Paglisan sa Bayan ni Juan

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 Paglisan sa Bayan ni Juan

👤 Onasis M. dela Cruz

 

Kabanata I – Hinaing ng Batang Iniwan

Patuloy ang pagdaloy ng luha mula sa aking mga mata
habang ako ay sumisigaw at nagmamakaawa
na huwag lisanin ang isang musmos na bata
upang makipagsapalaran ng magandang kinabukasan sa ibayong bansa.

Mga alaalang namulat at karanasang nag-iwan ng sugat,
habang ako ay iniiwan ng aming ina pakiramdam ko ay napakabigat,
akala ko nuon araw ay hindi na sisikat,
subalit lahat ng pangyayari ay singbilis ng kidlat.

Mga panahong hindi ko pa lubusang maunawaan
ang mga katagang kanyang binitawan,
na siya’y lalayo upang maibigay ang aming mga pangangailangan,
walang ibang panghahawakan kundi mga salitang kanyang iniwan.

Batid kong walang kasiguraduhan ang aking kahihinatnan,
walang katiyakan mundo kong madadaanan,
sapagkat bago pa man lumisan ang aming inang nakikipagsapalaran
alam kong wala na kaming amang masasandalan.

Subalit ano mang pasakit ang nuo’y aking iginigiit,
malupit na kapalaran na maaari kong masapit,
ay batid kong hindi hihinto ang pag-ikot ng mundo
sa hinagpis ng iisang tao.

Kasabay ng paglipas ng panahon ay ang pagbukas ng aking puso’t isipan
sa katotohanang lumaki ng malayo sa ina at may watak-watak na pamilya.
Masalimuot at kalumbay-lumbay ngunit walang ibang mapagpipilian
kundi harapin ang mapait na katotohanan.

Malayo man kami sa aming ina
ngunit hindi niya kami pinagsawalang bahala
hahamakin ang lahat kami lang ay mapasaya
sapagkat lahat ng aming pangangailangan ay kanyang inuuna.

Duon ko na nuon unti unting nauunawaan
ang mga katagang kanyang binitawan
bago pa siya humayo sa lugar na kung ituring ay dayuhan
magpapakalayo layo upang aming kagustuhan ay kanyang matustusan.

Kapalit ng salapi ay mga masasayang ngiti mula sa aming labi,
ngunit hindi maikukubli na ang kapalit rin nito ay dugo’t pawis na sakripisyo ng kanyang sarili.
Kung kaya’t ako ay hindi nag-atubili upang ng mag-aral ng mabuti,
walang sinayang na salipi upang sa huli’y makawala ang aming ina na nasa ibang bansa ay nakatali.

Batid ng aking puso ang pangungulila sa aking inang nasa malayo,
kung kayat ang pagtatapos sa kolehiyo
at paghahanap ng maayos na trabaho
ang naisip kong sagot para sa aking nangungulilang puso.

Hindi maiiwasang may mga tuksong nakaharang,
sa daang tatakahin ay maaring malinlang.
Kailang maging maingat sa pagpili ng hakbang,
kung magkakamali pangarap ang masasayang.

Alak, droga, sigalrilyo o ano pang klase ng bisyo,
panandaliang sandalan sa naghihimutok na damdamin ng tao,
ngunit epekto nito’y maaring makasira ng ulo,
kung patuloy na paggamit mawawasak ang iyong mundo.

Ni isa sa mga ito ay hindi ko nasubukan
dahil alam kong maaari akong maligaw sa aking paroroonan,
kung kayat itinatak ko sa aking isipan,
na huwag sayangin mga sakripisyong pinaghirapan.

Maraming kabataan ang nasaksihang nagrerebelde sa mga magulang,
nalululong sa bisyong sumisira sa kanilang matuwid na daan,
tanging layuning ay pansirili lamang
at hindi namamalayang kinabukasan nila ay unti unting nasasayang.

Tinanong ko ang aking sarili
at ako ay magmuni-muni,
bakit ako gagawa ng mga bagay na sa akin ay hindi makabubuti,
kung sa huli ako rin lang ang magsisisi?

Singbilis ng kisap mata
ang paglipas ng kahapon na puno ng alaala,
kasabay din nito ang unti-unti kong pangangamba,
sa kalagayan ng aking ina na siyang lagi kong inuusisa.

Alam kong ni kailan man hindi siya nagkulang
sa pinansyal na suporta siya ay palaging lamang.
Ngunit puso koy nakakadama ng pagkukulang,
laging naghahanap ng pagaaruga ng mga magulang.

Kung kaya’t hindi ko maiwasang manibugho
sa mga kaklase kong may pamilyang kumpleto,
mga pamilyang pinatibay na para bang bato,
pamilyang nagsisisilbing isang hukbo na hindi na kailangang magkalayo layo.

Ilang beses mang tumuntong sa entablado,
upang isuot ang mga medalya at tanggapin ang mga sertipiko,
mga tagumpay sa pagaaral ay parang may puwang na hindi mabuo,
sapagkat sa bawat pagtapak ko sa dunong ng kwadrado,
ay bibihira lamang na ang kasama ko at ang mga taong sumupuporta ay aking kadugo.

Naantig ang aking puso
ngunit isip ko’y gulong gulo,
mga tanong ko’y walang dulo,
na tila ba naghahanap ng kasagutan at punto.

Bakit nga ba may pamilyang hindi kumpleto?
Bakit nga ba may pamilyang watak watak at hirap mabuo?
Bakit nga ba kailangan magpakalayo layo upang makahanap ng trabaho?
Mga tanong na hindi biro ngunit kasagutan ay hindi alam kung papaano.

Ano mang bumabagabag sa isip kong nawawalan ng sinag,
ay pinagpatuloy ko paring naging matatag,
upang ako’y hind maging bihag ng emosyong nabubulag
at ng bansang nagkukulang ng liwanag.

 

Kabanata II – Mapait na Katotohanan

Nakapagtapos ng pagaaral at hindi makalaunan lisenya ay akin ring nakamtan,
buong akala ko’y natatapos na ang laban yun pala’y maguumpisa pa lamang ang digmaan.
Bagamat wala na sanang dahilan upang ang aking ina ay mangdayuhan
subalit ang kalakaran sa aming bayan at lipunan ay sinasabing hindi kayang punan
ang pangangailangan ng kanyang mamamayan.

Sa wari ko nuon ay madali ng makakamit ang mga pangarap na marikit,
ngunit tila napupunit mga plano kong nakaguhit,
katotohanang mapait unti unting mas lalong lumalapit,
gaano man kasakit ay kailangang pa ring kumapit.

Dulot ng aking lungkot ay inspirasyon ang aking napulot,
paglipad at pagsunod sa dayuhang bansang nakakatakot ay siyang maaaring maging sagot,
wala mang kasiguraduhang kung hanggang saan aabot
ngunit pangungilila sa ina’y heto sana ang maging gamot.

Walang pagaalinlangan at bansang aking nakagisnan ay siya ring aking nilisan,
nakasama ang ina at pangungulila’y naibsan,
bansang dayuhan nagsilbing pangalawang tahanan,
sa simula’y lahat ay parang luntian at bagaman puno ng kayamanan
ngunit nakakubling larawan ay siya ring nasaksihan.

Hindi pala madali ang paghahahanap ng salapi,
tama ang sabi nilang ang buhay sa ibang bansa ay hindi parang reyna at hari.
Pagtanggap nuon ng pera ay parang napakadali
subalit kapalit pala nito ay pagsasakripisyo sa sarili.

Ako ay hindi nakatakas at diskriminasyon ay akin ring nadanas,
kahit na napagtapos ng mataas na antas kapalaran ko’y naging marahas.
Laban ay hindi naging patas, ang daan ko’y hindi naging ligtas,
puso’y kalungkutan ang naging bakas, tanong ko’y tama ba ang aking napiling landas?

Tingin ng mga dayuhan ang aming lahi ay mababang antas sa lipunan,
mga taong kaya nilang tapak-tapakan at nagsilbing kanilang tau-tauhan.
Dahil sa kakulangan ng kapangyarihan marami ang nagiging sugatan,
pangangatwiran ay hindi mahawakan sapagat tingin nila sa amin ay mga taong walang nalalaman.

Nagiwan ng latak ang karanasan kong parang bumabagsak,
hindi ko alam na ako’y biglang sasabak sa lambak na ang daan ay puno ng lubak.
Sa bawat pagtulak sa pintuang kung saan ako sasabak,
dignidad ko’y nawawasak sa mga kritisismong tumatatak.

Sigaw at pangungutya ang paliging umaapaw,
sa pagkakamaling napakababaw, tila ba sila’y nagiging halimaw.
Tanging maling galaw ang siyang palaging lumilitaw
ngunit mga trabahong pinapataw sa kontrata ay hindi naman saklaw.

Sadyang may mga tuso na di alintana ang pakikipagkapwa tao
Tingin sa iba ay dukha at walang laman ang ulo.
Dahil magkalayo ang uri ng buhay at estado
Tinatanggalan ng karapantang pantao at pagkakataon nila’y kinakandado.

Inhinyero, kasambahay, guro, karpintero o ano pa mang klase manggagawang Pilipino,
walang sigurado sa landas na tatahakin ay hindi biro,
Gugutumin, masasaktan at malalagay sa peligro,
at ang pinakamasakit pa minsa ay iuuwi ang malamig na katawan na wala ng pulso.

Duon na nagbago ang aking pananaw,
naiisip mga kababayan kong nangibang bansa upang sumikat ang kanilang araw,
pinapawi ang hirap maibsan lang ang pagkauhaw,
mapasaya lang ang pamilya puso nila’y may ligaya na umaapaw.

Bagkus minsan ay ituring na parang kalabaw,
napagbibintangan na parang magnanakaw,
ngunit pinipili nilang huwag bumitaw
upang kinabukasan ng pamilya ay unti unting luminaw.

Gaano man kahigpit ang karanasang naiguhit
ay may mga tao paring nagpapakita ng bait, pagunawa at malasakit,
ipapadama pagmamahal ng pamilya kahit saglit,
kabutihan ng puso ang ginagamit ng walang galit at walang inaasahang kapalit.

 

Kabanata III – Bansang Unti Unting Napapabayaan

Unti-unting gumagawa ng pangalan ang mga manggagawang dayuhan,
kahit sa anong larangan sila ay mapagkakatiwalaan at maaasahan,
kahit na sa walang katiyakan sila ay gumagawa ng paraan,
kung kaya’t malaking kawalan kapag sila ay pinabayaan.

Sadyang napakapalad ng mga bansang may mga dayuhang alagad,
mga manggagawang parte ng pamamalakad
upang antas ng kanilang pamumuhay maitaas ang kalidad,
ekonomiya ng ibang bansa ay kanilang pinapaunlad
subalit bansang kanilang iniwan ay hindi pa rin umuusad.

Nauubasan ng talino at talento ang bansang sinilangan,
tila ba nagaalisan sa lugar na kung ituring ay tahanan,
nakikipagsaplaran kahit hindi alam ang kahihinatnan,
ngunit kahit na nag-aalangan, sugal parin ay tatayaan.

Kawalan nga ba ng trabaho ang dahilan ng paglisan?
Sitwasyon sa lipunan ay parang walang katapusang hidwaan,
hindi magawan ng paraan kung kayat laganap ang kahirap,
kung patuloy ang digmaan baka kinabukasan ng bansa ay mapuno ng alinlangan.

Ibang bansa ang nakikinabang sa mga utak na kanyang nilinang,
bansang kanilang nakagisnan hindi sila kayang maipagmayabang,
kung kaya’t pagusad ng sariling bansa ay kinakalawang,
baga’t puno ito kayamanan, hirap parin itong mapakinang.

Mga mamamayan ay nagaalsa balutan
sapagkat pakinabang nila ay hindi mahanapan,
pangangailangan nila ay hindi matustusan,
ngunit oportunidad nila ay nalilimitahan.

Sino ba dapat ang kailangan sisihin?
Bansang may malalim na suliranin,
sumalamin sa problemang kailangan ayusin,
Bawat isa may tungkulin dapat hamakin,
subalit pinipili ng iba na sa ibang bansa ay tumakbo ng matulin.

Pamahalaan, lipunan at mamamayan,
lahat ay may sarisariling pagkukulangan at pananagutan,
bansang sugatan pagod ng matapakan,
kapag inuna ang sariling kapakanan baka bansa’y maiwan na parang bang minahan.

Kailan matatapos ang pagaalispusta
sa mga kababayan nating naghahangad lamang ng buhay na maginhawa?
Kailan makakalaya damdamin na parang inalipin at isumpa?
Ano nga bang magagawa upang matigil ang patuloy na agos ng luha
kung sa sariling bansa ay parang nakatali at hirap ng makawala?

Kailan matutumbasan ang pangnagailangan ng isang bayan?
Kailan magagawaan ng paraan ang bulok na sistema ng pamahalaan?
Kailan makakamtan ang ginhawang walang katupasan?
at higit sa lahat kailan matatapos ang paglisan sa Bayan ni Juan?


📝 Komento mula sa tagasuri|Myan Lordiane

Isang nakakapukaw na tula tungkol sa migrasyon ng mga Pilipino. Bilang galing sa watak watak na pamilya, itinaguyod ang may akda ng kanyang inang nagtrabaho bilang OFW kaya’t nagsumikap siyang magtapos sa pag-aaral at nagka-lisensya. Ngunit sa patuloy na pangungulila at paghahanap ng kalinga ng ina, nagpasya siyang sumunod sa magulang sa ibang bansa. Dito ay nakaranas siya ng diskriminasyon dahil sa kanyang lahi at katayuan sa buhay bagamat mataas ang antas ng pinag-aralan.

Bagamat paminsan-minsa’y ay pilit ang pagtugma sa ibang bahagi, nakatulong ang paggamit ng may akda ng mga tanong sa daloy ng pagtalakay ng mga mahalagang puntos. Napahusay ang akda ng ikatlong at ika-huling bahagi sapagkat matapos ilathala ng manunulat ang sariling karanasan ay nagpatuloy siya sa pagtingin ng kabuuan at naglahad ng mga (sociopolitical na) katanungan at usapin sa lipunan, pulitika at ekonomiya sa malikhaing paraan. Kabilang dito ang pagtalakay ng “brain drain” – na maging ang mga propesyunal ay umaalis sa Pilipinas. Binabanggit din ang kahalagahan ng mga dayuhang manggagawa sa ekonomiya.

Ibang bansa ang nakikinabang sa mga utak na kanyang nilinang,
bansang kanilang nakagisnan hindi sila kayang maipagmayabang,
kung kaya’t pagusad ng sariling bansa ay kinakalawang,
baga’t puno ito kayamanan, hirap parin itong mapakinang.

 

📝 Komento mula sa tagasuri|Tony Cruz

A poem by an OFW that asks tough questions to one’s country. It goes beyond raising the personal hardships an OFW faces. It asks why this is happening, and why Filipinos have to be compelled to leave the country.

 

 

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *