KAILAN KA NGA UUWI?

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 KAILAN KA NGA UUWI?

👤 Cristina F. Rendon

 

Malakas ka pa noon, iyon ang sariwang bumabalik sa aking alaala. Mula umaga hanggang gabi ka pa ngang namamasada ng tricycle. Kahit mainit ang tanghaling tapat, o malamig kapag madaling araw at hapong umuulan. Wala kang panahong pinapalampas. Babangon sa madaling araw kung kulang ang pambaon namin at uuwi bago kami pumasok sa eskwelahan, may dala na ring pang-almusal. Nagmamadali pa nga tayong kumain para maihatid mo kami at hindi kami mahuli. Ikaw na rin ang namamalengke at nagluluto bago dumating ang oras ng tanghalian. Ang sarap sa pakiramdam kapag lumabas kami ng tarangkahan ng eskwelahan at naroon kang naghihintay. Mula elementary kami hanggang high school, iisa lang ang naging ikot ng buhay mo. Iisa lang ang naging kaaliwan mo sa buhay. Hindi ka naninigarilyo, hindi ka umiinom ng alak, hindi ka nagsusugal. Ang meryenda mong binibili para sa sarili kapag kakainin mo na at naiisip mo kami, uuwi ka pa para pagsaluhan natin. Madalas nag-aalala ako kapag gabing gabi na at wala ka pa. Lalo na kapag malakas ang ulan. Naiisip ko, pwede kayang magkaroon ng laser beam sa paligid ng tricycle mo na sumasangga sa malakas na ulan at sa masasamang taong maaring puminsala sa iyo sa malalim na gabi? At kapag narinig ko na ang pamilyar na tunog ng tricycle mong papalapit na sa bahay, napapayapa na ako. Kapag huminto na ang makina ng motor sa garahe, nakakatulog na ako.

Ang tagal mo na palang namamasada ng tricycle, tatay. Apatnapung taon na ba? Naging pangalawang tahanan mo na ang kalsada. Alam mo na lahat ng kasuluksulukan ng Lipa. Marami nang tao ang nakakakilala sa iyo. Kahit noong nagtatrabaho na kami at dahil kaunti lang naman ang sinasahod, hindi ka pa rin nagpahinga. Tuloy ka pa rin sa mga dati mo nang ginagawa. Namamasada, nagluluto at sinisiguradong naihahatid at nasusundo kaming magkakapatid sa eskwelahan ang iba, sa trabaho at pagsamba. Wala kang relo sa kamay pero eksakto kang dumarating sa oras. Kapag bumababa kami sa tricycle mo, may pabaon pang masayang ngiti mula sa iyong mukha.

May mga panahong naiinggit ako sa ibang ama para sa sa iyo. Na dahil malalaki na ang mga anak nila at may hanapbuhay na, madalas na lang na nasa balkonahe ng mga bahay nila at nakaupong nagpapahinga. Samantalang ikaw, dahil sa kahirapan ng buhay natin ay kailangan pa ring mamasada. Inulan at inaraw na ang pagod na mga kamay, hindi na nga nakakaramdam ang ibang daliri mo sabi mo di ba? At wala kaming narinig na kahit konting reklamo galing sa iyo.

Sa panahong magkasama tayo hindi ko natandaang nagpagamot ka o pumunta sa doktor ng kusa. Hindi ko nga naalalang uminom ka ng gamot. Hindi ba sumasakit ang ulo mo kahit minsan? Sinipon o inubo man lang? O tinitiis mo na lang ang mga karamdaman?

Noong paalis na ako papuntang ibang bansa at inihatid mo ako hanggang bus stop, sinabi mo sa aking “Huwag ka nang umalis, malamig doon. Baka hindi mo makaya ang lamig.” Alam mong lamigin ako, ikaw kasi ang nag-iinit ng tubig na ipinanliligo ko sa madaling araw. Kahit ipinagpipilitan ko nang kaya kong maligo ng malamig, ipinagpipilitan mo pa ring mag-init ng tubig. Natatndaan ko pa ang ngiti mong pabaon bago ako sumakay ng bus. Pilit na mga ngiti sa labi at ang mga mata ay nalulungkot naman. Ayaw mo sigurong umalis akong nabibigatan kaya ngumingiti ka pa rin. Noong wala na sa paningin mo ang bus na sinasakyan ko, ano kaya ang iyong naramdaman? Umiyak ka kaya, tatay? Sigurado nalungkot ka.

Hindi pala madaling magtrabaho sa ibang bansa, tatay. Kahit nahihirapan at napapagod na hindi pwedeng basta magpahinga. Kahit may masakit na mga kalyong tumubo na sa mga paa. Naalala ko tuloy noong magkakalyo ka sa mga kamay, na sabi mo ang sakit sakit. Naranasan ko noong nasa ibang bansa na ako, at napaiyak ako sa dalawang dahilan. Una dahil sa sobrang sakit at pangalawa, dahil naalala ko na ganon pala ang nararamdaman mong sakit dati. Sakit na para sa akin ay hindi kayang tiisin pero natiis mo.

Kapag tumatawag ako at kinakausap ka, nasa boses mo ang kasayahan. Nararamdaman kong nakangiti ka kahit hindi kita nakikita. Kapag kinakamusta kita ang lagi mong sinasabj, “Heto malakas pa. Kaya pang magbuhat ng isang sakong bigas, sumakay ka pa!” Kapag naririnig ko iyon galing sa iyo, napapayapa ang isip ko. Kaya siguro sa tuwing tatawag ako at mangungumusta iyon ang lagi mong sinasabi.

Para masuportahan ang pangangailangan ng pamilya at pag-aaral ng kapatid, hindi ko na namalayan kung ilang taon na ang lumipas. Hindi na ininda kung ilang sakit at pagod na ang naranasan. Ang naging inspirasyon na lang ay ang isiping kapag may ipinadadala akong pera, hindi ka na mapupwersang mamasada. Pwede ka nang magpahinga na lang sa bahay.

Isa sa mga araw na narito ako, nabalitaan kong naaksidente ka. Dalawang linggo pa nga ang nakalipas bago sinabi sa akin ang balita. Siguro dahil ayaw nyo akong mag-alala. Sabi nila tumilapon ka raw mula sa tricycle mong sinasakyan at padapang bumagsak sa kalsada. Kaunting galos sa ulo at ayaw mong pabentahan sa hospital na pinagdalhan sa iyo. Pagkatapos ng isang linggo, nilagnat ka raw at sumakit ang katawan. Alam mo bang sobra akong nag-alala. Nadulas din kasi ako sa hagdan dito at bumagsak sa sahig, pagkatapos ng tatlong araw saka ko naramdaman ang sakit. Naalala kita, mas malayo ang pinagbagsakan ng katawan mo. Kung ano ang naramdaman kong sakit, siguro mas doble ang sa iyo.

Simula ba noon, nagsimula ng humina ang iyong alaala? May mga nakakalimutan ka ng pangalan o kahit mga lugar. Ang kalsadang dati mong pangalawang tahanan, hindi mo na alam puntahan ang iba. Ang sabi ng inay may mga pagkakataong naliligaw ka na at hindi na alam kung saan ang bahay. Naging magagalitin ka na rin daw at maikli ang pasensya. May mga pagkain ka ng itinatago sa kanila, minsan nabubulok na kasi hindi mo na maalala kung saan mo na inilagay. Kapag tumatawag ako at kinakamusta ka, ang nasasabi mo na lang ay “Heto malakas pa.” Kapag tinanong ko kung kaya pang magbuhat ng isang sakong bigas, ang sagot mo ay hindi na. Pero payapa pa rin ang isip ko, kasi malakas ka pa. “Mahihintay nyo pa ako pagbalik ko?” Ang sagot mo ay “Oo mahihintay pa kita. Kailan ka nga uuwi?”

Malapit ng matapos ang mahabang labingdalawang taon ko sa Taiwan. Matagal ka na palang wala dito sa atin, sabi mo pa nga. Matagal na tayong hindi magkasama. Marami ng mga pagbabago sa iyo. Ibang iba ka na nga raw sabi nila. Mas marami ka nang hindi naaalala ngayon. Hindi ka na pwedeng pabayaang mag-isa. Baka mawala ka na sa kalsada at hindi ka na makauwi. Tumanda ka nang masyado. Kapag tumatawag ako ngayon ang napapakinggan ko ay ang masaya pero paulit ulit mong kwento. At sa pagitan ng bawat isang pangungusap, naaalala mong itanong “Kailan ka nga uuwi?” “Malakas pa ako, makakapaglaro pa tayo ng volleyball, hihintayin kita.”

Kapag naririnig ko ang mga tanong mo kung kailan ako uuwi, humihinto ang plano kong pagkatapos dito ay pumunta ng iba namang bansa. Ang plano ko ngayon sa huling taon ng pamamalagi sa Taiwan ay magpakasipag pa sa paghahanap-buhay at mag-ipon ng maraming pera. Kapag umuwi ako sa isang taon, hindi na ako aalis ulit. Diyan na lang ako maghahanapbuhay para maalagaan ka. Katulad ng naging pag-aalaga mo noon sa aming magkakapatid at sa ating pamilya. Kung mapapagod ako ng pag-aalaga sa iyo, iisipin ko ang walang kapagurang pag-aalaga mo sa amin noon. Kung mapapagod ako sa paghahanapbuhay, iisipin ko ang ginawa mong paghahanapbuhay noon. Gusto kong ipasyal ka sa mga lugar na hindi mo napuntahan noong abala ka pa sa paghahanapbuhay para sa amin. Gusto kong ikain ka sa mga kainang hindi mo nagawang kainan noon. Gusto kong ako ang maghahatid sa iyo kung saan mo gustong pumunta kung naiinip ka na sa bahay. Gusto kong itanong ang mga pangarap mo sa buhay at kung ano ang mga nagpapasaya sa iyo, na noon ay nakalimutan na nating itanong sa isa’t isa.

Ngayong matanda ka na at marami ka nang hindi naaalala, gusto kong makita mong hindi ka mag-iisa.


📝 Komento mula sa tagasuri|Myan Lordiane

Karaniwan ang kwento ng isang manggagawang nangungulila sa pamilyang naiwan sa Pilipinas. Ngunit sa akdang ito, hindi makakaaninag ng pagkalugmok sa awa sa sarili kundi pagdadakila sa isang ulirang magulang habang taimtim at malambing na kinakausap ng manunulat na OFW ang kanyang ama. Sa mga taos-pusong detalye, kinikilala ng manunulat ang pagtaguyod sa kanila ng ama sa pamamagitan ng pagpasada ng tricycle sa apatnapung taon at ang ‘di matatawarang pagkalinga nito sa kabila ng kanilang kahirapan. Ramdam dito ang dalisay na pagmamahal na nagsisilbing inspirasyon para sa may akda na pagsilbihan rin ang kanyang pamilya bilang OFW.

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *