Ulan

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 Ulan

👤 Maribel E. De Vera

 

Makulimlim ang kalangitan at bahagyang lumalamig ang simoy ng hangin na hatid nito’y haplos ng kaginhawahan sa nahahapo kong katawan. At mula dito sa ikalimampung palapag ng gusaling aking kinaroroonan kung saan ako’y kasalukuyang nananahan ay aking natatanaw ang payapang karagatan sa ilalim ng nagsasayawang kumpol ng mangasul-ngasul at nangingitim nang mga ulap. Isang palatandaan na nagbabadya ang pagbuhos ng ulan.

At ang haring araw na papalubog pa lamang ay unti-unti na ring tinatakpan ng maitim na ulap bago pa man nito maipamalas ang kahalihalinang pagpapalit-palit at paghahalohalo ng mga matitingkad at nagniningning nitong mga kulay, na para bang sila’y nagpapaligsahan sa isa’t-isa hanggang sa itago ito ng mga berdeng bundok sa may kanluran at tuluyang maglaho sa likod nito. Hudyat ng unti-unting ring pagdilim ng kalangitan at ng kapaligiran. Malawakang karimlan na siyang pansamantalang maghahari, na magbibigay daan sa tala’t mga bituin kasama na ang buwan na magningning din sa kalawakan upang maipamalas din ang angking kagandahan at mahikang taglay nito sa pagliliwanag ng bawat kislap nito sa karimlan ng gabi.

Ngunit nang dahil sa banta ng ulan ang pinakahihintay na nakakabatobalaning pagtatakipsilim ay di dumating. Gayunpaman ay akin pa ring pinagmasdan ang buong kalawakan at kapaligiran na abot ng aking tanaw. Aking pinanood ang mabilis na pagdating ng gabi at ang pagdidilim ng paligid, sa kabila ng panghihinayang na di nasaksihan ang isang napakaganda at kaaya-aya sanang tanawin na dulot ng papalubog na araw pagkatapos ng maghapon nitong pagbibigay ng init at liwanag sa buong maghapon. Ang takip silim na pinakaaasam na muling matunghayan ay ipinagkait ng kalikasan upang bigyang daan ang malawakang pagbuhos ng ulan.

Ang pananabik sa puso ko’y biglang naglaho dala ng kabiguang mamasdan ang minimithing pagtatakip silim, bigong masilayan ang naggagandahang mga kulay na taglay nito na bagama’t matitingkad ay malamig sa aking paningin, na nagpapalubag sa kalooban kong punung puno ng agam agam. Makukulay na sinag na habang aking pinagmamasdan ay para bang tumatagos sa aking katauhan at nagbibigay aliw sa puso kong nalalambungan na ng kalungkutan at nawawalan na ng kulay.

Ang kaninang kulay abong mga ulap ay umitim na at mukhang lalong bumigat. Ilang sandali pa ay bumagsak na ang unang patak ng ulan hanggang sa nagsusunud sunod na. Habang pinagmamasdan ko ang banayad pa lamang na pagpatak nito sa lupa ay ang pagbabalik ng mga alaalang hatid ng tag-ulan mula sa aking kamusmusan, doon sa munting nayon na aking kinalakhan. Mga alaalang naghahatid ng galak at kasiyahan sa aking damdamin na pumapawi sa kalungkutang tila ba naglalagi na sa puso ko sa tuwing ang mga ito’y nasasaisip. Muli akong dumungaw sa labas kung saan ang ulan ay tuloy-tuloy na ang pagpatak, kasabay ng pagguhit ng mabining ngiti na sumilay sa aking mga labi. At sa isip ko’y muli kong narinig ang aming mga halakhak at tawanan, nakita ang mga matang nagniningning sa saya, at mga katawang tila ba walang kapaguran sa pakikipagharutan sa isa’t-isa sa ilalim ng ulan. Mga batang punung-puno ng buhay. Mga batang ang tanging nalalaman pa lang ay ang kasiyahang hatid ng ulan. Mga batang wala pang kamalay-malay sa mga nakakubling pasakit na dala ng ulan. Mga batang walang takot ni ang pag-aalinlangan na suungin ang ulan at walang sawang sinasahod ang bawat patak nito hanggang sa pagtila nito. Dahil sa panahong yaon, ang bata pang kamalayan ay purong katuwaan lamang ang nasasapuso at kinikilalang emosyon, payak na pamumuhay na punung-puno ng saya at sigla. Walang bahid ng pag-aalala sa bukas na darating, na pati sa pagtulog ay daladala ang ngiti mula sa maghapon hanggang sa muling paggising sa isa na namang bagong umaga. Mga alaalang mula sa malayo ng nakaraan bagamat pirmi pa ring nakaukit sa aking puso at isipan.

Ang masinsin at banayad na pagpatak ng ulan ay nagdudulot ng kapayapaan sa aking damdamin at ibayong kalungkutan na di ko mawari kung saan nagmumula. Isang pakiramdam na bagamat payapa ay nagpapamanhid sa kakayahan kong makadama ng ibang emosyon. Kalungkutang nakapanghihina, na para bang nag-ugat na sa kaibuturan ng aking puso at nilulukob nito ang buo kong pagkatao. Kalungkutang nagtatagal na di basta-bastang napapawi na mas lalo pang pinaiigting ng masinsing pagbuhos ng ulan, na wari’y nakikiramay sa damdaming umaalipin sa puso ko. At madalas sa gitna ng kalungkutang ito ko nasusumpungan ang kapayapaan.

Sa aking pagninilay nilay, aking napagtanto na ang buhay ko ay maihahalintulad sa ulan. Ang banayad nitong pagbuhos ay para bang inaarok nito kung anuman ang nasa kalooban ko. Nagpapaalala na huwag magmadali bagkus ay magdahandahan sa bawat hakbang na gagawin sa masalimuot na landas ng buhay. At matutong makisabay ng mahinahon sa agos ng buhay na punung-puno ng ulan. Ulan na banayad, ulan na marahas, ulan na pabugso-bugso, at ulang tumatagal. Mga ulan na dumarating sa buhay na kailangang sayawan ng buong husay. Ngunit madalas, ako’y ginagambala ng marahas na pag-ulan. Na pilit man akong nagpapakatatag ay masyado naman ako nitong pinanghihina na minsan sa gitna ng aking panghahapo ay para bang mas madali na lang ang sumuko kaysa magpatuloy. Ngunit ako’y nagpapasalamat, dahil sa lahat ng hamon nito gaano man kahirap ay nagagawa ko pa ring isipin na di naman habampanahon ang ulan. Titila at titila din ito. At di lang din pasakit ang dala nito dahil naguumapaw din ito ng pagpapala.

Sa muli kong pagdungaw, ang kaninang banayad na pag-ulan ay bahagya ng lumakas at bumibigat na rin ang bawat patak nito. Patunay ang maingay at marahas nitong pagtagaktak sa salaming bintana kung saan ako’y nakatanaw. At ang payapang karagatan kanina lang, ay unti unti na ring umapaw kasabay ang bumibilis na paghampas ng mga alon sa may pampang dala ang rumaragasang tubig. At ang puso ko na kanikanina lamang ay napayapa, ngayo’y muling nakaramdam ng pangamba at pag-aalinlangan. Muli itong binalot ng kaba na lalong nagpapahina sa pagal ko ng katawan. At mas pinaiigting pa ng umiingay ng pagpatak ng ulan na patuloy sa mabibigat nitong pagbagsak. Katulad ng mabibigat na pintig ng puso ko, kinakabog nito ang dibdib ko. Nakakapagod.

At sa isipa’y muling inihalintulad ang ulan sa buhay na aking tinatahak. Ang mabibigat na bagsak nito ay nag-iiwan ng pilat sa aking pagkatao, mga pilat na bumago at nagpatatag sa akin sa paglipas ng panahon. Tulad ng kung paanong mag-iwan ang ulan ng marka nito sa lupa na patunay ng pagbuhos at pagdaan nito. Dahil madalas ay lumilikha ito ng sarili niyang landas na tatahakin kung saan ang tubig ulan ay dadaloy, at sa pag-agos nito ay inaanod lahat ng madadaanang bagay na nagiging hadlang sa malaya nitong pag agos. Mga bagay na marupok at mahina ang kapit.

Ang ulan na dumadating sa mga panahong di inaasahan ay may iba ibang hatid sa buhay. Maaaring magdadala sa atin ng biyaya o di kaya’y pighati at pasakit. Anu’t anuman ay walang ibang dapat gawin kundi tanggapin ito at piliting maging positibo sa kung anumang dulot nito. Dahil ang ulan ay di natin kontrolado. Katulad ng di natin hawak ang ating kapalaran. Ngunit ating alalahanin na ang tama, tapat at wagas na pamumuhay ay syang magdadala sa atin sa kapalarang pinapangarap.

Dahil ang ulan ang siyang umanod sa mga mura at mahina pang mga pananim, ang ulan na sumira sa mga bagay na nangangailangan ng sinag at init ng araw, ang ulan na naging balakid sa ating mga plano na di ito dapat kasama. Ang ulan na dumating sa panahong di natin kailangan at inaasahan. At sa panahong yaon, ang ulan ay isang malaking hadlang at abala, dala ay pasakit at pighati at naging balakid sa isang magandang oportunidad.

Ngunit ang ulan na tinutukoy ay siya ring ulan na nagbubuhos ng biyaya. Ang kaparehong ulan na nagdilig at nagpasibol sa natitigang ng mga pananim. Ang kaparehong ulan na siyang umanod at naghugas sa mga di kaaya-ayang dumi ng kahapon. ang kaparehong ulan na siyang nagpayabong sa nangungulimlim ng kalooban. Ang kaparehong ulan na ang dala’y pagpapala, at buhos ng biyayang inaasam at di inaasahan. Ang kaparehong ulan na nagpapaalala ng purong kagalakan at siya ring karamay sa kalungkutan na para bang ang pagbuhos nito ay nakikisabay sa pagpatak din ng luha sa ating mga mata. Na ang pagdidilim ng kalangitan ay tulad din ng pagdidilim ng ating kalooban sa lumbay na nararamdaman. Sa lahat ng ito, ang tanging magawa ay ang pansamantalang kanlungin ito kasabay ng pagninilay-nilay sa landas na tinatahak. Landas na may kalabuan at walang kasiguruhan.

Ang buhos ng ulan minsan ay dumadating sa panahon at pagkakataong kung saan ay wala man lang masilungan. Wala tayong magawa kundi tiisin ito at saluhin ang marahas na pagbuhos nito sa atin bago ang pagbagsak nito sa lupa, at sa paanan natin ay pansamantalang maglalagi na siyang dagdag pahirap sa ating paglalakbay. Sa panahong tulad nito na walang ibang pamimilian kung di ang maglakad pa rin sa ilalim ng ulan sa kabila ng hirap at panganib na maari nitong dala ay nagpapasikip sa aking dibdib. Pinanginginig nito ang laman ko di lamang dahil sa lamig na taglay nito kundi pati na rin sa takot na lumulukob sa akin. At sa mga pagkakataong tulad nito, ang tanging nagagawa ko lamang ay huminga ng malalim para kalmahin ang aking kalooban at paulit ulit at walang sawang pagdarasal sa Maykapal na sana bigyan pa nya ako ng sapat na lakas at tibay ng loob para maipagpatuloy ang aking paglalakbay sa landas kong pinupuno ng ulan. Na sana maging ligtas hanggang sa marating ang paroroonan, kung saan ako’y umaasang ang mga minamahal na noon ay iniwan ay aking madaratnan dun sa lugar na pansamantala kong nilisan. Na sana’y di nila naranasang sumuong sa ulang aking tinahak. Na sana, sa madaling panahon ay muli ko na silang makasama, at samasama naming tahakin ang landas ng buhay kahit pa sa gitna ng ulan. Mga kahilingan na taimtim kong inuusal sa bawat paghakbang, na pirmi ng nakaukit sa puso ko at isipan na siyang nagbibigay sa akin ng karagdagang lakas para magpatuloy at tapusin ang nasimulan sa kabila ng aking pag-iisa at ng mga pighating aking iniinda. Ang mga isipin, mithiin, at kahilingang ito ang mahigpit kong kinakapitan sa gitna ng ulan.

Lumalalim na ang gabi ngunit ang buhos ng ulan ay patuloy pa rin. Muli akong sumilip sa labas at pinagmasdan ang kapaligiran. Kita ko ang mga ilaw na nagliliwanag mula sa mga nagtatayugang gusali at mangilanngilang sasakyan na patuloy pa ring tinatahak ang madilim ng kalsada. Naaaninag ko rin ang ilang mga bangka na patuloy pa rin sa paglalayag sa kasagsagan ng ulan, at ang iba pa na nakaangkla naman sa may pampang ng dagat. Liban sa mga yan ay tahimik na ang gabi, at tanging ang tunog ng buhos ng ulan ang nangingibabaw sa aking pandinig. Sa kalaliman ng gabi ay nanatili akong nagmamasid at pinapanood ang mga kaganapang kagagawan ng kalikasan, ang mahika ng ulan sa madilim na gabi. Ang nagkikislapang patak nito na kita kahit sa dilim at kumukutitap pag natatamaan ng liwanag mula sa ilaw ng mga sasakyan. Ang gandang pagmasdan, ngunit lalo ako nitong pinalulungkot dahil dulot nito’y kakaibang lamig sa puso ko at kalooban. Ramdam na ramdam ko ang pagod ng aking katawan pati na ang aking kaluluwa.

Ang ritmong nililikha ng pagpatak ng ulan ay parang musika sa aking pandinig at ipinaghehele nito ang aking kamalayan. Salamat sa bahagyang tumitilamsik na tubig ulan sa bintanang dinudungawan na di ko alintana sa mga oras na nagdaan dahil binabalik nito ang diwa ko sa kasalukuyan. Kaya’t yakap ang sarili’y aking inihimlay ang pagal kong katawan at nagpalukob sa kung anumang damdamin na nagsusumiksik sa aking puso at kalooban. Mga luha’y nag-umpisang tumulo sa aking mga mata at unti-unting naglandas sa pisngi hanggang sa saluhin ito ng unan na mahigpit na yakap sa aking dibdib. Ang kalungkutan at pag-iisa ay naghuhumiyaw sa isip ko na siyang lalong nagpapakirot sa aking puso, parang pinipiga ito sa pangungulilang sumasapuso dahil ramdam na ramdam ko ang literal na pananakit nito. At sa diwa ko’y nag-uumalpas ang kagustuhang makabalik na sa lupang sinilangan at kinalakhan. Sa piling ng mga minamahal sa buhay at sa tahanang pugad ng mga alaalang payak man ay puno naman ng pagmamahal at pagmamalasakit na sa nakaraang mga taon ay nagmistula na lamang bakasyunan para sa akin dahil sa dalang at ikli ng panahong ipinaglalagi kung nabibigyan ng pagkakataong makauwi. Ang sakit sa damdamin na nagiging estranghero ako sa sarili kong tahanan dahil halos dito na ako sa ibayong bansa tumira sa napakahaba ng panahon. At sa isiping malamang ay magtatagal pa ako dito sa bansang aking kinaroroonan ay lalo akong naiiyak, kaya’t ang luha ko’y tuloy tuloy din sa pagdaloy tulad ng patuloy pa ring pagbuhos ng ulan sa labas. Na bagaman di ko na nakikita ay rinig ko pa rin ang tagaktak nito.

Minsan ang pag-iyak ay nakabubuti at nakagagaan din ng pakiramdam, dahil dito nailalabas ang mga sakit at pighati na di ko kayang aminin sa aking sarili at di rin masabi da iba, ang mga pangambang bumabagabag sa isipan para sa bukas na walang kasiguruhan. Bukas, na dahilan ng aking paglayo sa mithiing mapaganda ko ito kahit papaano para sa pamilya at sa sarili na rin. At sa dilim ng gabi at sa musikang likha ng ulan, ay patuloy rin ang pagluha ko. Iniiyakan ang bawat kabiguang napala sanhi ng mga maling hakbang at desisyong nagawa. Iniiyakan ang kabiguang makakuha ng tulong o suporta man lang sana sa mga taong inaasahan kong nandiyan para aalalay. Iniiyakan ang pagtalikod ng ilang minamahal. Iniiyakan ang mga panahong ni hindi ako maalalang kumustahin man lang ng mga taong pumupuno sa isip ko tuwina. Iniiyakan ang madalas kong pag-iisa sa mga oras na kailangang kailangan ko ng makakasama o ng makakausap man lang sana. Walang ibang aasahan kundi ang sarili. At sa pagbuhos ng ulan ay nakahanap ako ng karamay sa desperasyong nararamdaman at sa ulan ay aking ibinulong ang pighati sa aking dibdib, isa ito sa mga pagkakataong hinahayaan ko ang sarili kong maging mahina dahil minsan nakakapagod na ng sobra ang pagiging malakas sa bawat pagkakataon. Inuubos nito ang lakas ko.

Sa ilang sandali kong pagbibigay laya sa mga pait at hinanakit sa aking dibdib at ilang sandali ng paghihinagpis at emosyonal na panghihina ay muli kong natagpuan ang aking sarili. Ang tapang at determinasyon ay nanumbalik sa puso ko’t isipan at pati na sa pagal kong katawan. At muling pinaalala sa sarili ang mga dahilan kung bakit ako narito sa bansang ito na malayo sa aking pamilya, ang munting pangarap na pilit inaabot at buong tiyagang pinagsisikapan. Sa napapayapa ng damdamin ay inumpisahan kong magbilang ng mga biyayang natamo at magpasahanggang sa kasalukuyan, dito sa bansang kinasadlakan na siyang naging tulay sa unti-unti ng nakakamit na pangarap. At tulad ng kung paanong inanod at itinabi ng buhos ng ulan ang mga kalat at dumi sa paligid, ay gayundin ang aking matinding pangungulila. At ang kirot sa puso ko ay bahagya na ring napawi.

Ang pananabik na makabalik na sa sariling bansa ay muling isinantabi, upang sa bansang ito naging kanlungan na ng ilang taon ay patuloy na bigyang katuparan ang bukas na pinapangarap na sa kasamaang palad ay di natagpuan sa bansang aking pinagmulan. Dito sa bansang ang kultura at uri ng pamumuhay ay kaibang kaiba sa buhay na kinalakhan. Gayunpaman ay tinanggap ko ito at buong pusong niyakap ang kulturang meron sila at pilit ding sinabayan ang napakabilis na daloy ng pamumuhay nila. Dahil sa bansang ito ang bawat sandali ay mahalaga, wala ni saglit ang nasasayang. Kahit ang pansamantalang paghinto at saglit na panoorin ang ulan ay di magawa, di pansin ang ganda ng mga kaganapang hatid ng kalikasan.

Pinakiramdaman ko ang bahagya na lamang naririnig na pagbuhos ng ulan. Banayad na ang pagpatak nito hatid ay marahang haplos sa sistema ko, na parang oyayi kung saan ay hinihila ako nito doon sa dako ng walang kamalayan. Kaya’t pansamantala’y kinalimutan ang kahungkagang nararamdaman at ipinahinga ang isip, puso at katawan sa mahimbing na pagtulog sa gitna ng musikang likha ng ulan.

Tila na ang ulan, tunay ngang kamangha mangha ang pagdating ng umaga pagkatapos ng ulan. Napakaaliwalas ng paligid, sing aliwalas ng pakiramdam ko. Isa itong umaga na punung-puno ng pag-asa, pagbabagong simula at ang muling pagpapatuloy sa naumpisahan ng mga bagay-bagay. Dahil ang takot, mga pangamba, pighati at panghihina ng loob na syang umiral sa nagdaang kahapon ay para bang inanod na ng ulan. Ang nalugmok na pagkatao ay muling bumangon na may taglay na nagbabagang determinasyon at tapang na harapin ang susunod pang mga ulan na buong-buo na ang loob. Dahil ang ulan ay isang karaniwang kaganapan, katulad ng kung paanong pangkaraniwan lang din ang mga nararanasan nating hirap sa iba’t-ibang aspeto ng buhay. Ngunit anuman ang mangyari at gaanu man karami ang ulan na dumaan habang andito pa ako sa ibang bansa ay akin pa ring pagsisikapang muling mamasdan at malasap sa damdamin ang ulan na mula sa aking kamusmusan, sa aking pagbabalik. Pangako.

At sa kaibuturan ng puso ko’y taimtim na hinihiling na sana malapit na ang pinakahuling pagkakataon na aking bibigkasin ang taos puso kong pasasalamat sa bansang naging tahanan ng mahabang panahon.

Salamat Hongkong! Salamat ulan.


📝 Komento mula sa tagasuri|Myan Lordiane

“Dahil ang ulan ay isang karaniwang kaganapan, katulad ng kung paanong pangkaraniwan lang din ang mga nararanasan nating hirap sa iba’t-ibang aspeto ng buhay”

Isang matalanghigang pagmumuni muni ng isang OFW sa Hongkong sa napipintong buhos ng ulan. Malalim at matalanghiga ang kanyang paghahalintulad ng ulan sa mga positibo at negatibong aspeto ng buhay.

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *