitbit maletang may bigat sa kilo na biente,
laman ay purong tsokolate;
pangmumudmod kay bunso,nanay at ate,
may pa hand carry pang nasa kilo ay siyete.

Huwag na huwag lalampas sa timbang,
kung ayaw mong magbayad lamang;
bawat dolyares ay sayang,
kaya be wise kaibigan.

Pagdating sa paliparan,
sobrang delayed na naman;
pasensiya’y habaan,
maging listo sa hintayan.

Isang buong araw na biyahe,
pagdating saking probinsiya ay gabi;
mata ng sundo ko’y namumuti,
sa bus terminal naghihintay sa pagdating ni ate.

Sakay sa motorsiklong tatluhan,
ako,maleta at kapatid kong driver,ayan;
heto na’t pauwi na tayo,
pagmamaneho ay dahan-dahan sa mala-sungka na lubak-lubak na daan.

Pagdating ng bahay ay hindi magkawalay,
mainit na yakap at halik ng aking mga anak at mahal na Inay;
kumustahan,kwentuhan hanggang umagahan,
naku,naku!magpahinga naman kayo diyan,
mata ko’y idinilat nalang ng pwersahan.

Ugaling Pilipino na namana ko,
lalo na sa pamilya kong laking baryo;
pagbalik-bayan ka,
pakain doon,pakain dito;
Diyos ko!gusto kong sumigaw sa sakit ng aking ulo;
hindi basta-bastang kumita sa malayo,
sana naman huwag niyo kong hanapan,
kung nasaan na pasalubong niyong kailangan.

Bawat araw ay susulitin,
para ako’y hindi mabibitin;
saking bakasyon na dalawang linggo,
isang linggo nalang ang natira nito.

Kung pwede ko lang pigilan,
ang bawat araw na nagdaan;
para makasama ko pa,
ng mahabang araw ang aking pamilyang sakin ay kayamanan.

Dalawang linggong bakasyon ay tapos na,
balik na naman sa ibang bansa;
para magkalaman ulit ang aking bulsa,
at patuloy na matustusan ang aking pamilya.

Tatlong oras sa bus papuntang paliparan,
ang sakit isipin na sila’y muli kong iiwan;
mata ko’y lumuluha at hindi ko mapigilan,
habang isip ko’y lumulutang sa kawalan.

Sa hindi ko namalayan,
ako pala’y umiiyak at napahagulhol;
“ok ka lang,Miss?”tanong ng konduktor sakin sabay abot sa bus ticket;
“ok lang po ako,kuya,pasensiya na,”
sagot ko naman na pahiyang mata’y nakapikit.

Lagi kong sinasabi sa sarili ko,
ilang taon na ako sa ibang bansa paroo’t parito;
pero yung nararamdaman ko ay hindi nagbabago,
sa tuwing Pilipinas ay aking lilisan,ramdam na ramdam ko palagi ang pangungulila lalo.

Mula sa paliparan ng Davao,
bibiyahe ng halos dalawang oras papuntang paliparan ng Manila;
heto na naman ang aking mapala,
connecting flight delayed ay lumala,dati trienta minutos ay ok pa;
ngayun higit isang oras na talaga;
sana’y sa hintayan ang pobreng katulong,
tiis-tiis lang at makararating ka rin doon.

Andito na balik sa dating gawi,
simulan na naman ang araw-araw na duty;
punuin ulit ang pitaka,
para sa susunod na bakasyun ay may magagasta.

Kinaumagahan,Amerikanong amo ko’y nagpaalam,
Hongkong ay kanila ng lilisan;
babalik na sila sa bansang kinalakihan,
Diyos ko!ako’y mawalan na naman ng trabaho?
paano na ang pamilya ko?
Lingid saking kaalaman,
ako pala’y nirekomenda sa kanilang kaibigan;
at ako’y patuloy na manilbihan,
at wala akong dapat pag-alalahanan.

German-Singaporean ang panibago kong amo,
napakabait kung tignan,mukha’y napakaamo;
Diyos ko po,patawarin mo ako!
may itinago palang ugaling mala-demonyo.

Sila’y mag-asawang negosyante,
anak nila’y kambal na babae;
sobrang demanding,grabe!
ayoko na!bulong ko saking sarili.

Singaporean si among babae na sobrang maselan,
gawaing-bahay hindi ko alam saan simulan;
bunganga ni among babae ay hindi mauubusan,
talak doon,talak dito na walang katapusan.

Hinga nalang ako ng malalim,
para maibsan ang pusong parang tinusok ng patalim;
sa loob ng anim na buwan,
hindi ko na makayanan,
ako’y bumigay na at sila’y iniwan;
hindi ko kinaya ang sakit sa pakiramdam,
yung tratuhin kang parang hampas-lupa lamang.

Nag-break contract ako at umuwi ng Pilipinas,
upang palipasin muna ang kamalasang dinanas,
at makasama ang pamilya’t anak ng madalas,
pagkakataon ko na ring maturuan sila sa tamang landas.

Namalagi ako sa Pilipinas sa loob ng pitong buwan,
konting ipon ko lang ang aking inaasahan;
ang bilis maubos kapag wala kang pinagkukunan,
ang hirap kumita sa maliit kung negosyong pangkabuhayan.

Sa sobrang takot ko na titigil sa pag-aaral ang mga anak at kapatid ko;
ninais kong makipagsapalaran ulit sa malayo;
hindi ko na alintana ang pangungulila,
kesa makita ang pamilya kung sa hirap ay magdurusa.

Sinubukan ko sa huling pagkakataon,
na mag-aplay ulit bilang katulong sa Hongkong;
sa ahensiyang inaplayan ko noon,
naghintay ako ng apat na linggo;
saka ako nakatanggap ng milagro;
nakatanggap ako ng tawag sa may-ari ng ahensiya;
at ako’y pinapunta na,
at magpirmahan ng kontrata.

Nagtraining ng isang buwan,isa ito sa mga batayan;
at kailangan sa ahensiyang aking inaplayan.
Tatlong buwan ang hinintay ko,
saka lumabas ang visa ko;
sa wakas ako’y makakabalik ulit sa Hongkong dala ang tibay at lakas ng loob;
alang-alang sa pamilyang mahal ko.

Sa pagkakataong ito saking paglayo;
wala akong mailuha,mata ko’y nanunuyo;
dinig na dinig ko bawat kalabog ng aking puso;
nakatatak saking isipan ay purong positibo,
nagbaka-sakaling sana mabait ang aking amo.

Paglapag sa paliparan ng eroplanong sinakyan ko;
sambit sa sarili ko,”Hongkong andito na naman ako,
Panginoon gabayan mo ako.”

Sa labas ng paliparan,
nakapaskil ang aking pangalan;
aking sundo’y sanay sa hintayan;
at pagdating ko’y inaabangan.

Lulan ng double decker bus,
halos isang oras binagtas;
bago kami nakarating sa aming pupuntahan.

Pagod at gutom ang inabot ko,
sa agency kami dumeretso;
buti nalang sa bag may tinapay ako;
nginangatngat ko ng patago,
sa takot ko na baka masermunan ako.

Kinabukasan ako’y ihahatid,
sa among hindi ko batid;
kung anong klaseng ugali ang dapat kong pakisamahan;
upang magtagal sa trabahung papasukan.

Pagbungad palang sa gusali nila amo,
wow,nakakalula ito!
nasa ika-60 palapag,Diyos ko!
kakayanin ba ito ng sikmura ko?
may takot pa naman ako sa taas,hay naku!
Trabahu’y hindi pa nasimulan,
pero yung tayog ng gusali’y kami ay naghahamunan;
kayang-kaya ko yan!
bulong ko sa sariling walang pag-aalinlangan.

Pagbukas ng pinto sa bahay ng amo ko,
laking gulat ko sa dami ng tao;
may bata,tiya,lola at lolo;
wow,todo na ‘to!
yan tuloy nasambit ko.

Hinahamon ang aking kakayahan sa pagluluto,
kaya heto ako panay saliksik sa internet ng mga putaheng makabago;
para lang magpakitang-gilas kay amo,
na kunwari ako’y expert sa pagluluto.

Kasunod na hamon na aking hinaharap,
kakaibang lenggwahe ni lola na kay hirap;
dahil sa Putonghua ako’y walang alam ang saklap!
pero sa Cantonese at English ako’y magaling na kausap.

Oh kay daming hamon,
nag-isip ng buong maghapon;
kung anong dapat kung gawin na naaayon,
ay,tama!body language lang pala ang katapat para kami magkasundo ngayun.

Hindi lang pala doon natatapos ang aking pakikibaka,
ang aking hamon sa pakikisama;
sa bawat miyembro ng pamilya nila;
dahil alaga kung bata,
walang isang taon pa;
takot sakin makisalamuha.

Lagot!isip ulit ako ng paraan,
upang sa bata ako’y pagkatiwalaan;
English kid song lang pala ang kailangan;
para bata’y sakin makipagdaldalan.

Lumipas ang araw,buwan at naging isang taon,
sa wakas ako’y nabigyan ng pagkakataon;
na patunayan sa amo ko kung anung merun;
na sa akin sila’y hindi magkonsumisyon.

Isang taon nalang ang aking lalakbayin,
unang kontrata ko sa kanila’y matatapos din;
kaya pagtatrabaho ko’y pag-ibayuhin;
para si amo ako’y mahalin at huwag limutin.

Na minsan sila’y may katulong,
na tulad kong kahit pango man ang ilong;
pero magaling magluto sa paborito nilang ginisang kangkong.

Anim na buwan bago matatapos ang aking kontrata,
ako’y naghihintay ng panibagong balita;
sana may darating na himala,
at ako’y yayain ulit nila amo na pumirma;
sa ikalawang pagkakataon na kontrata.

Pangarap ko’y nagkatotoo,
nagustuhan nila amo ang aking serbisyo;
kaya sila’y humihingi sakin ng abiso,
ako’y bibigyan ng mas mataas na sweldo;
kapalit ay pakisamahang lalo;
ang nakatatandang sina lola at lolo;
kaya pirmahan sa pangalawang kontrata’y tinodo.

Sa pagkakataong ito,
mas lalo akong nagpursigeng magtrabaho;
na may katapatan, dignidad at puso;
dahil minsan ko lang pinangarap ang lahat ng ito,
pero sa sobrang bait ng Panginoon narinig niya lahat ng dasal ko;
sa wakas dahan-dahan ko ng makikita ang resulta saking sakripisyo.

Kahit ako’y malayo saking dalawang anak,
hindi ko hinayaang mawasak;
ang aming relasyon bilang ina at anak;
kaya pati sa kanilang takdang-aralin ay di hamak;
na ako’y putak ng putak,
kinalampag ko pati messenger ni anak;
para lang maipaabot ko mga kasagutang tumpak na tumpak.

Natuto akong mag-impok sa buwan-buwan kung sahod,
para sa kinabukasan ng aking mga anak na mag-isa kong tinaguyod;
bawal sakin ang galawang parang uod,
para sa kitaang buo itodo na ang kayod.

Buwan-buwan kung padala,
saking mahal na mga anak at pamilya;
listahan sa budget na kay haba,
upang sahod ko’y mapagkasya;
sa pagitan ng pag-iimpok at pagpapadala.

Sa ngayun mga anak ko’y nasa haiskul na,
konting tiis nalang at sila’y sabay na magkolehiyo na;
pangarap nilang kurso’y sobrang gara;
kaya pag-iimpok ko’y sineseryoso kong talaga.

Bilang katulong dito sa ibang bansa,
taas-noo akong umaasa;
kahit ako’y salat sa pera,
positibo akong isang araw ay may pag-asa,
kahirapa’y malagpasan at puno aking bulsa.

Sa sobrang pagtitipid ko buwan-buwan,
wala akong oras na pinag-aksayahan;
bawal sakin ang ugaling bili doon,bili dito;
hangga’t walang butas at malinis salawal ko;
pinagtiyagaan ko pa ito,
alang-alang sa hangaring makapag-ipon ng todo.

Hindi masama ang mangarap,
kahit gaano kahirap;
kung gusto mong abutin ang ulap,
ito’y mangyayaring ganap,
sa tulong ng tiyaga at sikap.

Ako’y lumaki sa pamilyang sobrang hirap sa buhay;
paghahanap-buhay noon nina Itay at Inay;
sobrang salat na tunay,
tirahan namin butas-butas na nakapanglupaypay;
lalo na kung may ulan na pasaway.

Kaya ngayung ako’y nakapangibang-bansa,
hindi ko na hahayaang kami’y sa ulan ay mababasa pa;
pangarap kong bahay ay sinimulan ko na,
ito’y nakatirik sa lupang pagmamay-ari ng aking yumaong ama.

Dalawang palapag na bahay ang aking ipinatayo,
hindi siya magarang masyado;
saking mahal na Inay ito’y alay ko,
sayong matiyagang pag-aaruga sakin at sa mga apo mo;
napakabuti mo’t kami ay lumaki sayong busilak na mga payo.

Dahan-dahan muna tayo,
hindi magtatagal matapos at makalipat din tayo;
kaya konting tiis lang ang hiling ko;
para din sating lahat ito.

Saking ugaling hindi kuripot,
nasanglang lupa namin ako ang sumagot;
sa pantubos nitong hindi lang kapiranggot;
isang daang libong peso ang hinakot.

Saking mga kababayan,
na tulad ko ring nangibang-bayan;
huwag niyong hahayaan;
na bulsa niyo’y walang laman,
huwag basta-bastang bili ako nito,bili ako niyan;
kung ayaw mong uuwi na talunan at luhaan.

Gawin nating pag-uugali ang pag-iimpok,
kahit gaano karaming dumaan na pagsubok;
huwag na huwag kang pipiyok,
magsikap sa buhay hanggang sa rurok.

Kahit gaano kalaki o kaliit ng sahod mo,
kung puro ka bili sa iyong gusto at luho;
walang mangyayari sa buhay mo,
kaya mag-impok para sa pagbabago.

“Katulong ka lang”,yan ang lagi kong maririnig sa mga mapagmataas na tao,
pero para sakin ito’y isang dakilang kurso;
kung saan all-in-one na ito.

Masyadong mababa ang tingin sakin ng ibang intsik dito na mayayaman;
dahil ako’y hamak na katulong lamang,
kahit gayunpaman;
ipinagmalaki ko itong lubusan,
dahil dito pamilya ko’y aking nasupurtahan;
galing saking malinis na trabahong pinagkakitaan.

Sa isang dekada mahigit na pakikipagsapalaran,
bilang OFW dito sa Hongkong ko natagpuan;
ang malas at swerteng kapalaran;
tatlong amo ang aking napagsilbihan;
bago ko nahanap ang tunay na kaligayahan;
dahil amo ko’y turing sakin ay isang kayamanan,
at ako’y sa kasalukuyan;
nasa pangatlong kontratahan.

Ako’y patuloy na makikibaka,
hangga’t katawan ay kaya pa;
lahat ng nakaraan ko na,
ay parang panaginip lang pala;
lalo na ngayong kaginhawaan ay unti-unti ko ng tinatamasa.

Hongkong;noon ay pangarap lang kita,
hindi lang pala hanggang pangarap ka;
kundi isa ka palang parte saking alaala,
na nagbibigay sigla saking buhay na kamuntik ng mawalan ng pag-asa.

Ngayun napatunayan ko na saking sarili,
na walang nabubuhay na api;
basta ikaw mismo ay hindi palulugi;
sipag at tiyaga yan ang gawin mong susi,
para sa kinabukasang walang hapdi at sawi.

Laging pakatandaan natin,
kahit gaano katayog ang ating abutin;
huwag na huwag nating limutin,
saanman tayo nanggaling ay ating lilingunin.

Ang buhay ko bilang katulong dito,
ay parang alamat lamang sa hindi nakakakilala sa totoong ako;
kaya ko naisipang gawing tula ito,
nagbabaka-sakaling kayo’y maka-relate nito;
at maihalintulad niyo rin sa naging karanasan ninyo;
sa pakikibaka sa buhay dito sa mundo.

Mabuhay ang mga OFW sa buong mundo;
pakatatag lang tayo;
bilang bagong mga hero,
ako’y sasaludo!!!


📝 Komento mula sa tagasuri|Conchitina Cruz 

This long poem is a detailed narrative of working as a domestic helper in Hong Kong. The poet handles rhymes well and vividly recounts the challenges she faces as one whose working hours literally never end, since domestic helpers live with their employers. The poem takes pride in the hard work of domestic helpers to provide for their families back home.

 

 

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *