Ang Mahiwagang Kahon ni Itay

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 Ang Mahiwagang Kahon ni Itay

👤 Louie Jean M. Decena

 

“Tao po, tao po! Magandang umaga po! May padala po sa inyo mula po sa Taiwan. May tao po ba dito? Gng. Cruz, nariyan po ba kayo?”

Iyan ang mga salita na nagpabalikwas sa amin ni Inay sa aming munting higaan, sabay kaming napatayo at tumingin sa mga mata ng isa’t isa.

“Anak, tayo na, madali ka!”

May kislap akong nakikita sa mga mata ni Inay. Teka? Kislap ba talaga iyon ng kaniyang mga mata o sariling kislap ng aking mga mata? O pareho? Aba! Hindi na iyon mahalaga, ang mahalaga ngayon ay nariyan na. Nariyan na! Nariyan na ang matagal naming hinihintay ni Inay, walang iba kundi ang mahiwagang kahon ni Itay.

Paglabas namin ng aming tahanan, ang bumungad sa amin ay ang aming mga mga kapitbahay, si Aling Bebang na karga-karga pa si Pepay, si Manong Kardo na may martilyo pa sa kamay, ang mga batang may Chinese Garter na halatang Ten-Twenty ang pinagkakaabalahan, pati ang mga hayop na animo’y naiintindihan ang kasalukuyan, tahol dito, tilaok doon, miyaw dito, samo’t saring ingay, bulungbulungan na hindi ko lubusang maintindihan, nakapalibot silang lahat sa taong tumatawag sa pangalan ni Inay at sa mahiwagang kahon ni Itay.

“Pakipirmahan nalang po ito, Gng. Cruz, katibayan na inyo na pong natanggap ang Balikbayan box mula kay G. Cruz.”

Balikbayan box? Iyon ba ang tawag sa mahiwang kahon na tinutukoy ni Inay noong mga nakaraang araw, ang laki nito! Parang pati ako, kasyang-kasya dito, pero bakit kaya ito naging mahiwaga? Nakalilipad ba ito? Bukod sa malaki, kaya kaya nitong dumami? O baka kaya ito naging mahiwaga ay dahil lalabas mula rito si Itay? Hala! Sabik na sabik na ang aking munting puso’t isipan. Ano kayang itsura niya sa personal?

“Maraming salamat po! Mag-ingat po kayo sa pag-alis.”

Tugon naman ni Inay.

“Kumare, napakahusay talaga ng asawa mo, dalawang buwan pa lamang siya sa Taiwan pero nagawa na niyang magpa-balikbayan box, masuwerte ka!”

“Oo nga Juana, ang laki-laki ng kahon na ito, nasasabik na akong makita ang laman, ano kaya ang pinadala ng asawa mo? Branded kaya? Marami kayang tsokolate? Baka may perang kasama, tignan mong mabuti.”

“Sigurado, may sabon at lotion diyan, huwag mo kaming kalilimutan Juana ah.”

Sa lahat ng sinabi nila, ngiti lamang ang isinagot ni Inay. Tinignan niya ako at tiyak kong nasilip ni Inay ang pagtatakang sumasalamin sa aking mga mata. Mabilis na pinisil ni Inay ang aking mga kamay at nakisuyo sa ilang mga kalalakihan kung maari ba kaming tulungan sa pagpasok sa loob ng bahay ng mahiwagang kahon mula kay Itay.

Habang binubuksan na ni Inay ang mahiwagang kahon ni Itay, inutusan ni Aling Berta ang kaniyang anak na kumuha ng isa pang gunting upang matulungan sa pagbubukas ang aking Inay.

“Ayan na! Ayan na!”

Sigaw ng mga tao sa loob ng aming tahanan. Lalo akong kinabahan. Bakit? Bakit sila sabik na sabik? Ano bang laman ng mahiwagang kahon ni Itay na pati ang aming buong baranggay, animo’y nanunuod ng isang nakasasabik at nakamamanghang bagay.

“Ang sabon na kayang paputiin maging ang pinakamaitim na parte ng iyong katawan ay para kay Bebang. Ang pantuwid ng buhok na ito ay para kay Isabel. Ang pangkulot na ito ay para kay Maria. Ang pandurog ng prutas na ito ay para naman kay Pedro. Ang pantimpla ng kape ay kay Manong Noli naman. Ang pantuyo ng buhok ay siyempre kay Pepay.”

Sa paisa-isang paglabas ng iba’t ibang gamit ni Inay, unti-unti ring nauubos ang mga tao sa loob ng aming tahanan hanggang sa lahat sila ay nabigyan.

“Inay, ang galing! Mahiwaga po talaga ang kahon ni Itay, papaanong ang kulot na buhok ni ate Isabel ay kayang tuwirin ng isang mahiwagang bagay lamang? Kapag po ba ginamit ko yung sabon na binigay niyo po kay Aling Bebang ay puputi rin po ako? Ay Inay, ito pong tuwid kong buhok, gusto ko rin pong maging kulot, matutulungan po ako noong binigay po ninyo kay ate Maria, hindi po ba? At ang pinakahuli, sa dami po ng inyong nabigyan, tila hindi pa rin po nababawasan ang laman niyan, hindi ko pa rin po maitulak, mabigat pa rin po Inay, puno pa po ba? Sa liit ko po kasi Inay, hindi ko po matanaw.”

Ang mahabang sentimento ko kay Inay.

“Anak, nakatutuwa talaga ang iyong kainosentihan, hindi lang mukha ang namana mo sa iyong Itay, pati ugali kuhang-kuha mo.”

Sa mga sinabi ni Inay, ang mura kong isipan ay naglakbay. Ang totoo, hindi ko pa naman talaga nakikita si Itay, sa mga larawan ko pa lamang siya nasisilayan mula sa mga liham na ipinadadala niya kay Inay. Sanggol pa lang kasi ako noong umaalis si Itay para magtabaho sa ibang bansa. Noong ako raw ay isisilang na, si Itay raw ay nagtungo sa Sabaody upang magtrabaho. Limang taon siya roon at nang matapos niya ang kaniyang kontrata, hindi na siya pinauwi ng kanilang Agency dahil maraming tao ang kailangan sa bansang Taiwan, kaya’t kahit gustong-gusto ng pauwiin ni Inay si Itay, hindi magawang sumang-ayon ni Itay dahil lubhang mahirap ang buhay dito sa Pilipinas, ano raw ang kakainin namin kapag umuwi si Itay, lalo na raw at magsisimula na akong mag-aral sa paaralan sa unang baitang, kaya kahit naisin ni Inay ang makasama si itay dito, mas mahalaga raw ang aming magiging kinabukasan.

“Inay, ano po ba ang trabaho ni Itay sa Taiwan?”

“Anak, sa totoo lang, napakusay ng Itay mo, kayang-kaya niyang alisin ang lahat ng bumabara sa inidoro sa isang kumpas lang. Kayang-kaya niyang pakintabin ang mga maduduming sahig kahit saan pa iyan. Kayang-kaya rin niyang akyatin ang pinakamataas na gusali upang alisin ang mga dumi sa salamin o sa kahit ano pa man.”

“Inay! Napakagaling po pala ni Itay, para rin po siyang kahon niya, mahiwaga, makapangyarihan at malakas. Sabik na sabik na po akong makita si Itay, kailan po ba siya uuwi Inay?”

“Malapit na anak, konting tiis na lang. Hindi mo man siya nakita sa pagsikat ng araw, tiyak naman sa takipsilim, iyo siyang masusumpungan, hindi ba’t isa sa pinakamagandang tanawin ang takipsilim? At makakasama ka ng Itay mo sa pinakamagandang tanawin na iyon.”

Napansin ata ni Inay na lumungkot ang aking mga mata kaya’t, ngumiti ako bigla upang huwag siyang mag-alala.

“Anak, kahit malayo ang Itay mo sa atin, mahal na mahal pa rin niya tayo at hinding hindi tayo naaalis sa kaniyang puso at isipan, palagi mong tatandaan iyan. Kaya umaalis ang iyong Itay ay para sa ating kapakanan at upang ang nag-iisa niyang prinsesa ay mabigyan niya ng…

mga manikang nagsasalita, isang lutu-lutuan na may kasamang damitan at ang pinakagusto mo, isang Barbie na bag!”

Tuwang-tuwa ako sa sinabi ni Inay, habang hawak ko ang mga mahihiwagang bagay na ipinadala ni Itay para sa akin ay hindi ko napigilan ang mapatalon at maluha, ang mga manika na nakikita ko lamang sa bayan ay nasa akin ng mga kamay, iyong Barbie na bag, tiyak na tiyak, magagamit ko na ito sa pasukan at siyempre ang lutu-lutuan ay maaari naming pagkaabalahan ng aking matalik na kaibigan. Mag-aaral na akong magluto para pag-uwi ni Itay, ipagluluto ko siya ng Adobo, sabi kasi ni Inay, iyon daw ang kaniyang paborito. Kahit sa ganoong kasimpleng paraan lamang, maiparamdam ko kay Itay na mahal na mahal ko rin siya, na kahit mula noong una hanggang ikalimang kaarawan ko ay wala siya, ayos lang, alam ko naman kasing hindi lamang iyon ang mga batayan upang masabing mahal tayo ng ating mga magulang. Pero paano kaya nalaman ni Itay na nais ko ng mga ganitong bagay? Sinabi ba ito ni Inay sa kaniyang mga liham? Ang galing talaga ni Itay. Para talaga siyang si Superman, malakas, mahiwaga at makapangyarihan. Teka? Kaya rin kaya niyang lumipad? Sa palagay ko hindi, kasi kung oo, edi sana nandito na siya sa tabi ko, pero okay lang, hindi naman mahalaga kung nakalilipad ba si Itay, ang mahalaga, tulad ng sinabi ni Inay, konti na lamang at ang aming buong samabahayan ay makukumpleto na. Malapit na!

“Tok-ti-laok! Tok-ti-laok! Aw! Aw! Aw!”

Nagising ako sa tilaok ng mga manok at sa tahol ng mga aso, teka anong oras na ba? Ngayon pala ang unang araw ko sa paaralan bilang mag-aaral sa ikatlong baitang. Parang kailan lang noong una akong tumapak sa paaralan bilang mag-aaral sa unang baitang, ngayon, nasa ikatlong baitang na ako pero yung kaba ko, narito pa rin. Teka, asan kaya si Inay? Sabik na sabik na akong pumasok ulit sa paaralan.

“Inay? Inay?”

Sa paghahanap ko kay Inay sa loob ng aming tahanan, napasilip ako sa aming bintana. Bakit ang daming tao sa labas? May ipinadala kayang mahiwagang kahon ulit si Itay? Nakasasabik! Pero teka? Kapapadala lang ni Itay noong nakaraang buwan, posible kayang nagpadala ulit siya? Patakbo akong lumabas ng aming bahay at pagbukas ko ng pintuan, hindi ako nagkamali, may mahiwagang kahon ulit! Nakita ko si Inay na nakaluhod sa harapan ng isang kahon kaya’t buong giliw ko siyang nilapitan.

“Inay! Inay! Ang galing po talaga ni Itay, may bago na naman po siyang mahiwagang kahon na ipinadala.”

Sa pagtingin sa akin ni Inay, naguluhan ang aking batang puso’t isipan. Bakit tuloy-tuloy ang pagbagsak ng mga luha sa mata ni Inay? Luha ba ito ng kagalakan?

“Inay? Bakit ka po umiiyak?”

Katahimikan ang isinagot ni Inay kaya’t sa mga nakapalibot sa amin ako umasang makahahanap ng kasagutan. Pinagmasdan ko ang paligid ko, inikot ko ang paningin ko. Teka? Bakit tila iba ang reaksyon ng aming mga kapitbahay ngayon, kumpara sa mga nakaraan? Bakit tila hindi sila masaya? Bakit nakayuko sila? Bakit may mga luha rin sa kanilang mga mata?

Napabaling ang tingin ko sa mahiwagang kahon ni Itay, nilapitan ko ito at hinawakan.

“Inay bakit parang kakaiba po ang itsura nito ngayon, dati po mataas at malaki ang kahon na ito, ngayon po, bakit po parang lumiit? Bakit po parang sumikip? Bakit po parang humaba? Bagong disenyo po ba ito ng mahiwagang kahon ni Itay?”

Hindi ko alam pero nabingi ako ng hagulgol sa aking paligid, mula kay Inay at sa aming mga kapitbahay.

Bigla akong niyakap nang mahigpit ni Inay, sa sobrang higpit, tila ang hininga ko ay mapapatid.

“Anak, makikita mo na siya sa wakas.”

Buong hina at halos pabulong na nasabi ni Inay. Hinawakan niya ang aking kamay at lumapit pa kami sa kahon, dahan-dahan, binuksan ito ni Inay at tumambad sa akin ang pamilyar na itsura ng isang lalaki, pareho kami ng labi, ilong at maging ang kilay? Bakit tila may salamin sa aking harapan?

“Anak, bumati ka sa Itay mo, matapos ang halos pitong taon, nagkita na rin kayo.”

Humihikbi si Inay habang sinasabi ang mga salitang iyan, ngunit ang aking atensyon at ang malikot kong isipan ay naglakbay sa nakaraan, noong mga panahong una kaming nakatanggap ng mahiwagang kahon na ito.

“Sabi ko na nga ba, mahiwaga rin si Itay tulad ng kaniyang kahon, sabi ko na nga ba, darating ang araw na si Itay naman ang dadalhin ng mahiwagang kahon na ito, napakagaling! Madjik!”

“Itay?”

Nahihiya akong lumapit nang husto kay Itay dahil ito ang unang beses naming pagkikita, ngunit nanaig pa rin talaga ang pagkasabik ko sa pagkakaroon ng isang ama kaysa sa hiya ko at isa pa, matagal kong hinintay ang pagkakataong ito kaya’t walang ano ano ay hinawakan ko ang kamay ni Itay, mahigpit, makapit at matagal, pero ang lamig nito, marahil sa sobrang tagal ng kaniyang nilakbay, nilamig si Itay.

“Inay, bakit po di pa gumigising si Itay? Napuyat at napagod po ba siya nang husto sa paglalakbay niya papunta rito? Sobrang hirap po ba ng ginagawa ni Itay sa ibang bansa kaya ganyan po ang itsura niya ngayon?”

Lumakas nang lumakas ang pag-iyak ni Inay, hindi ba siya masaya na narito na si Itay? Muli kong nilapitan si Itay.

“Itay? Gising na po Itay, sumikat na po ang araw at kailangan na po nating pumasok sa bahay. Alam mo Itay, marami po akong ikukuwento sa iyo, kung hindi po natin sisimulan ngayon, baka po hindi na po tayo matapos. Sabik na sabik na po akong kwentuhan ka Itay, sabik na sabik na rin po akong kwentuhan mo po ako, sa palagay ko po kasi Itay, ikaw po si Superman. Itay, kaya mo po ba talagang lumipad? Kwentuhan mo naman po ako ng mga paglalakabay at ng mga karanasan mo po sa ibang bansa. Mababait po ba ang mga tao roon? Masasarap po ba ang mga pagkain doon?

Gustong-gusto ko pong ipagsigawan ngayon sa buong mundo na tulad ng ibang mga kapwa ko kabataan ay may totoong tatay rin po ako, na hindi lang po kayo base sa imahinasyon ko, na nandito na po kayo at hinding-hindi na po tayo maghihiwalay pa.

Itay ipagluluto ko po kayo ng Adobo, sabi po kasi ni Inay paborito niyo po iyon, tara na po Itay, sabik na sabik na po ako!”

Marami pa sana akong sasabihin kay Itay ngunit nakapagtatakang walang kahit isang reaksyon akong natanggap kaya’t lumapit muli ako kay Inay.

“Inay, gisingin na po natin si Itay, hindi po ata niya ako naririnig Inay e, tulungan po ninyo ako. Gusto ko na pong mayakap si Itay, Inay. Gusto ko po siyang makatabi sa ating munting kama, gusto ko po siyang makasabay kumain sa mesa, gusto ko po siyang kasamang mamasyal sa parke at gustong-gusto ko pong sabihin sa harapan niya mismo na mahal na mahal ko po siya. Tara po Inay.”

Nang panahong nahawakan na ni Inay ang kamay ni Itay, biglang hinimatay si Inay at lalong nagkagulo ang aming buong barangay.


📝 Komento mula sa tagasuri|Conchitina Cruz

In this story told from a child’s point of view, we see how boxes figure as images in OFW narratives. The child, who has never met her father in person, gets to know him through the balikbayan box (a container of presents sent home by OFWS to their loved ones) he sends. Later in the story, another box is sent home, this time containing her father’s lifeless body. The grim narrative is made grimmer by the innocence of the child who is telling the story.

 

📝 Komento mula sa tagasuri|Myan Lordiane

Kinatha mula sa pananaw ng isang inosenteng bata, ang akdang ito ay may dulot na kakaibang kurot sa puso. Sa una’y mapapangiti ka sa kanyang walang muwang na galak at pagkamangha habang hinihintay nila ng kanyang ina at ng kanilang mga kapitbahay ang pagdating ng “mahiwagang kahon” mula sa amang nasa Taiwan. Ramdam din ang pagkasabik niya para sa kanyang amang OFW na hindi pa niya nasisilayan mula nang siya’y sanggol. Ngunit matapos ang pitong taon ay dumating na rin ang pinakakaasam-asam niya – ang makaharap ang kanyang ama sa unang pagkakataon ngunit sa kanyang pagtataka, ibang “mahiwagang kahon” ang dumating sa bahay nila. Isang kwentong pambata na lulan ang mapait na katotohanang sinasapit ng ilang nating kababayan.

 

📝 Komento mula sa tagasuri|Tony Cruz

A colourful and tragic story using the balikbayan box as metaphor, from the point of view of a child who grew up knowing only the boxes sent by dad from overseas

2 thoughts on “Ang Mahiwagang Kahon ni Itay

  1. Sad but true. Reality strikes!
    Yan ang “Ang Mahiwagang Kahon ni Itay.”
    Inilalarawan niya ang makulay ngunit masalimuot na buhay ng isang OFW. At ipinapakita ang may saya ngunit may bakas ng luha sa mukha ng pamilyang iniwan niya.
    Ang akda ay magbibigay realisasyon sa’tin na kayhirap ng sakripisyong ginagawa ng mga kababayan natin na nakikipagsapalaran sa ibang bansa para sa pamilya nila at masakit din sa part ng mga miyembro ng pamilya na mawalay sa mahal nila.
    Magaling ang paggamit ng mga salita, may tugma. Mahusay ang takbo ng istorya.
    Ang may-akda ay lumikha ng isang obrang sa umpisay mapapangiti ka ngunit sa huli’y kukurot sa puso ng madla. Clap, clap. ❤

  2. Sad but true. Yan ang ‘Ang Mahiwagang Kahon ni Itay’. Inilalarawan niya ang makulay ngunit masalimuot na buhay ng isang OFW. At ipinapakita ang masaya ngunit may bakas ng luha sa mukha ng pamilyang iniwan niya.
    Ang akda ay magbibigay realization satin na hindi madali ang sakripisyong ginagawa ng mga OFW para sa mga pamilya nila at hindi rin madali sa part ng mga naiwang miyembro ng pamilya na malayo sa mahal nila.
    Magaling ang paggamit ng mga salita, may tugma. Madaling ilarawan ang bawat ganap sa isipan ng isa.
    Ang may akda ay lumikha ng isang istoryang sa umpisay mapapangiti ka ngunit sa huli ay kukurot sa puso ng madla. Clap, clap. ❤

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *