Pamilya

 2018 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 Pamilya

👤 Jia-Ya Wu

 

Malakas ang buhos ng ulan. Tumitilamsik ang tubig sa maliit na bintanang aking sinisilipan habang lumilipad ang eroplanong aking sinasakyan paparating sa paliparan ng Kaohsiung Airport. Nakaramdam ako ng takot dahil malakas ang hangin sa itaas, naisip ko baka bumagsak ang eroplanong aking sinasakyan. Habang pababa ng pababa ang eroplano, panay ang pagsilip ko sa bintana. Gusto kong makita ang kabuuan ng Kaohsiung mula sa itaas at ng medyo mahina na ang ulan at ng matanaw ko at napagmasdan ang buong kapaligiran ay nakaramdam ako ng pagka dismaya, “wala itong pinagkaiba sa maynila”, tanging naibulong ko sa aking sarili. Dumating ako sa Taiwan taong 2000. Sa edad na 23 mag isa kong nilisan ang lugar ng aking kapanganakan. Ang lugar na aking kinalakhan at kinasanayan. Ang lugar na kung saan ako nagka-isip, nag-aral, at nakatira. Sa lugar na ito nanirahan ang aking mga kaibigan, kakilala at higit sa lahat ang aking pamilya. Wala akong naramdamang takot at pagkabahala, ang tanging naalala at naisip ko lang nuon, ako ay magtatrabaho sa ibang bansa. Kasama ng ilang mga kababaihan na noong panahon ng pag a-apply ko lang nakilala, buo ang loob ko na mangibang bansa at bahagyang nasasaisip ang iniwang mga magulang, mga kapatid, ang aking buong pamilya.

Paglabas namin sa airport ay sinalubong kami ng isang lalaki. Siya daw ang aming broker. Medyo may hawig siya sa mga Pilipinong lalake dahil kayumanggi ang kanyang balat liban lamang sa kanyang singkit na mga mata. Medyo magaan ang palagay ko sa kanya dahil siguro palangiti si broker, at least nakakabawas ng kaba. Pinasakay kami ni broker sa isang van at in fairness matulungin siya ha. Tinulungan niya kaming ilagay sa likod ng van ang aming mga dalang maleta at dumiretso kami sa isang ospital para sa isang “check-up”. Mabilis lang ang check up, pumila kami at sunud- sunoran sa mga sinasabi ni broker dahil wala kaming kaalam-alam sa salitang intsik. Kinuhaan kami ng dugo at dumi, sinukat ang aming taas at timbang, dumaan sa x-ray at tiningnan ang aming blood pressure. Pagkatapos dun ay dali-dali na ulit kaming sumakay sa van ayon na din sa utos ni broker at isa isa kaming hinatid sa aming mga dormitoryo. Pito kami na nilagay sa dorm na tinatawag nilang green house. Berde nga naman ang kulay ng pintura ng gusali kaya siguro naisip ko green house ang tawag ng dormitoryo. Habang naglalakad kami papasok ng dormitoryo at habang pinagmamasdan ko ang mga nadadaanan naming mga munting kwarto, bigla na lang akong nakaramdam ng pagkalungkot. Ang nasa isip ko ay “ayaw ko dito” na mga salita, ngunit wala akong magagawa sarado na rin kase ang kompanyang aking pinagtatrabahuan sa Pilipinas kaya ako nagpasyang magpunta dito sa Taiwan. Huminto kami at pumasok sa isang kwarto na kung saan ay siyang magiging bago kong tahanan. May walong tao na nauna sa amin sa loob ng kwarto, pang sampo kami ng kasama ko. Matapos kaming pinakilala ni broker sa dalawang babae na nakatira doon at nagkataong walang pasok sa trabaho nung araw na yun ay nagpaalam na siya sa amin at nagsabing kung may problema ay pupunta lang daw kami sa office ng dormitoryo na nadaanan namin habang papasok. Pinagmasdan ko ang kabuuan ng kwarto, masikip at mainit. Limang double deck na higaan ang nakalagay sa loob ng kwarto. Sa itaas na bahagi ako ng double deck matutulog. Malungkot na umakyat ako papunta sa aking magiging higaan, dahan-dahang inilabas ang mga gamit na kinakailangan at inilapat ang pagod na katawan sa matigas na tabla at walang sapin na higaan. Nandito na ako sa lugar na aking pagtatrabahuan. Dito ako maninirahan at sa unang pagkakataon ay matutulog sa lugar na magiging bago kong tahanan.

Unang araw ko ng pagpunta sa kompanyang pagtatrabahuan. Kabado ako, “ano kaya ang magiging trabaho natin sa loob noh?”, tanong ng aking kasamahan na si Joan, “malalaman natin yan pag andun na tayo”, sagot ko sa kanya. Sa totoo lang sobra ang kaba ko nung mga panahon na yun. Malapit lamang sa green house ang naturang kompanya. Pagdating namin, di nagtagal ay nilapitan at kinausap kami ng isang babaeng nagngangalang Sharon. Sa HR daw siya nagtatrabaho at siya ang mag o-orient sa amin sa kung ano ang aming gagawin at kung saan, at siyempre pa i-o-orient din kami sa kung anong klaseng produkto ang ginagawa ng kompanyang aming pagtatrabahuan. Dinala niya kami sa isang kwarto at sa loob noo’y pakiramdam ko’y mukha kaming mag-aaral muli. Kasama namin ng kaibigan ko ang iba pa na bagong dating din. Tatlong araw ang ginugol namin sa “orientation room” at makalipas ang tatlong araw ay isa isa kaming dinala sa lugar na kung saan kami ay magtatrabaho. Nang dumating ako sa lugar na pagtatrabahuan ko, laking pasalamat ko at may isang Pilipino na din na nauna sa akin doon, siya ang magtuturo sa akin sa ano mang gagawin ko, kaya ang saya saya ko noong unang araw ko sa trabaho at mabait naman ang pinay na magtuturo sa akin pati na rin ang mga Taiwanese na nandoon na magiging kasama ko.

Mahigpit ang patakaran ng mga kompanya noong panahon na una akong magtrabaho dito sa Taiwan. Maraming beses at kung kani kanino ko naririnig ang mga katagang “pag hindi maayos ang pagtatrabaho mo ay pauuwiin ka ng lider mo” at ang mga salitang “may pauuwiin daw”. Minsan ayoko ng makinig dahil habang pinakikinggan ko ay lalo lang akong natatakot. Iniisip ko tuwing umuuwi ako galing sa trabaho, tinatanong ko ang sarili ko “nagawa ko bang mabuti ang trabaho ko kanina?” pag sigurado akong maayos naman ang pagkatrabaho ko at hindi ako nagkamali ay nakakaramdam ako ng kapayapaan sa sarili at naiisip ko na siguro naman di nila ako pauuwiin. Gayunpaman hindi ako masaya sa panahong yun, sa totoo lang di ko hinangad ang magtrabaho sa ibang bansa, gusto ko na lang sana sa Pilipinas mag hanap-buhay ngunit wala din naman akong magagawa, madalas wala kaming pasok sa trabaho dahil walang gawa ang aming kompanya at dagdag pa diyan unti unti ng nangibang bansa ang mga dati kong kakilala at mga kaibigan. Sa katunayan ako na ang isa sa pinaka huli na lumabas ng bansa, marami sa mga kakilala ko ay andito na rin sa Taiwan ang iba naman sa bansang Korea at ang iba ay nasa amerika na.

Dumaan ang mga buwan at ang mga ito ay naging taon. Wala pa rin akong hangad na pag aralan ang salitang Intsik o mandarin. Palagay ko kase noon ang hirap pag aralan at isa pa marunong mag salita ng ingles ang mga kasama ko dati na mga Taiwanese. Gusto nga nila na magsalita na lang daw ako ng ingles at gusto din nilang matuto ng ingles kaya ito din ang isa sa mga dahilan na hindi ako nagsusumikap noon na matutong magsalita ng mandarin at ang pinaka rason ko talaga kung bakit ayaw ko ay ayoko talagang mahirapan pa. Tatandaan ang bawat salita at ang katumbas nito sa mandarin. Ayokong mag-isip at mag memorize. Hanggang dumating ang panahon na kailangan daw mag re-shuffle ng mga tauhan at marami din ang mga uuwi kase nung panahon na yun kaya ililipat daw ako sa ibang departamento. Labis akong nalungkot at napaiyak pa nung malaman ko na magkakatutuo ang mga plano ng kompanya. Nakasanayan ko na kase sa department namin, parang ayoko ng magkaroon ng ibang makakasama sa work kundi ang mga kasamahan ko mula pa sa simula pa lang. Dinibdib ko talaga ang naturang plano na re-shuffle, takot kase ako noon sa maraming tao at ayokong makipag usap sa Instik lalo na pag hindi marunong mag ingles dahil hindi rin ako marunong magsalita ng salita nila. Naisip ko na ngang umuwi na lang ng Pilipinas dahil ayoko ngang malipat ng trabaho kaya lang naisip ko din walang trabaho sa Pilipinas kaya ganun pa man, labag man sa kalooban ko at ako’y pawang simpleng trabahador lamang, nasa pamunuan pa rin ng departamento ang pag dedesisyon. Samakatuwid, ako nga po talaga ay inilipat sa ibang departamento pagkalipas ng ilang linggo.

Taliwas sa una kong departamento, ang kalagayan ng pangalawa kong trabaho ay napapalibutan ng maraming tao. Hindi ko ito nagustuhan at lalong hindi ko ito nakasanayan. Sa una ko kaseng trabaho, kami-kami lang ng mga iilang kasama ko ang nasa loob ng isang medyo malaking kwarto, wala ng ibang tao roon na aming kasama. Pakiramdam ko malaya kaming nakakakilos at nakakapag salita ng kung anu-ano. Sa bago kung trabaho ngayon pakiramdam ko nasa isang malaking bulwagan ako. Maraming nagtatanong, pakiwari ko’y parang parating may nagmamasid sa bawat kilos ko, at maraming nakikinig sa bawat sasabihin ko. Hindi na ako nasanay na magtrabaho na maraming nakikita at marami ang nakakakita. Sa unang linggo ko ayoko mang mag drama ay kusa talagang tumutulo ang luha ko. Nalulungkot ako, naaawa sa sarili, hindi ko gusto ang kinalalagyan ko, at di ko alam kung bakit. Nahirapan akong magsalita at di ko alam ang magsalita. Maraming araw na napapaiyak ako, ngunit wala talaga akong magagawa kundi hinayaan ko na lang na lipasan at aliwin ng mga araw at buwan ang aking kalungkutan.

Isang araw habang ako ay naghihintay ng gagawin, bigla kong naisip at nasabi sa sarili “ah mag tatatlong buwan na pala ako dito, parang marunong na ako”. Naisip ko ang unang araw ko doon hanggang sa punto na yun, marami na rin pala akong nalalaman. Unti-unti na akong natuto na magsalita ng mandarin dahil doon ay talagang kailangan. Marami na rin akong mga bagong kakilala at mga kaibigan na mga tagaroon ma pa kapwa pilipino ko man o taiwanese. Habang nagmumuni muni ako sa mga bagay na ito, biglang napangiti ako sa sarili ko, “ah, ang mga bagay-bagay nga naman, akala mo lang mahirap sa una at sa wala pa, akala mo ayaw mo noong una, ngunit pag andun ka na, dito ka pala lalong magiging masaya”. Nung naisip ko yun, malaki ang pasasalamat ko na napagtagumpayan ko ang mga panahon na ako ay nalungkot, ang mga panahon na ako ay natakot. Salamat sa Diyos hindi niya ako pinabayaan at hindi niya ako hinayaang sumuko. Masaya ako para sa sarili ko. Pakiramdam ko sa mga oras na yun, marami akong na achieve na mga bagay.

Mainam kung ikaw ay isang taong madaldal medyo mabilis kang matuto ng mandarin, kaya dinaldal ko na ng dinaldal ang mga kasamahan kong mga estudyante sa departaminto namin. Masyado na akong huli sa pag-aaral magsalita ng mandarin dahil nga ayokong matuto nuong una kong mga taon dito sa Taiwan. Sa kalagayan ko ngayon naiisip ko, ngayon na ang pinakamabuting pagkakataon upang matuto. Di lamang sa trabaho ako nuon natuto kundi sa pakikipag kaibigan na din sa mga kasamahan kong mga intsik. Minsan naiimbitahan kami sa kanilang bahay at magluluto at kakain doon o di naman kaya ay lumalabas kami at manonood ng sine pagkatapos ng maghapong trabaho.

Dito sa bagong departamento na ito nakilala ko ang ngayo’y aking asawa. Siguro hindi ko na kailangan pang i-detalye ang aming pagkakakilala at pagliligawan. Namangha lang ako sa sarili ko dahil noong una ay wala sa isip ko at sigurado ako na hindi ako mag aasawa ng isang taiwanese. Ngunit para paiksiin ang isang hindi naman masyadong mahabang kwento ng aking buhay pag ibig, nagkaroon nga po ako ng isang nobyo na Taiwanese. Bago kami naging kami, madalas ko siyang kakwentuhan habang kami ay nagtatrabaho. Simpleng nagtatanungan ng mga kaniya-kaniya naming mga pamilya at kwentuhan kung gaano kahirap ang mga dinanas sa buhay ng aming mga pamilya. Naalala ko pa isang araw naikwento niya sa akin noon na sa sobrang hirap daw ng buhay nila noon ay kailangan na pumasok ng dalawang trabaho ang kanyang ina para lang matustusan ang kanilang pamilya dahil maagang namatay ang kanilang ama. Ang sabi ko pa sa kanya ay, “wow your mother is so good”, at sagot niya sa akin habang nilalagay sa isang box ang nakatali sa tray na IC na kinaiyak ko pa dahil masyado akong na “touch”, ” No my mother is not good, she is great”. Nahiya siya ng konti at medyo nabahala at dali-daling kumuha ng tissue paper sa mesa ng computer malapit sa kinaroroonan namin. Di ko nga napigilan ang sarili kong mapaiyak sa sinabi niya, bigla ko kaseng naalala ang sarili kong ina. Yes, totoo, hindi sapat ang salitang good para gamitin na deskripsiyon para sa mga inang naghirap para sa pamilya. Ang mga ina ay tunay na “great” lalo na sa mga mata ng mga anak na tumatanaw ng utang na loob sa kanila. Pinakilala din ako ng boyfriend ko sa mga pamilya niya. Noong una daw ay tinanong niya ang kanyang ina at lola kung okay lang sa kanila na magkaroon siya ng isang dayuhang nobya, ang sabi daw ng kanyang ina at lola ay “hangga’t mahal mo hindi na mahalaga kung sino.” Mula sa isang mahirap at ordinaryong pamilya lang din ang boyfriend ko, hindi mahirap na maka relate kase hindi nagkakalayo ang sitwasyon ng aming mga pamilya. Mabilis na lumipas ang mga taon at malapit ng matapos ang pang anim na taon ko dito sa Taiwan. Nagbabalak na kami ng boyfriend ko na mag-aasawa kaya nung panahon na sigurado na kami na mag- asawa ay inihanda na namin unti-unti ang mga kinakailangang dokumento para sa pagpapakasal. Marami din akong kinausap na mga kaibigan na nauna sa akin na mag asawa, tinanong ko sila tungkol sa mga kinakailang papel at mga lugar ng opisina. Tumawag din ako sa TECO sa Pilipinas at nagtatanong din ako sa kanila ukol sa pagpapakasal. Kaya bago natapos ang ika anim na taon ko dito sa Taiwan at bago ako umuwi ng Pilipinas ay naka handa na ang mga kinakailangang mga dokumento ng boyfriend ko at dala dala ko sa pag uwi ko. Sa panig ko naman, pinakuha ko na ng mga iilang dokumento na kailangan ang aking kapatid sa mindanao at pagdating ko sa Pilipinas dahil nauna ako sa boyfriend kong umuwi at hindi ko muna siya pinapunta hangga’t di pa kompleto ang dokumento ko, ako mismo ang pumunta sa mga opisina kagaya ng sa may malakanyang, tapos pupunta pa ng DFA para sa tinatawag na “red ribbon” at sangkatutak na xerox copy ng mga dokumento para hindi na ako pabalik balik at malayo ang TECO mula sa bahay ng pinsan ko kung saan ako nakituluyan.

Dumating ang boyfriend ko sa Pilipinas nung matapos ko ng lakarin lahat ang mga kinakailangan kong papeles at nag xerox kami ng passport niya at ID. Nag sulat sa form na galing ng TECO, ito ay mga personal na impormasyon namin at ng aming mga pamilya at saka kami pumunta para mag apply. Mahaba ang pila sa TECO. Akala ko nuon, kukonti lang ang nagpapakasal na pinay sa taiwanese, mali ako, marami kaming na in-love ng Taiwanese. Makalipas ang ilang araw, ang petisyon namin na mag- aasawa ay aprubado na ng TECO at maari na kaming magpakasal. Dali-dali kaming umuwi sa aming probinsiya sa mindanao lulan ng Cebu Pacific Airlines. Ito ang unang pagkakataon na pumunta sa ibang bansa ang aking boyfriend. Swerte siya sa mindanao siya unang napadpad. Madilim na ng kami ay dumating ng bahay. At pagpasok namin ng bahay ay bumungad sa amin ang isang mahabang ilaw na flourescent na napapaligiran ng mga di ko mawari kung kulisap o alitaptap o lamok na lumilipad. Halos matakpan na nila ang liwanag ng ilaw. Dali dali kong sinara ang mga bintana ng kwarto na aking hihigaan at ito’y mga bukas pa, napapasukan kase ito ng mga lamok. Pagkatapos nagpasalamat sa mga pinsan na tumulong magbuhat ng aming mga bagahe ay naghapunan kami at nagpahinga na. Kinabukasan ay pumunta kami sa Town hall para kumuha ng marriage license at dumalo pa ng isang seminar ukol sa pag aasawa dahil nagkataon na may seminar noong araw ng aming pagpunta. Natatawa ako at nahihiya para sa amin ng boyfriend ko nung kami ay dumalo sa seminar. Magka edad lang kami ng boyfriend ko, at habang hindi pa nagsisimula ang seminar ay may konting pagpapakilala muna ang bawat isa sa amin na mga “couple”. Doon ko nalaman na kami pala ng boyfriend ko ang pinaka matanda na ikakasal sa edad na 29 at 30 taon dahil naunang nag birthday ang boyfriend ko pero pareho kami ng taon ng kapanganakan. Kasunod na ay mga 23 anyos at 18 anyos, may isang babae kaming kasabay na buntis na ay wala pa ngang dise otso. Nahiya ako ng bahagya, natatandaan ako sa edad namin ng boyfriend ko. Nung makatabi ko kase ang isang dise otso, pakiramdam ko lola na ako. Gayunpaman tinapos namin ang isang araw na seminar kahit nag poprotesta ang boyfriend ko at hindi nga niya maintindihan ang mga pinag-uusapan. Dapat daw di na siya kasama, ako lang kase ang nag insist at gusto ko lang namang malaman kung ano ang mga tinatalakay sa mga ganung klaseng seminar. Wala na kaming sapat na panahon para magpakasal sa simbahan dahil dalawang linggo lang ang leave ng boyfriend ko sa trabaho kaya sa opisina ng mayor ng aming lungsod kami nagpakasal, yung tinatawag nilang civil wedding. Nagpasalamat ako sa mga kapatid ko na tumulong sa akin sa pag aasikaso at mga pinsan ko na kahit matagal ko ng di nakakausap at nakikita dahil nga na nasa Taiwan ako, sila ang mga sumuporta at tumulong sa akin.

Pagkatapos ng aming kasal naunang bumalik dito sa Taiwan ang aking asawa dahil kailangan niyang bumalik agad sa trabaho. Ako naman dumalo pa ng isang seminar sa maynila dahil ito ay kinakailangan para makakuha ng panibagong passport, dahil may asawa na ang status ko. Ang naturang seminar ay para sa mga kagaya ko na nag-asawa ng isang dayuhan o foreigner at nais na mag update ng kanilang passport mula sa single papuntang married status. Nakakatawa at medyo nakakatakot ang naturang seminar. Para sa mga mahihina ang loob, nakakatakot. Para naman sa mga in-love na kagaya ko, walang dapat ikabahala. Pinanood kami ng isang segment sa telebisyon mula sa isang sikat na programa na pinangungunahan ni Noli de Castro na tinatawag na Magandang Gabi Bayan. Sa naturang palabas, may isang Pinay na nakapag asawa ng isang Dutch. At base sa mga litrato at imbestigasyon, ang naturang dutch ay may-ari ng isang club at nahuling kinukuhaan ng larawan ang kanyang asawang pinay na hubo’t hubad sa paligid ng isang lugar na puro may yelo. Bumagsak sa sobrang lamig ang kawawang pinay. Meron din silang kinuwento sa amin na sinipa sa mukha ng isang canadian na lalake ang asawa niya na pinay. Ito ay iilan lamang na mga balita na nakakalap nila mula sa mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa. Gusto lang nila na maging aware kami at masiguradong hindi mangyayari sa amin ang mga ganitong klaseng sitwasyon. “Ilang buwan kayong magkakakilala ng asawa mo?” tanong ng isa sa mga in-charge na nag conduct ng seminar sa amin sa kasabayan kong babae na nasa aking likuran. “One month po”, sagot ng babae. “Saan kayo nagkakilala?”, dugtong pa ng nag conduct ng seminar, “sa internet po”, tugon ng babae. Nagulat ako, huminto ako sa aking ginagawang pagsusulat at nag-iisip sa sagot ng babae. “Haaaa”, bulong ko sa sarili. Ang pakiramdam ko kase kahit magkasama pa kami ng asawa ko sa trabaho dati at nakita ko mismo ang kanyang mga pamilya, feeling ko may mga bagay pa rin na dapat kong malaman tungkol sa kanya, na hindi ko pa talaga siya ganun ka kilala. Ngunit ito ngayong narinig ko, isang buwang pagkakakilala sa pamamagitan ng internet. Haay lakasan lang talaga ng loob. Matapos kong maayos ang lahat pati na ang aking passport ay nagpasya muna akong huwag agad-agad bumalik sa Taiwan. gusto ko munang makasama ng medyo matagal ang pamilya ko. Alam ko na sa susunod na mga panahon ay hindi na ako makakadalaw ng madalas sa mga magulang ko pagbalik ko ng Taiwan. Kaya bumalik muna ako ng mindanao, pinagmasdang mabuti ang aming mga kapaligiran dahil hindi ko na ito makikita sa taiwan. Wala ito sa Taiwan. Alam kong matatagalang muli bago maka bisita. Binusog ko muna ang aking mga mata sa pagmamasid ng mga alagang hayop ng nanay ko, mga damo, bulaklak, mga punong kahoy pati ang mga naglalabasang mga kulisap at palaka pagsapit ng gabi.

Dumating akong muli sa Taiwan noong 2007, sa pagkakataong ito ay hindi na bilang isang OFW kundi isa na akong may asawa. Walang ulan. Malinaw at maliwanag ang kalawakan at kapaligaran. Sa pagkakataong ito, marami na akong nalalaman na mga bagay tungkol sa trabaho, ang kultura sa loob ng kompanya, ang mga dormitoryo pati mga simbahang Pilipino. May alam na ako kahit papaano ng mga salitang intsik, iba na ang aking nararamdaman. Ngayon nag- aalala na ako kung ano ang aking maging kinabukasan sa piling ng taong napangasawa ko at ang magiging buhay ko dito sa Taiwan. Nagpasya ako na huwag munang bumalik sa trabaho, gusto kong makasama at makilalang mabuti ang aking asawa. Gusto ko rin kaseng bigyang halaga ang aking buhay espirituwal na matagal ko ng napabayaan noon. Nung panahon na ako pa ay nagtatrabaho, madalas hindi ako nakakapag samba, dahil sa sobrang pagod, madalas hindi agad nakatulog, may trabaho, may overtime. Kaya ngayon na pwedi na akong mamili at salamat naman sa asawa ko na hindi naman namimilit na magtrabo agad ako, ay nabigyan ko ng pansin at pagpapahalaga ang buhay kristiyano ko. Umunlad ang buhay espirituwal ko, masaya ako sa piling ng aking asawa, kontento ako sa aming simpleng pamumuhay at pagkatapos ng dalawang taon ay nagkaroon at biniyayaan ng maykapal ng isang anak na babae.

Masarap na mahirap maging ina lalo na kung nag-iisa ka lang sa bahay. Para sa aming mga Pilipino na nakapag-asawa ng Taiwanese mas gusto namin na hindi kasama sa bahay ang aming mga biyenan. Nandun kase ang ilangan pag kasama mo sila. Sa sitwasyon ko, di ko rin kasama sa bahay ang mga biyenan ko. Bago pa kase kami nag-asawa ng asawa ko ay nakahiwalay na siya ng bahay sa pamilya niya, kaya doon na kami muna nanuluyan sa isang lumang apartment na tinitirhan niya noong binata pa siya. Noong panahon na maliit pa ang anak ko, kahit saan ako magpunta kasa- kasama ko siya dahil walang pwedeng magbantay sa kanya. Isusubsob ko sa gitna ng mga tao yung stroller niya para makabili ng kakailanganin namin mula sa palengke, dadalhin ko araw-araw sa parke. Magmamadali akong umihi o tumae dahil baka babangon na ang anak ko at baka mahulog sa higaan. Nung pwede ng isakay sa motor, pag minsan nauuntog pa ang anak ko sa pag break ko ng motor dahil di pa ako noon mahusay mag drive ng motor. Nagmo motor kami sa initan pag pumunta sa simbahan, nagmo motor sa ulanan suot ang kapote, nagmo motor sa kung saang saang kinakailangang puntahan. Isang araw habang nasa parke kami ng anak ko at habang kinakausap siya sa wikang ingles, biglang may lumapit na isang lola na Taiwanese sa akin at mukhang naiirita na nagtatanong. Sabi pa niya “bakit ayaw mo turuan ng Indonesian ang anak mo?”, sagot ko agad sa kanya,”hindi ako marunong mag indonesian”. Ang lola mukhang napahiya ng konti at sabay tanong, “saang bansa ka ba galing”, “sa Pilipinas”, ang sagot ko. Isa ito sa mga nakakatawa at minsan nakaka insulto na mga katanungan ng mga matatandang Taiwanese sa mga kagaya ko na mga Pilipino na nakapag asawa dito sa Taiwan. Minsan may nagtanong din sa akin na matanda din habang kami ay nasa loob ng isang elevator, sabi pa niya sa akin “Ingles din ba ang salita niyo sa South Africa?” Ang sagot ko naman ay “di ko alam, hindi ako taga south africa”. Nagtataka ako at napaisip pagdating sa mga dayuhan o yung mga tinatawag natin na “foreigner” ang ideya ng mga Taiwanese ay yun lamang black at white. Pag hindi ka maputi, panigurado mula ka sa bansang Aprika, pag ikaw ay maputi, mula sa bansang amerika. Sana lumawak pa ang kanilang mga pag- iisip tungkol sa mga dayuhan o mga kagaya namin na mga taga kapuwa nila asiyano. Sana malaman din nila na sa mundong ito hindi lang ang puti at itim ang mga nanininrahan kundi may kayumanggi din, may bahagyang maputi, may medyo mapula, at may bahagyang maitim.

Malaki na ang anak ko ngayon, ganap na na 8 anyos. Ni sa panaginip ay hindi ko inaakala na ang pagpunta ko dito sa Taiwan ay hindi lamang upang kumita at makapag hanap-buhay kundi iginuhit ng tadhana na makarating ako dito upang dito magkaroon ng sariling pamilya. Isa lang ang anak ko, takot ang asawa ko na mag-anak kaming muli at baka daw mahirapan kami kase di na rin ako bumalik sa pagtatrabaho, nag papart-time job lang ako. Gusto ko kase na personal na maasikaso ang paglaki at pag-aaral ng anak ko. Gusto ko na habang siya ay maliit pa at kailangan pa niya ang alalay ko, gusto ko andun ako para sa kanya dahil alam ko pagdating ng araw, hindi na niya kailangan ang mga kwento ko, ang tulong ko. Pagdating ng araw mas gusto na niyang kasama ang mga kaibigan niya kesa sa akin, mas masaya na siya pag sila ang kasama niya, at pagdating ng araw magkakaroon din siya ng boyfriend na mamahalin niya at pagdating ng araw mas maraming oras na igugugol niya sa boyfriend niya kesa sa akin. Parang nakikinita ko na ang mga posibleng mangyayari sa araw na bukas kaya habang ang bukas ay hindi pa dumarating, nais ko munang namnamin ang mga bagay na pwede ko pang kontrolin dahil pagdating ng araw alam ko hindi na ako ang bida, kailangan ko ng magpaubaya, kailangan ko nang manahimik, wala nang masyadong importansiya.

Mapalad ako dahil may sarili akong pamilya dito at may pamilya din ako sa Pilipinas. May nanay pa ako, meron pang mga kapatid at ngayon may mga naglalakihang mga pamangkin. Sa tuwing dumadalaw kami ng anak ko sa pilipinas, sa mindanao, nakikita ko pa liban sa mga yumao ang mga tiyuhin at tiyahin ko, mga pinsan ko at mga pamilya ng mga kamag- anak kong nagsipag- asawa na. Mga bago na ang henerasyon ng pamilya namin, matandang matanda na ang nanay ko, at kaming magkakapatid ay matatanda na rin. “We will land at Taoyuan International Airport in 15 minutes”, ang narinig kong sinasabi ng stewardess sa intercom ng eroplanong aming sinasakyan pabalik ng Taiwan. Ah, sabi ko sarili ko “thank you Lord sa maayos na pagbiyahe at sa pag-iingat mo sa amin, I’m home”. Bigla akong nagulat sa huling nasambit ko. Sanay kase ako na ang home na tinutukoy ay sa Pilipinas. Ngunit nung papalapag na ang eroplano namin sa Taiwan ay nasambit ko na “I’m home.” Ah, buhay nga naman, nandito nga pala sa Taiwan ang buhay ko, ang bahay ko, ang asawa ko. Mula sa Pilipinas na noo’y home ko ngayon ay nadadagdagan na. May home na din ako dito sa Taiwan. Sa Pilipinas, andun ang nanay ko at mga kapatid ko at ang kanilang mga pamilya, dito sa Taiwan, andito ang aking mga biyenan, mga kaibigan, dito nag-aaral ang anak ko, dito ako may part-time job, dito ako namumuhay, dito ang asawa ko. Nandito ang pamilya ko. Salamat sa Diyos, ma pa Pilipinas man o ma pa Taiwan, may pamilya akong akin na matuturingan.


📝 Komento mula sa tagasuri|Tony Cruz

A Filipina OFW marries a Taiwanese. Taiwan becomes her home.

發表迴響

你的電子郵件位址並不會被公開。 必要欄位標記為 *