PASAPORTE NG PANGARAP

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 PASAPORTE NG PANGARAP

👤 Lorna Tulisana

 

Ni: EL Tee

“MADAM, I will take these out! You like to check it first?”

Nakita ko na naman kung paanong nandilat ang mga mata ng amo ko habang nakatunghay sa bitbit kong dalawang malalaking plastic bag na kahit hindi bulatlatin ay agad na nitong alam ang nilalaman.

“Emily, how many times I told you that I don’t want rubbish in my house!”

Humingi na lamang ako ng paumanhin at nangakong hindi na iyon mauulit pa.

Mahigit tatlong buwan na rin akong nagtatrabaho bilang domestic helper sa Hongkong. Natutunan ko ang pag-iipon ng mga lumang diyaryo, lata, bote at plastik sa kakabayan ko na ganoon din naman ang ginagawa. Hindi nga lang ito sinisita ng amo.

Dinadala ko ang mga naipon ko nang buong linggo sa junk shop na ilang kilometro rin ang layo mula sa lugar na aking tinitirahan. Nilalakad ko iyon ng kalahating oras. Kailangan kong magtipid dahil bawat sentimong hawak ko ay may halaga para sa aking pamilya na nasa Pilipinas.

“You here again.”
“Yes, uncle.”

Kilala na ako sa junkshop. Mabait ang may-ari niyon. Kaya nalungkot ako nang ibalita nito na magsasara na ang kanyang tindahan dahil lilipat na silang buong mag-anak sa Mainland China.

Siguro paraan na rin iyon ng tadhana na kailangan ko na talagang maghanap ng ibang mapagkakakitaan.

“I will give you twenty dollars for these. And a bottle of water. Free. No pay, okay?”
“Thank you, uncle. Take care.”
“You also. Take care.”

—-

“ARE you going out, Emily?”
“It’s my holiday, Madam.”
“I know, but…”
“I obey what you said to me, Madam. No rubbish anymore.”
“That’s good. Off you go, enjoy your holiday!”
“Thank you, Madam.”

Isang abogado at pulis ang mga amo ko kaya istrikto sila sa pagsunod sa batas.

“Emily, saan ang punta mo ngayon?”
“Sa tabi-tabi lang,” sagot ko sa kababayan ko na madalas kong makasabay sa pagpunta ng palengke.
“Sama ka sa amin. Mainit ang pangahon, swimming tayo sa Repulse Bay.”

Maganda ang imbitasyon na iyon ni Rezza. Masarap nga ang magbabad sa karagatan. Mahal lang ang pamasahe at malayo ang binanggit nitong lugar. “Kayo na lang.”

“Halika na. Sagot naman namin ang pagkain.”

Napatingin ako sa bitbit ng tatlo pang kasama ni Rezza. At nakaramdam ako nang pangangalam ng tiyan nang masamyo ko roon ang amoy ng mga pagkain. Kape at tinapay lang ang lagi kong almusal. Sa buong maghapon ng aking labas tuwing Linggo, tubig at biscuit lang ang baon ko. Nakakatawid-gutom rin iyon. Bumabawi naman ako ng kain mula Lunes hanggang Sabado sa bahay.

“Ano? Sasama ka ba?”
“Huwag na. Kayo na lang.”
“Ikaw ang bahala.”

Dumiretso na ako sa aking pupuntahan. Kinakabahan ako, pero kailangan ko iyong gawin.

—–

“COME inside.”

Nagdadalawang-isip ako na pumasok dahil nakahubad nang pang-itaas ang lalaki na nagbukas sa akin ng pinto.

“Sorry, sorry.”

Marahil napansin nito ang tingin ko sa kanya kaya mabilis itong umalis para magbihis.

“Come, come.”

Isang kakilala ang nagsabi sa akin na kailangan ni Mr. Wan ng tagapaglinis. Biyudo ito at parehong nasa England ang dalawang anak.

“Just clean here. I laundry my clothes outside. And no cooking.”

Hindi masyadong magaling sa pagbigkas ng Ingles ang lalaki, pero malinaw ko naman iyong naintindihan. Paglilinis lang ang aking trabaho.

“You eat already?”
“Yes, sir.”

Sinimulan ko na ang paglilinis ng buong bahay. Inabot din ako ng apat na oras; walang pahinga. Nakakapagod, pero kailangan kong magtiis.

“Here.”

Napatingin ako sa isang daang dolyar na inilahad ng lalaki. “Sir, my friend said, you will pay me three hundred.” Ginamitan ko pa iyon ng mga daliri para mas maunawaan ng aking kausap ang nais kong ipahiwatig. “Not one hundred dollar. Three hundred,” pag-uulit ko.

“No, no. Too big. You just clean.”
“But I clean for four hours.”
“You just make it slow. I saw you. Go, go.”

Wala na akong nagawa nang ipagtabuyan ako palabas ng bahay. Hindi rin naman ako puwedeng magreklamo dahil sa oras na may nakialam na pulis, siguradong sa kulungan ang aking bagsak.

“Sinungaling!” ngitngit ko. “Hindi man nga lang ako nagpahinga! Bulag ba siya?”

Isang ginang ang tumawag sa akin na hindi ko naman agad napansin.

“Nagtrabaho ka ba kay Mr. Wan?”

Tumango ako nang tumigil sa harapan ko ang babae.

“Sa hitsura ng mukha mo, nautakan ka sa pagbayad.”
“Bakit niyo po alam?”

“Ganyan ang matandang iyan. Kaya huwag ka nang umulit. At isa pa, baka mapahamak ka dahil alam naman natin na bawal ang pagtatrabaho sa iba. Alerto ang mga pulis ngayon sa panghuhuli ng mga illegal workers. Kaliwa’t kanan ang balita sa ilan nating mga kababayan na nakakulong dahil sa paglabag sa batas ng mga migrante rito.”

Umalis na ako matapos kong magpasalamat sa ginang. Sa tulad kong may malaking pangangailangan sa pera, hindi ko gaanong iniisip ang kapahamakan.

—–

“HELLO, Jonrey?”
“Mama!”
“Kumusta na kayo?”
“Wala na po kaming bigas, mama!”

Pinigilan ko ang pagpatak ng aking mga luha sa bungad na iyon ng panganay kong anak.

Hindi pa regular ang perang ipinapadala ko sa pamilya ko dahil nagbabayad pa ako sa agency nang nagastos ko sa placement fee. Mahigit isang daang libo rin iyon. Naibenta ko na ang lupang sakahan ng aking ama maging ang alaga nitong dalawang kalabaw, pero anim na buwan pa rin ang gugugulin ko sa pagbabayad kahit sinabing ‘no placement fee’ ang Hongkong. Sadyang may mga taong pagdating sa pera ay walang pakialam sa hirap ng iba para kumita at mabuhay.

“Si Papa lagi pang wala rito sa bahay. Sana nandito ka po, mama.”

Tahimik kong pinakawalan ang aking mga luha upang hindi mag-alala ang anak ko. Baka lalo lang kasi itong mangulila sa akin.

“Hayaan mo, anak. Kapag marami nang pera si Mama, uuwi na ako riyan para magkasama-sama na uli tayo.”

“Bakit ba kailangan natin ng maraming pera, Mama?” inosente nitong tanong.

Sampu pa lamang ang edad ng panganay ni Emily. Walo at anim ang sinundan nito. May bunso pang pitong buwan.

“Gusto kong makapagtapos kayong lahat sa pag-aaral, anak. Ang edukasyon lang ang tanging maipamamana ko sainyo. Kaya nagtitiis at nagsusumikap ako rito nang malayo sa inyo.”

“Mama, mag-aaral kaming mabuti para makauwi ka na. Nami-miss ka na namin.”

Nagpapasalamat ako dahil nabiyayaan ako ng mga mauunawaing anak kahit hindi man ako nabigyan ng isang mabuting asawa. “Miss na miss ko na rin kayo.”

“Nakakatayo na si Lyka, Mama.”

Napatakip ako sa bibig para hindi lumikha ng ingay ang aking paghagulhol. Apat na buwan lamang ang bunso ko nang aking iwan. Wala man lang ako sa tabi nito upang maalalayan ang una nitong pagtayo o maging ang una nitong hakbang.

—-

“HEY! HEY! What are you doing? Stop that!”

Mabilis kong itinigil ang paglilinis ng kuko ng isa kong kababayan dahil sa pagsita ng pulis. “Sir, she is just my friend!” pagsisinungaling ko.

“No! You cannot do that! You know that it’s against the law!”

Ilegal man sa Hongkong ang pagkuha ng ibang trabahong wala sa kontrata, pero sa tulad kong nangangailangan ng dagdag na kita ay patago akong dumiskarte. Kailangan lang ng dobleng pag-iingat. Pero minsan may ilang mga pagkakataon talaga na minamalas.

“Put that away! Put that away!”

Tumalima naman ako para hindi na uminit pa ang ulo ng pulis, ngunit nang makalayo ito ay binalikan ko ang aking ginagawa. At nang matapos iyon ay naghanap pa ako ng ibang kostumer. Nilibot ko ang ilang bahagi ng Central kung saan marami ang mga Pinoy na tumatambay.

Sa buong maghapon, mahigit tatlong daang dolyar rin ang naipon ko. Malaking halaga na iyon para ipandagdag sa ipapadala ko sa pamilya.

—-

“AUNTIE, where’s my socks?”

Tinakbo ko ang sumigaw na panganay kong alaga. Dose anyos na ito, pero sa akin pa rin inaasa pati ang medyas na kukunin lang naman nito sa drawer. “Here.”

Trabaho ko bilang katulong na ibigay ang lahat nang kanilang pangangailangan.

“Auntie, I’m hungry!”

Patakbo uli akong bumalik sa kusina at hinarap ang aking pagluluto. Ganoon lagi ang senaryo sa bahay tuwing umaga.

Gumigising naman ako ng maaga, pero sa dami ng utos ay hindi ko matapos-tapos ang isang gawain.

“Emily, did you iron my trousers?”

Sumingit pa ang aking among lalaki. Alam naman nito kung saan nakasabit ang pantalon nitong pinaplantsa sa akin kagabi. “I’ll get it, sir.”

Eksakto alas otso nang lumabas ang buong pamilya. Nag-almusal muna ako at tumawag sa aking mga anak.

“Kumusta na kayo?”
“Mama, natalo na naman sa sabong si Papa.”

Napatiim-bagang na lang ako sa balitang iyon ng aking anak.

“Kinuha po niya kay Lola ang perang ipinadala mo.”
“Hindi man lang ba siya pinigilan ng lola mo?”
“Nag-away po silang dalawa ni Lola.”

Nagsisisi ako na hindi ko muna hiniwalayan ang inutil at iresponsable kong asawa bago ako umalis. Noon pa man ay ganoon na ang ugali nito. Nagtiis lang ako nang mahabang panahon para sa kapakanan ng aking mga anak. Gusto ko kasing lumaki sila nang may kumpletong pamilya. Pero dumating na ako sa punto na kailangan ko nang magdesisyon.

“Nasaan ang papa mo?”
“Umalis po. Nakita namin kanina na nakikipag-inuman kina Tito Ardo at Kuya Tor.”
“Sabihin mo sa kanya na gusto ko siyang makausap bukas. Ganitong oras.”
“Opo, mama. Hindi ka pa po ba uuwi? May PTA na naman sa eskuwelahan. Wala ka.”

Kailangan kong tatagan ang aking loob. Mahaba-haba pa ang pagtitiis at pagsisikap na aking gagawin. Kakayanin ko. Walang imposible para sa isang ina.

—-

“EMILY.”
“Yes, ma’am?”
“My bathroom have stinky smell. Go and check it.”

Iniwan ko ang pagkuskos ng sahig at tinungo ang banyo ng mga amo ko. Araw-araw ko naman iyong nililinis. Pero kahit anong sipag ang ipakita ko, hindi ito nawawalan ng reklamo. Sinusulit nito ang bawat sentimo na ibinabayad sa akin.

Malapit nang pumatak ang hatinggabi, ngunit kaliwa’t kanan pa rin ang utos ng mga amo ko. Idagdag pa roon ang pagkakalat ng laruan dalawa kong alaga. Sabado kasi bukas kaya balewala sa mga magulang kung magpuyat ang mga anak. At ako? Wala silang pakialam sa pagod na aking nararamdaman.

Ang nagpapalakas na lang talaga ng loob ko maliban sa aking mga anak ay ang araw ng Linggo.

—–

“HOW can you do this to us, Emily?”
“Madam, please give me another chance! I will not do it again!”

Galit na galit ang amo ko matapos akong sunduin nito sa police station kung saan namalagi ako ng isang araw. Nahuli ako dahil pagbebenta ko ng cellcards. Nakuha rin sa akin ng mga pulis ang mga gamit ko sa paglilinis ng kuko. Hindi na ako nagsinungaling pa dahil baka madagdagan ang aking kaso. Breach of contract. Malaking lamat na iyon sa aking pangalan.

“I’m sorry, Madam!”

Humahagulhol ako habang umuusal ng taimtim na dasal na sana hindi ako tanggalin sa trabaho.

Malaki pa ang aking bayarin sa agency. Wala akong pera na mapagkukunan para sa paghahanap ng bagong amo.

“You put this family in shame, Emily! You disappointed me!”
“Madam, I’m so sorry! Please…”
“I’m sorry too, but I need to terminate your contract! I’ll send you back to the Philippines. Pack your things.”

Mabilis akong lumuhod sa harap ng amo ko. Isusuko ko na ang dangal na tanging natitira sa akin. Gusto ko mang makasama na ang aking mga anak, pero ayaw kong umuwing bigo. “Madam, I’m doing an extra work because of my children!” madamdamin kong pahayag sa pagitan ng pag-iyak. “I’m begging, please! I need my work! You’re a mother too, I know you can understand me!”

Lulunukin ko na ang pride para sa pangarap ko sa aking mga anak. Kung kailangan kong humalik sa paa ng amo ko, gagawin ko. Hindi ako uuwing talunan.

—-

HINDI ko napigilan ang aking mga luha habang nakatanaw sa labas ng bintana. Naalala ko pa ang unang araw nang pagtapak ko sa banyagang lugar na iyon. Umiiyak ako noon dahil sa pangungulila sa aking pamilya. Sa hawak kong pasaporte ako humugot ng lakas para humakbang sa bagong mundo na malayo sa mga mahal ko sa buhay.

“Ma’am, please fasten your seatbelt!”

Napatingin ako sa stewardess na pumukaw sa naglalakbay kong diwa. Sinunod ko ang utos nito at muli kong ibinalik ang tingin sa kalawakan ng Hongkong International Airport.

Napalitan ng ngiti ang mga luha ko nang unti-unti nang umusad ang sinasakyan kong eroplano na maglilipad sa akin pabalik ng Pilipinas.

Labing-isang na taon na rin ang lumipas. Pauwi na ako bitbit ang kaligayahan dahil nagtagumpay ako.

Naantig ang puso ng amo ko sa aking pagsusumamo rito nang araw na makulong ako. Binigyan ako nito ng pangalawang pagkakataon. At hindi ko iyon sinayang.

Hindi ko na binalikan pa ang aking mga sideline. Sa halip, idinaan ko na lamang ang lahat sa pagdarasal at pagsisilbi sa Diyos.

Aktibo akong nakibahagi sa mga programa sa simbahan. Madalas tumutulong ako sa pagluluto roon kaya laging libre ang aking pagkain. Nagtipid ako at nag-ipon para sa aking pamilya at kinabukasan ng mga anak ko.

“Ate, pauwi ka ba?”

Nabaling ang tingin ko sa aking katabi. Tumango ako. “Ikaw?”

“Minalas ako sa amo.”
“Bakit?”

“Ginugutom ako at lagi pang pinupuyat. Noong sinabi kong hindi ko na kaya at gusto ko nang umuwi, pinagbintangan akong nagnakaw para hindi na ako maghabol ng ibabayad nila sa akin. Siguro natakot na baka magsumbong ako sa immigration o labor kaya inunahan na ako.”

Nalungkot ako sa aking narinig. Hindi talaga pare-pareho ang ugali ng mga tao. Tama nga ang sinasabi ng karamihan; suwertehan lang talaga na makakasumpong ka ng mabait na amo.

Kahit maraming reklamo at utos ang pinagsilbihan kong pamilya na minsan ay wala pang konsiderasyon sa pagod ko, pasalamat pa rin naman ako na may kabutihan pa sila sa kanilang puso.

Muli kong itinuon ang aking tingin sa labas ng bintana. Natanaw ko ang kahabaan ng Tsing Ma bridge. Tuwing araw ng Sabado, dumaraan kami roon mula sa pagdalaw sa bahay ng mga magulang ng amo kong babae.

Nalipat ang mga mata ko sa matayog na gusali ng ICC (International Commerce Center), isa iyon sa pinakamataas ng istraktura sa Hongkong. Kapag sumasapit ang ika-pito ng gabi, natatanaw ko mula sa aming tinitirahan ang pagliliwanag nito na tila laging nagpapahiwatig sa akin na kahit gaano man kadilim ang buhay, mayroon pa ring liwanag na tatanglaw.

Bumaba ang tingin ko sa kalawakan ng Victoria Harbour. Maraming beses na rin akong napapadpad doon sa paghahanap ng lilinisang mga kuko. At sa lugar ko na iyon nasaksihan ang pinakamagandang pagsikat at paglubog ng araw.

Masakit at malungkot mang magpaalam tulad ng araw, hindi ako kailanman nawalan ng pag-asa na laging may bukas para pagsikat.

—–

“MAMA!”

Napangiti ako habang ibinalik ang pagkaway sa apat kong anak na sumundo sa akin sa NAIA. Sinalubong ako ng mga ito ng mahihigpit na yakap. Sa maraming taong nawala sa amin, babawi ako. Tapos na ang aking misyon sa ibang bansa. Oras na para naman gampanan ko ang pagiging isang ina.

“Mama, pasalubong ko para sa’yo.”

Napaiyak ako sa sobrang kaligayahan nang isinuot sa aking leeg ng panganay kong anak ang nakuha nitong medalya sa pagtatapos nito sa pag-aaral.

“At ito naman ang diploma.” Inilahad nito ang papel na hawak, “Patunay na hindi nasayang lahat nang hirap at pagod mo sa pagtatrabaho! Salamat, Mama!”

“Salamat din, Jonrey.”
“May anak ka na ngayong engineer.”
“At ipinagmamalaki ko iyon.”

Napatingin ako sa hawak kong pasaporte nang kunin ‘yun sa akin ni Jonrey.

“Hinding-hindi na tayo nito paghihiwalayin pa.”

Maluha-luha akong tumango. Masaya ako na nagkaroon ng magandang bunga ang ilang taon na pagtitiis ko na mahiwalay sa pamilya. Tama lang na hindi agad ako sumuko.

-WAKAS-


📝 Komento mula sa tagasuri|Conchitina Cruz

In a series of vignettes that rely on sharp dialogue and description, this text follows the life of a street smart and willful domestic helper in Hong Kong. It dramatizes the difficulty familiar to all OFWS, where your body is in one country but your heart is in another. The domestic helper in this narrative is one tough cookie, and her drive to risk life and limb to provide for her loved ones is nothing short of admirable.

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *