PALIPARAN

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 PALIPARAN

👤 Antonio Magallanes Jr

 

Paliparan; pinaka masaya at pinaka malungkot na lugar sa buong mundo. Mga pangungusap na sumasalungat sa bawat isa. MASAYA? Dahil dito mag uumpisa ang pag abot ng katuparan ng mga pangarap ng bawat OFW. Na sa bawat paghakbang ng mga paa ang patungo sa loob ng eroplano ang sya ding ticket upang maibigay ang magandang edukasyon sa mga anak., MASAYA? Sa kadahilanang sa pag angat ng eroplano patungo sa himpapawid ay siya ding pag pagnanais na maiangat ng bawat Pamilyang Pilipino ang buhay sa pagkakalugmok sa putik ng kahirapan.Na maiangat ang estado sa kadahilanang na pag ikay mahirap wala sa iyo ang prebelihiyong na tanging ang mga nakakaangat lang sa buhay ang nakikinabang.

MASAYA? Dahil sa pagkatagal tagal ng panahong pagkakawalay ay muli ng makikita ang mga pinakamamahal sa buhay. Na sa kabila ng mga pera at mga kahong-kahong bagahe ay hindi parin matutumbasan at mapapantayan ang saya at tuwa ng mga maiinit na yakap at matatamis na halik mula sa taong mahabang nawalay sa atin.

MASAYA? Na mula sa mga dalang matatamis na tsokolate ay ay muli ding masisilayan ang mga kislap ng mga mata at matatamis na ngiti na kay tagal na hindi nakita.

MASAYA? Na sa paglapag ng eroplano sa paliparan ang siyang pagtatapat ng pag ibig ng mga na magkasintahan at mag iirog. Na ang tanging pasalubong ay isang singsing at lakas ng loob upang tanungin ang iniibig na “ Will You Marry Me?’’ Mga kaganapang inaakalang sa pelikula at teleserye lamang nangyayari.

Ngunit sa kabila ng kasiyahang ito ay nakapaloob ang mga nakatagong mukha ng kalungkutan. Na hindi lahat ng nakaapak sa loob ng paliparan ay pinapalad sa buhay.Na hindi lahat ng umaalis ng buo ay umuuwing buo , at hindi lahat umuuwing buo ay aalis ng buo.

MALUNGKOT? Na sa kabila ng kahirapan sa buhay ay tanging ang paglisan sa sariling bayan ang tanging kasagutan. Na labag man sa loob na iwanan ang mga minamahal sa buhay ay kakayanin upang maibigay lamang ang mga pangngailangan kahit na ang kapalit nito ay panlulumo at pag iisa.

MALUNGKOT? Na kapalit ng mga dolyares at pinapadala sa bansang nilisan ay syang unti -unting paglayo ng mga loob ng mga minamahal sa buhay. Na sa kabila ng pag sasakripisyo ang syang unti-unting pagkawasak ng relasyon ng pamilya. Na sa kabila ng pag ahon sa buhay ay sya ding pagkalubog ng pagkatao at pagkasira ng sarili sa pagkakalulong sa mga bisyo. Na sa kabila ng bawat sentimong ipinapadala sa Pilipinas ay sya ding pananakit at pag aalipusta ng mga among dayuhan. Na sa bawat pambubugbog , mga pasa at sakit ng katawan ay pilit na ipinagsasawalang bahala at iniinda dahil ang mas mahalaga ay maibigay ang pambili ng gamot at pang tuition, at pag natanggap na ay tila ba nakalimutang magpasalamat at pagnagkulang tila ikaw pa ang may utang.

MALUNGKOT? Na ang paliparan ang siyang huling hantungan.Umalis ng buhay , umuwi ng malamig na bangkay, sa kadahilang hindi maganda ang sinapit sa bansang banyaga. Na kapalit ng pagsasakripisyo at mga pangarap ay buhay ang katumbas na tanging ang mga sambitin ay “ swertihan lang talaga.”

Kay sarap pagmasdan ng mga eroplanong lumilipad sa himpapawid. Na lahat ay nangarap na isang araw ay makasakay at makita ang mga tanawin sa taas, kay sarap pagmasdan ang mga taong walang katapusang nag kakamustahan , tumatawa , umiiyak, nagyayakapan, nagdadasal, at mga taong paroon at parito sa loob ng Paliparan. Mga karton kartong mga bagahe na naglalaman ng pagpapakahirap at oras na nilaan upang mapuno lamang ang mga ito. Mga bagahe na naglalaman ng mga alaala malungkot man o masaya, at higit sa lahat kaysarap pagmasdan ang Pamilyang Pilipino na sabay-sabay na nangangarap na lumipad tulad ng isang eroplanong unti-unting pumapaitaas at patuloy na tumataas upang makarating sa patutunguhan.

At lahat ng ito ay mag uumpisa at magtatapos sa PALIPARAN at tila maituturing kong ito na pinakamalungkot at pinakamasaya na lugar sa buong mundo.


📝 Komento mula sa tagasuri|Myan Lordiane

Karaniwan din ang tema ng paliparan o “airport” sa mga isinumite ng mga OFW ngunit sa akdang ito, malinaw na tinukoy ng manunulat ang dalawahang katangian ng mga paliparan – bilang pinakamasaya at pinakamalungkot na lugar para sa mga OFW. Makapagdamdamin at buo ang konsepto at pagkakahalintulad sa buhay ng mga nag-iibang bayan upang magtrabaho.

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *