Isang Panawagan ng mga Bagong Bayani

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 Isang Panawagan ng mga Bagong Bayani

👤 Dennis John Manaois Go

 

Dalawang taon na ang nakalipas mula nang lisanin ko ang aking lupang tinubuan, ngunit sariwa pa rin sa aking alaala ang araw na iyon. Anong galak ang aking nadama nang nakatanggap ako ng isang tawag mula sa ahensiyang aking pinaghainan. Isang opisyal mula sa ahensiya ang nag-abot sa akin ng isang mabuting balita, “Makakalipad ka na!” sambit niya. Agad ko itong ibinalita sa aking kapilas ng buhay at sa aming supling na tatlong taong gulang pa lamang noon. Dahil sa labis na kaluguran sa aking puso, hinagkan ko ang aking mag-ina ngunit natanto ko ang panglaw ng kanilang mga mata. Sa mga sandaling iyon, nagdalawang-isip ako at tinanong ang aking sarili kung nararapat nga bang lumayo sa aking pamilya.

Payak lamang ang pamumuhay sa aming lugar. Sa umaga ay aligaga ang mga tao na magganyak upang hindi mahuli sa kani-kaniyang paraan ng paghahanap-buhay. Ang gutom na nadarama ay hindi alintana; ang pagal na katawan ay tila binabalewala. Kasabay ng mataas na sikat ng araw ang pag-asang nagbibigay ng dahilan sa bawat isa upang kumayod. Ang bawat patak ng pawis ay katumbas ng isang butil ng bigas na maihahain sa hapag. Ang sakit ng kasu-kasuan ay daan upang mabigyan ng matiwasay na buhay ang anak. Ngunit talagang ang kapalaran kung minsan ay tila nagbibiro. Ang kakarampot na kinikita sa isang buong maghapon ay sapat lamang na pangtustos sa pang araw-araw na mga pangangailangan at kadalasan ay nagkukulang pa. Ang bansang Pilipinas ay maituturing na isang “third-world country”, isang nasyon na lugmok sa kahirapan. Ang ganitong lagay sa aming lipunan ang dahilan kung bakit isa ako sa mga naglakas-loob upang patayugin ang aking pangarap para sa aking pamilya. Sadya nga bang itinadhana ang kapalaran naming mga Pilipino na maging ganito? Ang sagot ko, hindi. Naniniwala ako na may magagawa kami upang iahon ang aming mga sarili sa kahirapan. Tiyak ko na ang sipag na nilakipan ng determinasyon ay magbabago ng aming kapalaran.

Isa lamang ako sa mga milyon-milyong Pilipino na nangahas magbukas ng bagong pinto sa pakikipagsapalaran. Ang aming bansa ay dumanas na ng maraming pagsubok. Nagkaroon na ng maraming pag-aaklas laban sa aming gobyerno. Ang mga pag-aaklas na ito ay binuo ng mga mamamayang nais isigaw ang kanilang hinaing sa isang gobyernong magnanakaw. Ayon sa datos ng The New York Times, ang Pilipinas ay ang bansang mayroong “most corrupt government officials” sa buong Timog-Silangang Asya noong 2006. Nakakalungkot isipin na ang aking kinabibilangang bansa ay pinamumunuan ng mga kapwa ko Pilipinong naghahari ang pagiging ganid sa pera. Silang mga politiko ang tanging umuunlad sa aming lugar. Samantalang ang mga dukha ay lalong nagiging dukha, silang mga “higante” ay lalong yumayaman. Isa sa mga bunga ng aming baluktot na sistema ng gobyerno ay ang pagtaas ng kriminalidad. Hindi na bago sa aking mga tainga ang araw-araw na balita, mga balita na ang hatid ay insidente ng paninikil, pagnanakaw, panghoholdap, prostitusyon, pagpatay at kung anu-ano pa. Labis na nakababahala ang ganitong lagay ng aming lipunan at lalong nakadudurog ng puso na ang dahilan ng mga kriminal upang gawin ang mga bagay na ito ay wala nang iba kundi ang kahirapan ng buhay. Nasan na ang mga niluklok naming opisyal na lubos naming pinagtiwalaan? Marahil ay nasilaw na sila sa pera ng bayan, at nakaligtaan na ang sinumpaang tungkulin. Sana ay dumating ang araw na umiral ang kanilang konsensya at makita ang tunay na sitwasyon ng kanilang mga kapwa Pilipino na siyang nagluklok sa kanila.

Isa pa sa napakalaking hamon sa aming lipunan ang paglipana ng mga armadong militante na kung ituring ang kanilang sarili ay mga rebelde. Nitong nakaraang taon lamang ay lumikha ng isang napakadugong laban ang grupong Maute– grupo ng mga Pilipinong Muslim na gumamit ng dahas upang isigaw ang kanilang pagkondena sa sistema ng aming gobyerno. Dahil sa kahirapan ng buhay, ang grupo ay nanikil at pumatay ng mga mayayamang negosyante sa kanilang rehiyon at ang resulta ay madugong operasyon laban sa kanila. Ang grupo ay armado at piniling makipagputukan hanggang sa kamatayan. Upang puksain ang grupo, nagpadala ng bata-batalyong mga sundalo ang aming Pangulo sa lugar kung saan sila namugad. Maraming buhay ang nakitil at ang masakit pa, karamihan ay mga inosenteng sibilyan na naipit lamang sa bakbakan sa pagitan ng pwersa militar at ng mga rebelde. Mga putok ng baril, granada, bomba at kanyon ang maririnig sa paligid. Ang kulay asul na kalangitan ay naging kulay itim dala ng mga usok na nagmula sa mga armas na nagpalitan ng putok. Ang mga kawawang bata ay nananangis. Maaaring ang mga batang ito ay mura pa ang isipan ngunit masakit isipin na pati sila ay nadadamay. Kahit ang mga sundalong Pilipino ay nagbuwis ng buhay, marami ang nalagas sa hanay ng mga militar. Nakaliligalig na ang mga kapwa ko Pilipino ay natutukso na kumapit sa patalim upang may mapang-laman tiyan lamang. Sana lamang ay mapagwari ng mga kapwa kong dukha na habang may buhay ay mayroon pang pag-asa.

Napakalaganap din ang malnutrisyon sa aking lupang sinilangan. Napakaraming musmos na nagpapalaboy-laboy sa daan upang humingi ng limos sa mga tao. Ang mga kaawa-awang bata ay napakadungis, suot-suot ang tagpi-tagping baro, at mayroong pangangatawan na hindi wasto sa kanilang mga edad. Kung sila ay tatanungin, ang paglilimos ang kanilang pipiliin kaysa sa pag-aaral dahil ayon sa kanila, may pera daw sa paglilimos. Ang baryang malilimos nila ay ipambibili ng isang kapirasong inumin at tinapay na siyang magsisilbing laman tiyan para sa kanila. Kung hindi naman nanlilimos ay nangangalkal ng mga basura; ngunit hindi lamang basura ang sadya ng mga kapwa ko Pilipinong sadlak sa kahirapan. Minsan, tira-tirang pagkain din ang kanilang pilit na hinahanap sa mga basurahan. Nakakadiri man para sa ilan, para sa kanila ito ay hindi kahihiyan. “Pagpag” kung ito ay tawagin sa aming linggwahe—mga tira-tirang pagkain na kinakalkal sa basura at upang makain ulit ay pinapakuluan at dinadagdagan ng kaunting pampalasa. Ang ganitong sitwasyon ay nakakaalarma lalo na at ito ay parte na ng araw-araw na pamumuhay sa kapitolyo ng Pilipinas—ang Maynila. Unti-unti na ngang nasisira ang aming ipinagmamalaking kapitolyo. Kung magawi ka rito ay makakaramdam ka ng lungkot habang madadaanan ang mga iskwater o “informal settlers” sa ilalim ng mga tulay, sa gilid ng mga riles ng tren, sa ibabaw ng mga nagdudumihang ilog at kung saan-saan pa.

Ang prostitusyon ay talamak din sa aking bansa. Hindi ko lubos maisip na kayang ibugaw ng isang ina ang kanyang sariling anak. Ginagawang puhunan ng mga dalaga o babaeng menor-de-edad ang kanilang katawan upang kumita lamang ng pera. Kahit ang musmos na bata ay nagiging biktima ng pornograpiya. Ang pinakanakakagulat ay ang pagdami ng mga magulang na siya mismong nagbebenta sa kanilang mga anak. Ang lahat ng ito ay maiuugat sa karalitaan. Tunay ngang makasalanan na ang mundo! Ngunit naniniwala ako na ang aming gobyerno ay may magagawang aksyon upang pigilin ang lumalalang sitwasyon ng aming lipunan. Makatutulong sana kung magbubukas sila ng madaming trabaho para sa mga mamamayan upang ang mga kapwa ko Pilipino ay baguhin ang maling gawi at itama ang kanilang mga buhay.

Ang lingid sa kaalaman ng marami ay kung paano napakasatuparan ng mga dayuhang manggagawa ang tsansa na makapangibang-bansa. Samot-sari ang mga kwento kung paano namin natustusan ang lahat ng mga gastos mapunta lamang sa isang dayuhang lupa. Mula sa pagkuha ng mga papel na kailangan ng mga ahensiya, hanggang sa mga gastusin sa medikal at pagkuha ng pasaporte at bisa, lahat ng ito ay kinailangan ang perang panggastos. Upang makapangibang-bansa tulad ko, ang kapatid ko man din ay kinailangan pang mangutang matuloy lamang ang pangarap na makaalis ng bansa. Ang iba ay nagsasanla pa ng mga natitirang ari-arian makadiskarte lamang ng pera. Kung paano namin napagtagumpayan ang pabalik-balik na mga lakad, ang mga naghahabaang-pila sa ahensiyang pinaghainan at higit sa lahat, ang makapaghanap ng perang panggastos sa lahat ng pagproseso ng aming mga papel ay isa sa mga maituturing na labis na pagsusumikap. Ang lahat ng ito ay upang makamit lamang ang inaasam namin na makapangibang-bansa dahil sa pag-asang ibinibigay nito sa amin na mabibigyan namin ng panibagong buhay ang aming pamilya.

Walang ibang salitang maidudugtong sa pag-aabroad kundi ang “pagsasakripisyo”. Dala ang nabibilang na baro na isinilid sa aking tampipi at ang pangangamba na nakatanim sa aking dunong, dumating na nga ang araw na maglalayo kami ng aking pamilya. Kasabay ng paglipad ng higanteng eroplano na lumulan sa akin ang patak ng aking mga luha. Nagbalik sa aking gunita ang mga maliligayang oras na ginugol ko sa aking pamilya at nangangamba kung kailan ito mauulit. Habang ang eroplano ay taimtim na lumipad sa himpapawid, ang aking isip ay lumulutang at pilit na bumabalik sa lugar kung saan ko itinuturing ang aking sarili na kabilang. Lumipas pa nga ang mga ilang oras at ang tanging ginawa ko lamang ay ang sumilip sa mga alapaap. Matapos ang mahigit dalawang oras ng paglalakbay, nakatapak na nga ako sa isang banyagang bansa na kung tawagin ay “Taiwan”.

Hila-hila ang aking mga bagahe, nagmasid ako sa aking paligid. Nakaramdam ako ng pag-iisa dahil tanging ibang lahi ang nakikinita ng aking mga mata hanggang sa isang koredor na Taiwanese ang sumalubong sa akin. Mula sa paliparan ay nagtungo kami sa isang napakatayog na gusali na magsisilbing aking dormitoryo. Ipinasilip niya sa akin ang aking silid; ito ay may katamtamang lawak na kung saan anim ang maaaring umokupa. Ang silid ay payak ngunit masinop, mayroon itong sariling bentilasyon at ito ay nasa rurok ng gusali. Magandang tanawin ang maaaninag mula sa aking silid. Sa mga oras na ito ay nagugulumihan pa rin ang aking isip; ang katawan ko ay nasa Taiwan ngunit ang aking isip ay humiwalay at nagpaiwan sa aking mahal na bansang Pilipinas.

Nagsimula akong makipagkaibigan sa aking mga ka-silid. Sila ay mga Pilipino din tulad ko at lahat sila ay mabubuti. Maayos silang nakikitungo sa akin at ipinaparamdam nila sa akin na hindi ako iba sa kanila. Sa kaibuturan ng aking puso ay lubos akong mapagpasalamat dahil ang puwang na ibinunga ng pangungulila ko sa aking pamilya ay napupunan ng aking mga kaibigan. Ang pagkasabik na aking nadarama ay dinadaan ko na lamang sa pagdarasal. Una sa aking panalangin ay nawa pag-ingatan ng Panginoon ang pamilya na aking iniwan at ang bigyan ako ng lakas ng loob na magpatuloy sa isang di-birong pagsubok na tatahakin ko isang dayuhang lugar para sa akin.

Ang aking unang linggo sa Taiwan ay kailanman hindi ko makakaligtaan. Isang mainit na pagsalubong ang inihanda sa amin ng aking kompanyang pagtatrabahuan. Nagsimula ito sa isang salo-salo kung saan inihain ang mga pagkaing maituturing kong bago sa aking panlasa. Tunay ngang natanto ko na magkaiba ang kulturang kinagisnan ko kumpara sa Taiwan. Inilatag sa amin ang mga polisiya ng kompanya at ang mga inaasahan mula sa amin bilang mga bagong empleyado. At nagsimula na nga ako sa aking posisyon bilang Machine Technician. Nakatalaga ako na magkontrol ng operasyon ng isang makina, kabilang na din ang paglilinis nito at ng aking sektor. Naging maayos ang samahan namin ng aking mga kapwa manggagawa. Napapadali ang aming mga gawain dahil sa kooperasyon namin sa isa’t isa. Nakalulugod sa damdamin na sa panahong mga iyon, ang magkaibang lahi na nananalaytay sa amin ay hindi naging dahilan upang hindi kami magkasundo. Tunay ngang ang samahan na pinag-isa ng isang layunin—ang makatulong sa pamilya—ay matibay ang pundasyon.

Nakakapangamba ang mga insidende ng pagmamalabis at pagmamaltrato sa mga manggagawang dayuhan sa buong mundo. Isa sa mga kadalasang biktima ay mga kapwa ko Pilipino. Noong nakaraang taon lamang, ay naalaman na isinilid sa isang abandonadong apartment ang isang bangkay ng Pilipinang namamasukan bilang domestic helper sa Kuwait. Ayon sa pagsusuri ng mga forensics sa kanyang katawan, humigit isang taon na nang siya ay napatay. Habang ang kanyang pamilya sa Pilipinas ay walang nagawa kundi maghintay ng kahit isang tawag man lamang mula sa kanya, wala silang kaalam-alam sa kalunos-lunos na sinapit ng kanilang kapamilyang OFW (Overseas Filipino Worker). Sunod-sunod ang mga kaganapang ganito at ito ay lumalala. Nitong buwan lamang ay nagdeklara ang aming Pangulo ng isang malawakang ban na humahadlang sa paglipad ng mga Pilipino patungo sa Kuwait. Ako man ay isang hamak na manggagawa lamang ngunit nais kong ibilang sa panulat na ito ang aking hinaing sa mga ganitong kinakalabasan ng kapalaran ng mga dayuhang manggagawa. Batid ko na ang pangingibang-bansa ay isang tunay na kabayanihan dahil ang panganib sa buhay ay kaakibat nito. Kami ay naparito upang kumita, kami ay may mabuting hangarin—ito ay ang manilbihan nang taos sa aming puso nang sa gayon ay masuportahan ang aming naiwang pamilya. Nawa ay lahat ng mga dayuhang manggagawa sa buong mundo ay magkaroon ng mas pinatibay na karapatan: karapatan sa tamang pasahod, sa tamang omento sa obertaym, sa kaukulang araw ng pahinga, sa proteksyon laban sa pagmamaltrato at iba pang paraan ng pang-aabuso, at higit sa lahat ang magkaroon ng pantay na pagtingin sa amin. Mga dayuhan man kung kami ay ituring, sana ay kilalanin kaming kabilang sa aming pinagsisilbihang bansa dahil ang dayuhang katulad ko ay itinuring nang pangalawang tahanan ko ang Taiwan.

Ang malaman na maayos ang sitwasyon ng pamilyang naiwan ay ang nagiging inspirasyon naming mga migrante. Sa bawat araw ng pasahod ay nasasabik akong kamustahin ang aking mag-ina upang ipahatid ang mensahe na makakapagpadala ako ng kanilang panggastos. Mapalad na ako na ganito ang nakikita kong lagay ng aking pamilya maging sila ay malayo ngunit paano na lamang ang mga iba na napariwara ang kanilang naiwang mga anak at naligaw ang landas ng kanilang mga kabiyak? Mayroon akong kakilala na isang napakasipag na kapwa ko manggagawa. Isa siyang responsableng ama, walang bisyo at ang tanging ginawa ay ang maghanap-buhay. Ang kanyang kinikita ay ipinapadala lahat sa kanyang pamilya, sa puntong kahit wala na siyang itira para sa kanyang sarili. Kahit ang maglibang tuwing araw ng pahinga niya ay kinalimutan na niya dahil para sa kanya ang kada sentimo ay mahalaga. Ngayon ay nakita ko ang pagbabago sa kanyang katawan, namamayat siya at para bang nagpapabaya na sa kanyang sarili. Isang araw, nagkaroon kami ng isang malalim na usapan. Ipinaalam niya sa akin ang dahilan kung bakit nitong mga nakaraang araw ay bigla siyang nag-iba. Isang balita ang nakarating sa kanya mula sa isang kakilala niya sa kanilang pook: ang kanyang kabiyak ay mayroon nang iba at ang kanyang nag-iisang anak na magkokolehiyo na sana ay napasok ang bisyong pagdodroga. Hindi lamang iyon, ang kanyang kabiyak ay tuluyan nang lumisan sa kanilang tahanan at inabandona ang kanilang anak. Ngayon, ang anak niya ay nagsimulang nagrebelde—huminto na sa pag-aaral at pinasok ang pagtutulak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Nahabag ako sa kanya dahil nadama ko ang labis na hinagpis sa kanyang puso. Hindi ko lubos maisip na ang katulad niyang halos hindi na magkandarapa sa pagbabanat ng buto at walang inisip kundi ang kanyang pamilya ay mapagtataksilan pa ng tadhana.

Ang pangungulila sa pamilya ay ang pinakamaituturing na sakripisyo ng isang migrante. Ang magdiwang ng Pasko nang mag-isa at ang mapalampas ang mga mahahalagang okasyon gaya na lamang ng kaarawan ng anak at ang araw ng pagtatapos nito sa pag-aaral ay ilan lamang sa mga oras na ninakaw ng pangingibang-bansa. Wala na lamang magawa kundi ang maghintay ng mga litrato sa mga okasyong ito at titigan na lamang ang mga ito dahil batid mo na ang maaari mo lamang asahan ay ang maghintay sa maikling bakasyon na ilalaan para sa iyo ng iyong kompanya. Ang mapasaya ang pamilya ay ang pinakamatamis na gantimpala para sa pagsisigasig na maghanap-buhay naming mga nangibang-bansa. Sa tuwing naglilibot ako sa pamilihan dito sa Taiwan tuwing aking araw ng pahinga, wala akong ibang hinahanap kundi mga bagay na pwedeng magamit ng aking anak. Unti-unti ay nag-iipon ako ng kanyang gamit at napakasaya ko na kung mapuno ko ang isang kahon para ipadala sa kanya. Kalakip ng mga materyal sa loob ng kahon na ito ay ang pagmamahal at pag-alala ko sa kanila. Sa bawat Taiwan dollar na aking nahahawakan, sinasalamin nito sa akin ang bunga ng aking pagsisikap. Ang bawat kahon ng parsel na naipapadala ko para sa aking mag-ina ay nagiging inspirasyon ko upang mas magsumikap pa. Ang bawat salitang “salamat daddy” mula sa aking anak ay nagsisilbing aking sandata upang ipagpatuloy ang aking pakikipagsapalaran.

Wala nang mas masakit pa kundi ang salubungin ang kamag-anak na nangibang-bansa bilang isang malamig na bangkay. Kadalasan, sa kagustuhang kumita nang malaki, ang mga dayuhang manggagawa ay ikinikibit-balikat na lamang ang kanilang kalusugan. Ang panahon upang magpakonsulta sa doktor ay inilalaan na lamang sa paghahanap-buhay. Kahit anong sakit ng katawan ay hindi na iniinda makapasok lamang sa trabaho. At dahil sa pang-aabuso sa sarili, nagbubunga ito ng pagkakasakit na kadalasan ay hindi na nalulunasan at nagreresulta sa kamatayan. Ito ay napatotoo ko sa nangyari sa aking biyenan na babae. Mahigit sa dalawang dekada siyang namasukan bilang manggagawa ng isang pabrika sa isang dayuhang bansa katulad ko. Batid ko ang kanyang kasipagan dahil sa tuwing nag uusap sila ng aking kabiyak, palaging obertaym ang sinasambit nito. Hanggang sa siya ay tinamaan ng brain aneurysm. Mabilis ang naging pangyayari, ang ipinahatid sa amin ay hindi na raw ito nagising matapos matulog agad nang manggaling sa trabaho. Marahil ay nangyari ito dahil sa labis na kapagalan, at sa pagmamalabis sa kanyang katawan. Napakahirap isipin kung paanong ang inaasam naming mainit na pagsalubong sa aming kapamilyang nalayo sa amin nang maraming taon ay mababalot ng malamig na pangungulila sa mainit na yakap niya. Tunay ngang ang mga dayuhang manggagawa ay ang mga napapanahong bayani—mga bayani na handang ibuwis ang buhay matupad lamang ang pangarap para sa pamilya.

Ang sakit ng aming lipunan ay lumalala na. Ang panulat na ito ay nawa maging daan upang marinig ng mga politikong magnanakaw ang hinaing ng isang dukhang katulad ko. Sana ay gumawa ang aming gobyerno ng paraan upang kaming mga maralita ay hindi na mapalayo sa aming mga pamilya sa kagustuhan lamang na kumita. Sana silang mga “higante” ay panandaliang bumaba sa kanilang mga trono upang silipin at personal na makisimpatya sa napakasalat na pamumuhay ng kanilang mga nasasakupan. Silang mga buwaya ng lipunan ay nawa umiral ang habag sa kanilang mga puso upang gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin. Sana ay matanto nila na ang politika ay hindi isang posisyon lamang na nagkakabit ng karangalan sa kanilang mga pangalan, bagkos ay isang seryosong responsibilidad ng paninilbihan sa kanilang nasasakupan.

Dukha man na ipinanganak, ang puso ko ay puno ng pag-asa na isang araw ang kapalaran ay papabor sa akin. Ang bawat umaga ay bagong hamon; isang hamon na alam kong kakayanin ko maging ano man ito. Sasaluhin ko ang bawat pagsubok na ibato sa akin ng tadhana at sisiguraduhin ko na hindi ako matitinag, bagkos ay lalo pa akong mapagtitibay ng mga pagsubok na ito. Ang buhay ng isang nangibang-bansa ay makulay, may mga oras na masasaya at kadalasan ay mga sandaling puno ng pangungulila. Ang mga dayuhang manggagawa ay ang mga napapanahong bayani sa kasalukuyan na walang ibang inisip kundi ang ikabubuti ng pamilya.


📝 Komento mula sa tagasuri|Myan Lordiane

Malinaw na paglalahad ng realidad sa Pilipinas. Mahusay ang pag-uugat ng mga suliranin sa lipunan at nagbibigay ng datos sa kaniyang pagsusuri. Mula katiwalian sa gobyerno, Maute (na interesanteng hindi niya tinawag na “terorista” gaya ng bansag ng media) , malnutrisyon, batang namamalimos at nasasadlak sa prostitusyon, hanggang “informal settlers” (muli, terminong mas sensitibo kaysa “iskwater”), malinaw sa manunulat na ang mayayaman ay lalong yumayaman ngunit hindi naman “tadhana” ng mga dukhang Pilipino ang abang kapalaran dahil maaaring gumamit ng sipag at determinasyon. Hindi lamang ang karanasan niya bilang machine technician sa Taiwan ang kanyang binahagi kundi ang kwento at kalagayan din ng kapwa niya Pilipino at OFW. Sa huli ay positibong panawagan para sa mga tinatawag na “bagong bayani” para harapin ang hamon na mai-angat ang kanilang mga pamilya.

 

📝 Komento mula sa tagasuri|Tony Cruz

A self-aware and fearless essay addressed to the Philippine government and fellow Filipinos

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *