Latay sa Laman

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 ANG BUHAY KO BILANG KATULONG

👤 Melinda M. Babaran

 

Ang tagal kong nakatitig sa maletang walang laman. Hindi ko maumpisahan ang aking pageempake. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Halo-halong emosyon ang tila nagtatalo sa loob ko na nakatago sa blankong pagtitig sa kawalan. Masayang malungkot, nag-aalala at takot.

May oras ka ba? Pwede bang samahan mo muna ako? Kwentuhan muna tayo.

Uuwi na kasi ako ng Pinas. Tapos na kasi ang kontrata ko bilang isang factory worker sa isang malaking kumpanya ng Integrated Circuits dito sa Taiwan. Malungkot. Kasi kailangan ko ng iwan ang bansang naging tahanan ko ng mahigit isang dekada. Kailangan ko ng iwan ang bansa na kung saan ako naging tunay na malaya.

Masaya sanang umuwi sa tahanang kinalakihan ko. Makakita ng mga pamilyar na mukha ng mga kamag-anak at kaibigan. Kahit na mas maraming hindi magagandang ala-ala ang isa-isang bumabalik sa isipan ko lalo ngayong malapit na ang pagbabalik ko. Masaya. Sana. Kaso andun ang tatay ko,kaya natatakot ako.

Ang weird di ba? Takot ako sa sariling ama ko.

Alam mo kasi hindi niya ako tanggap. Hindi nya matanggap na tomboy ang anak nya. Kelan ko pa nalaman na ganito ako? Grade four pa lang ako alam ko na na iba ako. Kinalong ako ng kaklase kong babae noon. Hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko pero masarap sa pakiramdam ko. Nung una, hindi ako pinapansin ng tatay ko. Marahil nalulunod din sya sa sarili nyang kalungkutan noong mga panahong yon dahil kakaalis lang ng nanay ko para mang-ibang bansa. At dahil sya na rin ang tumatayong Ama at Ina, mas inaalagaan nya ang mga nakakabata kong kapatid. Sampung taong gulang na ako noon. Hindi na masyadong intindihin at ganoon pa lang kaaga nakitaan na ako ng mga magulang ko ng pagiging independent.

Kaya siguro hindi nya napansin na puro lalaki ang mga kalaro ko noon. Na imbis na mga manika ang hawak ko, mga text, tansan, turumpo at yoyo ang mga laruan ko. Inaabot ng maghapon sa init ng araw sa pakikipaghabulan, patintero at tumbang preso. At kapag nagkakapikunan, nakikipagbalyahan at suntukan kahit na puro lalaki ang kalaban. Trese anyos na ako nung simula nyang punahin ang pagkilos ko. Napakaharagan ko daw. Dalagita na daw ako pero paglalaro pa sa kalye ang inaatupag ko at puro lalaki pa daw ang mga kalaro ko.

Sa tuwing nakikita nya akong naglalaro sa kalye, palo ng sinturon ang inaabot ko. Kahit saan ako tamaan ng matigas na sinturon na sa tuwina ay nag-iiwan ng latay sa balat ko. Gumuguhit na init sa tuwing lalagapak sa braso, sa binti, sa likod. Kahit saan ako matamaan na mas madalas, ang pinanghahampas nya pa ay yung bakal sa sinturon nya at hindi ang leather na parte nito. Parang unti-unting pinupunit ang aking balat at mga kalamnan sa sakit.

Minsang wala siyang suot na sinturon, ang ipinampalo nya sa akin ay yung kahoy ng walis tambo. Minsan yung yantok na kawayan ang gamit nya. Kahit saan pa rin nya ako tamaan. Kahit magsumiksik pa ako sa lahat ng sulok ng bahay namin, hahabulin nya pa rin ako para hampasin. Hindi niya alintana na bata ang hinahampas nya habang buong poot at ubod-lakas nyang inaasiwas ang pamalong hawak nya.

Pero ang madalas, yung parang siyang lumalaban ng boxing sa bilis at lakas ng pagsuntok nya sa batang katawan ko. Tila sa pamamagitan ng bawat pagbayo ng suntok sa mukha at lahat ng parte ng katawan ko,mapapalambot nya ang puso kong lalaki.

Nung una, umiiyak pa ako sa bawat pambubogbog ng tatay ko. Tinatanong ko sa sarili ko na napakalaki bang kasalanan ang nagawa ko para saktan ako ng ganun ng sarili kong ama. Naisip ko pa minsan siguro hindi nya ako tunay na anak, dahil ang tunay na magulang di kayang saktan ng ganoon ang kanyang anak. Hanggang nakasanayan ko na rin. Pati mga pagmumura nya at masasakit na salita tulad ng salot daw ang mga kagaya ko sa lipunan. Wala na akong maiiyak sa tuwing sasaktan ako ng tatay ko. At mas lalo akong pinatigas ng bawat palo, hampas at suntok na natatanggap ko. Mas lalo akong pinatatag ng bawat kirot sa aking kalamnan.

Isang araw dumating ang nanay ko mula sa abroad. Sandaling nahinto ang pananakit sa akin ng tatay ko. Pero minsang madaling araw, umuwi sya ng lasing. Pumasok sya sa kwarto ko. Himbing na ako noon sa pagtulog pero napabalikwas ako nung may sumipa sa akin. Kung ano-anong masasakit na salita ang sinabi nya. Dinuro duro nya ako at minumura habang sinasabing salot daw ako. Nakaupo lang ako non at nakatungo. Nagtatagis ang aking mga bagang dahil hindi ko matanggap at malunok ang bawat pagmumura nya at pang-iinsulto sa aking pagkatao. Nakakuyom ang aking mga palad bilang pagtutol pero hindi ko magawang lumaban. Tanging tahimik na pagluha ang nagawa ko at paulit ulit na paghiling sa isip ko na sana tumigil na sya. Hanggang sa maramdaman kong may matulis na bagay ang nakatutok sa leeg ko! Tinututukan ako ng ice pick ng tatay ko at sinasabing papatayin nya ako kung hindi ako magbabago. Noon nagising ang nanay ko at pilit syang inilabas ng kwarto ko. Pero bago pa sya lumabas ng silid, sinaksak nya ang ice pick sa kama ko, sa pagitan ng mga hita ko.

Noon ko naisip kailangan ko ng umalis sa bahay na iyon. Kailangan ko ng lumayo dahil sarili kong ama ang papatay sa akin. Sabi ko sa sarili ko,kailangan kong maging malaya.

Kaya ako napadpad dito sa Taiwan. Ilang taon na rin akong nagpapabalik balik dito. Ito na rin ang naging pangalawang tahanan ko. Sa mahigit isang dekadang pagtira at pagtatrabaho dito, naging tahimik ang buhay ko. Malaya kong naipapakita ang tunay kong pagkatao nang walang humuhusga. Sa bansang ito, pantay-pantay ang trato sa lahat. Dito, tanggap ako sa kung sino ako basta wala akong inaagrabyadong tao. Hindi ko kailangang magtago. Kahit sa aking trabaho, wala akong naramdamang diskriminasyon mula sa mga taiwanese. Madalas pa nga, kabiruan ko kahit ang mga lalaking taiwanese na katrabaho ko. Madalas din kaming lumabas para mamasyal. Wala akong natanggap na kahit isang masakit na salita o tingin ng panghahamak habang naririto ako sa bansang ito. Hindi ko kailangang matakot dahil walang mananakit sa akin. Masaya nga ang buhay ko dito sa Taiwan. Maayos ang lahat sa buhay ko.

Pero sabi nga nila, walang permanente sa mundo. Pagkalipas ng ilang taon, kailangan ko ng umuwi. Sa Pilipinas, sa totoong tahanan ko. Pero natatakot ako. Natatakot akong makita ang aking ama.

Pasensya ka na, kung naiiyak na ako.

Natatakot kasi akong makita ang mukha niyang pinaglipasan na ng panahon. Ang mga pisngi nyang lumubog na at mga mata nyang lumamlam na.

Natatakot akong makita ang dati nyang matipunong katawan na ngayon ay buto at balat na.

Di ko yata kayang makita ang mga bisig nyang naging dahilan ng mga latay ko sa katawan noon, na ngayon ay iginupo na ng matinding karamdaman.Mayroon siyang Cirrhosis of the Liver. Ito ang unti-unting gumugupo s kanya. Napakabilis ng progression. Halos wala pang isang taon pero pinahina na sya nito ng husto.

Natatakot akong makita na ang dating matayog at matibay na halagi ng aming tahanan, ngayon ay malapit ng mamaalam. Hindi naging sapat ang ipinapadala kong pera bwan-bwan para pigilan ang tuluyan niyang paghina dahil sa katandaan at karamdaman.

Ayokong makita ng ganoon ang tatay ko. Hindi ko kaya. Dahil sa kabila ng mga latay sa katawan ko na sya ang naging dahilan, sya pa rin ang ama ko. At mahal na mahal ko siya sa kabila ng mga pagkukulang nya sa akin bilang magulang, sa kabila ng hindi niya pagtanggap sa pagkatao ko. Pinatigas man ng bawat latay sa katawan ko ang puso kong lalaki, nanatili pa rin akong isang anak. Isa pa rin akong anak na nagmamahal sa kanyang ama at handang magpatawad.

Natatakot ako sa tatay ko. Takot akong mawala sya nang hindi niya nalalaman na mahal na mahal ko pa rin sya at matagal ko ng pinatawad at pinaghilom ang mga latay ko na gawa nya. Mas takot ako sa isipin na isang araw hindi ko na sya makikita at hindi ko man lang siya mapagsilbihan dahil nagtrabaho ako sa ibang bansa. Mas masakit sa palagay ko ang latay sa puso ko kung may masamang mangyayari sa kanya kesa sa mga latay sa katawan na ininda ko noon.

Sorry ha. Masyado bang mahaba ang drama ko? Pasensya ka na. Pero salamat sa pakikinig mo. Gumaan kahit paano ang loob ko. Sige tol, mageempake pako.


📝 Komento mula sa tagasuri|Conchitina Cruz

This narrative provides a fresh perspective on the OFW experience. The narrator’s life as a Filipino migrant factory worker in Taiwan becomes a reprieve from the suffering she endures back home because her father cannot accept her identity as a lesbian. Migrant work gives her the chance to leave the violence of her father behind and express her identity more freely in another country.

 

📝 Komento mula sa tagasuri|Myan Lordiane

Isang natatanging salaysay mula sa isang lesbyana/ tibo na natagpuan ang kanyang kalayaan sa Taiwan. Sa anyo ng prangka at tapat na pakikipag-usap sa mambabasa, inalala niya ang karahasang naranasan niya sa kabataan bilang isang “tomboy”. Habang ang ina ay nagtatrabaho sa ibang bansa bilang OFW, naiwan siya sa kanyang tatay na hindi matanggap ang kanyang pagkataong tumataliwas sa konsepto ng kasarian sa isang tradisyunal na bayan. Dito siya nakatanggap ng pisikal na abuso at masasakit na salita na siya ay salot sa lipunan. Dahil dito, lalong tumibay ang kanyang loob hanggang nagdesisyon siyang lumikas sa ibang bansa kung saan hindi niya naramdaman ang diskriminasyon. Bagamat may takot sa nakaraan, nagbalik siya matapos ang isang dekada na puno ng pagmamahal at kapatawaran para sa kanyang may sakit at tumatandang ama. Sa kabila ng lahat, nais niya itong alagaan at para daw sa kanya, “Mas masakit sa palagay ko ang latay sa puso ko kung may masamang mangyayari sa kanya kesa sa mga latay sa katawan na ininda ko noon.” Magandang salamin ng pagtrato ng kasarian sa Pilipinas at sa Taiwan (kung saan naging ligal na ang gay marriage at pawang mas tanggap ang LGBTQ). Repleksyon din ito ng malalim na relasyon ng pamilyang Pilipino (filial piety) ano pa man ang katayuan sa buhay.

 

📝 Komento mula sa tagasuri|Tony Cruz

A lesbian OFW is afraid to go home.

 

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *