ANG AKING MUNTING KAIBIGAN AT ANG AKING MGA TULA.

2019 Preliminary 菲律賓文初選

📜 ANG AKING MUNTING KAIBIGAN AT ANG AKING MGA TULA.
👤 Joan Santillan Amurao

Taong 2010, nang unang tumuntong ang aking mga paa sa bansang Malaysia. Kahalintulad ng mga gasgas na dahilan ng karamihan, “Nangibang bayan, dahil sa kahirapan at sa pagnanasang mabago ang estado ng buhay, para sa magandang kinabukasan.” Ganun na ganun din ang ipinupuyos ng aking kaibuturan. Iyun naman talaga ang tunay na dahilan sa mga katulad kong isinilang na hikahos sa buhay. Ang makipagsapalaran at magsakripisyo sa bansang dayuhan ang madalas na naiisipang solusyon. Aminin man natin o hindi, mas malaking halaga ang maaaring kitain kung sa ibang bansa ay maghahanapbuhay. Sa madaling salita, higit sa sapat ang sinasahod para sa isang buwang gastusin sa pamamahay, kahit pakunti-kunti ay may pagkakataon na makapag ipon ng salapi at mas makakapagsimpan kung isasantabi ang luho sa katawan at iwasan na makipagsabayan sa ibang tao na sumusunod sa mga makabagong gamit na teknolohiya. Hindi imposible na matupad ang ating pangarap para sa kinabukasan kung ating itutuon ang ating puso at isip sa kung ano talaga ang naging layunin natin nuong tayo ay mangibang bayan.
Dito sa Malaysia, nadama ko ang kakaibang ihip ng hangin, halu-halong nasyonalidad ang aking mga nakakabungguang-balikat, mga samu’t saring salita na madalas ay gumugulo at nagpapasakit sa aking isipan, dahil hindi ko agad maunawan ang mga bagay-bagay na pinag uusapan. Kung saan, naranasan ko na ang senyasan ng mga kamay o ng katawan ay naging mas kapaki-pakinabang bilang pamamaraan ng komunikasyon. Hindi naging madali ang unang anim na buwan nang aking paninilbihan bilang katulong sa bahay na may limang miyembro ng pamilyang Intsik. Madalas ay nalulunod ako sa aking luha sanhi ng labis na kalungkutan at pagkapagal na rin ng aking katawan. Kinailangan kong maging matatag at tawirin ang distansiya ng kultura at pakibagayan ang nakagawiang tradisyon ng Malaysia at maging ng mga Intsik. Kaalinsabay ng aking pamumuhay sa bagong kapaligiran ay naging puhunan ko ang pagiging mapagtiis para sa kinabukasan ng aking mga anak at ang aking pananampalataya sa Diyos na alam kong hindi Niya ako pababayaan.
Sino ang mag aakala na dito ko matatagpuan sa Malaysia ang aking magiging munting kaibigan. Siya si Beh, ang aking bebeh. Ang solong anak na babae ng aking mga amo. Dalawang taon at anim na buwang gulang pa lamang siya nang kami ay unang nagkakilala o nang alagaan ko siya. Marahil dala na din nang aking pangungulila sa aking sariling mga anak kung kaya’t nakapalagayang loob ko at napamahal na si Beh sa akin. Ang pag aaruga at pagmamahal na hindi ko maibigay ng personal sa aking sariling mga anak ay sa kanya ko ibinubuhos. Si Beh ang aking munting kaibigan at itinuturing kong anak ko dito sa Malaysia. Siya ang aking munting kasiyahan at madalas na kahuntahan
Kaming dalawa ang palaging magkasama at sa tuwing abala ako na maglinis ng bahay, nakasunod siya sa akin at nag kukuwento ng mga kung anu-ano tungkol sa kanyang mga laruan. Sa tuwing sumasapit ang aking kaarawan, hindi niya nakakalimutan na batiin ako at bigyan ng sulat na may mga guhit ng aming mukha na magkahawak-kamay. Maingat na nakalagay sa isang sobre na may kasama pang kendi. Nakakaantig ng puso ang kaniyang pagiging maalalahanin. Kapag nakikita niya akong pagod at nahihirapan na sa gawaing bahay ay niyayakap niya ako at binibigyan ng inumin, at sinasabihan niya ako na, “ Kakak (Ate), Magpahinga ka muna sandali sa kuwarto ko,”. Ang aking munting kaibigan ay isang anghel na maunawain at mapagmahal.
Sa pagsapit nang hapon, gusting gusto niyang nilalaro namin ang tapikang-palad na itinuro ko sa kanya. Pangkaraniwang laro naming magkakapatid nuong aming kabataan. Matatas niyang nasasambit ang wikang Filipino sa aming nilalaro na may mga linyang,
“ Nanay, tatay, gusto kong tinapay.
Ate, Kuya, gusto kong kape,
Lahat ng gusto ko ay susundin ninyo,
Ang mag kamali ay pipingutin ko.”
At mag bibilang ng mula sa isa hanggang sa pa-sampu na palakpak. Kung anong kulay ng damit ang suot ko, ganung kulay din ng damit ang isusuot niya. Ang paborito niyang lutong Filipino ay ang adobong baboy. May mga pagkakataon na inilalambing pa niya na lutuan ko siya ng adobo, na ikinagagalak ko naman dahil magana siyang kumain pag ipinagluluto ko siya nito. At sa gabi, ang aking pampatulog na awitin sa kanya ay ganito,
“Pumunta ako sa hardin,
Upang pumitas ng magandang bulaklak,
Narinig ko ang isang ibon,
Binigkas ang aking pangalan,
Ako ay biglang napaiyak,
Naalala ko si inay,
Oh Inay, Bumalik ka na sa akin…”
Sa aking puso, ito rin marahil ang mga piping awitin ng aking mga anak para sa akin. Na ako ay bumalik na sa kanilang piling at muli ko silang makasama, maalagaan, at magabayan sa kanilang pag aaral.
Nang magsimula na si Beh na mag aral, may mga takdang aralin siya na magkasama kaming nag aaral upang masagutan. Habang natututo siya mula sa paaralan, ako man ay natututo mula sa kanyang mga takdang aralin. Si Beh ang aking naging tagapagbasa ng mga isinusulat ko, tuwang tuwa ako sa tuwing lumalabas sa bibig niya ang wikang Filipino. Nakakataba ng puso ang kanyang suporta at pagmamahal sa aking hilig sa pagsusulat. Madalas ay binibigyan niya ako ng lapis at papel upang magsulat. Noong nakaraang taon, Setyembre 2018, ako ay sumali sa isang patimpalak ng mga tula dito sa Malaysia na ginanap sa Kuala Lumpur. Ang tula na inilahok ko sa patimpalak ay ang:

ANG PAKIKIBAKA NG ISANG INA

Isang ina na lumipad, ngunit walang pakpak.
Lumayo at sa lugar na banyaga ay napadpad.
Kanyang mga munting anak ay inilagak,
sa kandili ng kanyang magulang upang maalagaan
at huwag mapahamak.

Baon ang pag asa at pagmamahal
ng pamilya na sa kanya ay umaasa.
Buong tatag na haharap sa bawat pagsubok,
ang inang nakikibaka ay hindi magpapalugmok.
Ang mga hamon ng buhay sa kanya ay daan
upang marating ang tunay na tagumpay

Isang ina na sandata ang lakas at malinaw na kaisipan,
Nakibaka sa bansang Malaysia
at matapat na naninilbihan.
Isang ina na nagtitiiis at nagsusumikap,
Walong taong singkad na pag hihirap.
Upang kanyang mga anak ay magkaruon
Ng magandang hinaharap.

Tanging Kaagapay ay ang Diyos na tapat.
Na Saksi sa kanyang bawat luha at paghihinagpis.
Pangungulila ay pilit ikinukubli nang kanyang
Mapanlinlang na mga ngiti.
Inang ang dalangin sa tuwina sa Diyos na may Likha,
muling mayakap mga supling na tinatangi.

Katawang nasa lupang banyaga,
gayong ang puso’t kaluluwa
ay namimirmihan sa bayang sinilangan.
Nawa’y patuloy na bigyang kalakasan
ang inang naninilbihan,
at patuloy na nakikipag sapalaran
para magandang kinabukasan.

Na nagkamit ng ikatlong gatimpala, ipinagpapasalamat ko sa Diyos ang pagkakataong iyon, at kay Beh dahil sa kanyang pagpilit na isali ko ang “Ang Pakikibaka ng Isang Ina”. Ang aking munting kaibigan ay napuno ng saya nang makita niya ang aking tropeo, naging inspirasyon niya ang aking pagkapanalo upang magsulat din.

Buwan ng Nobyembre 2018, isa ako sa naging miyembro ng mga manunula o tumutula na naimbitahan sa isang apat-na-araw na pampanitikang pagdiriwang na ginanap sa bayan ng Penang, Malaysia. Mga Emosyon at Ekspatriasyon ang naging tema ng aming mga tula. Dito ay nakilala ko ang mga kapwa ko migrante at mga taong mula sa iba’t ibang bansa na ginawang kanlungan ang Malaysia. Nakadaupang palad ko din dito ang mga ilang kilalang manunulat at mga personalidad sa larangan ng panitikan na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng mundo. Mga katulad kong may puso sa larangan ng pagsusulat at sining. Isa sa mga kaganapan sa aking buhay sa Malaysia na hinding hindi ko makakalimutan. Ipineresenta ko ang aking tula na:

MALAYO

Mahirap ang maging malayo,
sa pamilyang iniwanan ng mga pangako.
Pangako na puno ng pag asa,
pag asa na ang hangad ay maiba.
Maiba ang buhay sa nakagisnan.

Nakagisnan na ang munting mga paa
Ay kailangang ilakad ng malayo,
Patungo sa paaralan
at pabalik sa tahanan.
Nakagisnan na ang suot na saplot
Ay nakailang ulit tinagpian
Ah, ilang taon pa ba ang dapat pag tiisan
Nang matakpan ang kahubdan?

Tama, kailangang lumayo
Nang ang mga nakagisnang kahirapan
Ay mahalinan ng kahit kaunting kaalwanan.
Lumayo sa sariling bayan
Na tila ba naging luklukan ng karalitaan
Sa tulad kong sadyang isinilang
Na dukha, pulubi at laging api.

Ako man ay nagtataka,
Bakit ang mayaman ay lalong yumayaman
At ang mahirap ay lalong naghihirap?
Kasalanan bang ipinanganak na mahirap?
Suliranin ba itong matatawag?
Mga palasak na tanong na di matugunan,
Sa sariling bayan ay walang kasagutan.

Kaya heto, heto ako’t lumayo
Mula sa bansang sampaguita ang sinisinta,
Napunta sa bansang itinatangi ay gumamela.
Malaysia, kapit-bansa sa Asya
Libu libong milya at karagatan ang layo
Distansiyang kay hirap tawirin
At ang pangungulilang nadarama
ay kay hirap pawiin.

Oh kay hirap maging malayo.
Iba’t ibang lahi ang nakakahalubilo,
Iba’t ibang wika na nakakahilo.
Ngunit kailangan kong magpakahunyango,
At sa lansangan ay maging matalino.
Dahil ang nais ko ay simulan ang pagbabago.

Dito sa malayo, sa lugar na naging kanlungan,
Kanlungan ng mga migranteng katulad ko,
Kanlungan ng mga tumakas sa sariling bayan
Sanhi ng trahedya, karahasan o digmaan,
O mas tamang sabihin
na ang dahilan ay kahirapan.

Inaamin ko, isa ako sa mahigit daang libong bilang
nang lumulubong populasyon
ng mga dayuhan dito sa Malaysia.
Ito marahil ay produkto ng globalisasyon.
Mga pintuang binuksan ng mga karatig nasyon.

Ngunit bakit ganun?
Bakit damang dama ko ang hapdi ng marka,
Na pilit itinatatak sa aking pagkatao?
Na nagsasabing mababang uri ako.
Tama ka, di tayo pantay pantay ng estado.
Sapagkat ako ay dayuhan sa iyong bayan.
Isang matapat na alila ng iyong nasasakupan.

Ngunit huwag mo sana akong titigan,
Na kahalintulad sa isang gumagapang at nakakadiring uod.
Ako ay hindi tuod at ang kwento ng buhay ko ay di mo maibubuod.

Sa aking paniniwala, ako’y hindi nag iisa,
Hindi ako nag iisa na dumaan sa proseso
Na inuuri ang pagkatao.
Mga karanasan ng ilan
na sadyang hindi makatao.
Nagtitiis sa pang aabuso
at nanahimik sa isang kanto.

Hanggang kailan kaya mananatiling ganito?
Hangad lang naman ay pagbabago
Kung kayat nagsasakripisyo…
… sa malayo.

Ang bawat tula na isinusulat ko ay unang nababasa ng aking munting kaibigan, at upang maunawaan niya ang damdamin at lalim ng aking mga tula ay isinasalin ko ito sa wikang Ingles. Binabasa ko ang Ingles na tula at ipinapaliwanag sa kanya ang konteksto at siya ang nagbabasa ng wikang Filipino na tula. Masarap sa pakiramdam na ang aking inaalagaan ay mayruong interes sa aking sariling wika. Si Beh, na laging nag tatanong ng, “Kakak (Ate), ano sa Filipino ang mahal kita?, ano sa Filipino ang kumain ka na ba?, ano sa Filipino ang sandali lang?, ano sa Filipino ang ganito, ang ganyan? ” at marami pang mga tanong na mga pangungusap na nais niyang isalin ko sa wikang Filipino.

Disyembre 2018, ibinalita ko sa aking munting kaibigan na ako ay naimbitahan sa isang pagtitipon sa Singapore.
“Beh, alam mo ba na inimbitahan ako sa Singapore para tumula,” medyo alinlangan kong sabi sa kanya.

“ Waw, talaga? sama mo ako, pwede ba? Gustong gusto kitang makitang tumula sa entablado.” Nasasabik niyang tugon na patanong.

“Kung pwede kitang isama, Isasama kita talaga, kaya lang hindi ko pa nasasabi sa Mama at Papa mo na naimbitahan ako sa Singapore.” Sagot ko sa kanya habang hinahawakan ang kanyang mga kamay.

“Ipagpapaalam na lang kita sa Mama at Papa ko.” Madalian niyang sagot na nakangiti.

Ipinaalam niya ako sa kanyang magulang at pumayag sila na ako ay makadalo sa Singapore, pero hindi nila inayunan na isama ko si Beh. Kaya pinangakuan ko na lamang si Beh na kukunan ko ng bidyo ang aking pagtutula upang mapanuod niya at huwag siyang malungkot. Kabilang sa mga binasa ko sa Singapore ay ang mga isinulat ko sa wikang Ingles na mga tula na hango sa buhay ng mga migrante at ang isa sa paborito kong sinulat na tula na:

KASINTAHAN NG AKING KALULUWA

Puting kwaderno na nakasadlak sa kanyang kandungan
Habang siya ay nakasalampak sa upuang kawayan
Binubuo sa kanyang gunita ang imahe ng na panaginipan
Nuong nakaraang gabi nang siya’y natulog na puno ng kalungkutan

Hawak ang lapis na bagong tasa at sinimulan ang obra.
Maingat na iginuguhit ang mukha ng isang babae
Babae na nakahilig ang ulo sa dibdib ng isang lalaki
Animo’y yakap siya upang maging komportable.

Marahang idenedetalye ang pares ng tenga ng lalaki
Tenga na laging handang makinig sa bawat hinaing
at mga kwentong paulit-ulit
Isang lalaki na ramdam ang kanyang mga dinadalamhati
Siya yung lalaki na alam mong laging nariyan
kahit hindi mo nasisilayan.

Sa kanyang panaginip ay may ibinulong ang lalaki,
“ Ako ay sasaiyo, Ako ay iyong Diyos.
Hindi ka dapat mangamba, papalakasin kita at tutulungan,
Iingatan at ililigtas kita, dahil mahal kita.”

Ang kanyang tinig ay parang malamyos na musika sa pandinig
Ang kanyang mga salita ay humihipo sa puso at lubhang nakakaantig
Panaginip na sobrang espesyal, nag bibigay kapayapaan sa isipan
at sa katawang pagal
Iginuhit ang kabuuan ng obra, nilagdaan at nilagyan ng titulong:
Kasintahan ng aking kaluluwa.

Lubhang espesyal ang pagtitipong iyon kung saan marami akong nakilalang mga Filipinong migrante at mga ibang lahi din na manunulat. Nagkaruon din ako ng pagkakataon na masaksihan ang iba’t ibang pag ganap sa entablado ng ibang mga bisita. May isang istasyon ng telebisyon na kumapayanam sa akin ng araw ding iyon at nai- ere sa kanilang istasyon. Nakapamasyal din ako sa ilang magagandang lugar na dinadayuhan ng mga turista sa Singapore. Yung mga lugar na sa internet ko lang nakikita ay napuntahan ko din sa wakas. Isang karangalan na naimbitahan sa ganung okasyon at nakakilala ng mga bagong kaibigan na may iisang layunin sa buhay. Mga kapwa ko na simpleng tao at nagpapakatatag sa bawat hamon ng buhay sa dayuhang bayan at itinutuon ang panahon sa pagsusulat bilang dibersiyon.

At katulad nga ng aking naipangako sa aking munting kaibigan na si Beh, ipinanuod ko sa kanya ang aking presentasyon sa Singapore. Niyakap niya ako ng mahigpit at sinabing, “ Ang husay mong magsalita sa harap ng maraming tao, hindi ka nahiya, sana ako din balang araw ay makatuntong sa entablado na hindi nahihiya.” Niyakap ko din siya at pinayuhan ko na, “ Beh, basta isipin mo lang na ang mga gagawin o ang mga sasabihin mo sa harap ng maraming tao ay maaaring makatulong at makapagpasiya sa kanila.”

Sa aking pananaw, ang buhay ng manggagawa sa ibang bansa ay puno ng pakikisama at paghihirap, literal na dugo at pawis ang pinupuhunan ng maraming migrante sa iba’t ibang nasyon, sakripisyo-brutal ika nga. Mga migranteng sasabak at sasabak sa giyera ng buhay mabigyang katuparan lamang ang mga magagandang pangarap para sa pamilya. Katulad ng matulungan ang mga magulang at mga kapatid, mapag aral ang mga anak at mapagtapos sila sa napiling kurso sa kolehiyo. Kasama sa pangarap ang magkaruon ng sapat na kapital upang makapagnegosyo at mamirmihan sa bayang sinilangan. Maaaring iisa ng kagustuhan ang bawat Filipino na nangingibang bansa, ngunit hindi magkakatulad ang nagiging kapalaran sa lupang banyaga. May mga pinalad na mapunta sa mabuting amo, may ilan naman na na pinagsasamantalahan ang kahinaan ng naninilbihan. Mas masakit yung mga balita na umalis ng sariling bansa na puno ng magagandang plano para sa hinaharap ngunit inuwi na isang malamig na bangkay.

Naririnig ko ang mga reklamo nang ibang Filipino, “Nakailang palit na ng presidente at administrasyon, ngunit halos wala pa ding nagbabago sa aking sitwasyon!” Naniniwala ako na hindi tama na isisi sa pamahalaan ang kinahihinatnan nang ating mga buhay, maging mahirap man o mayaman. Bilang isang OFW (Overseas Filipino Worker) na sumusuong sa panganib, at tinaguriang mga Bagong Bayani ng Republika ng Pilipinas. Ang pagbabago ay nagmumula mismo sa ating mga sarili. Sa ating sipag at determinasyon ay siguradong may mapapala na pagpapala sa ating buhay. Higit sa lahat huwag nating kalimutan na manalangin at magpasalamat sa Diyos na makapangyarihan sa lahat. Sa parteng ito ay nais kong ibahagi sa bawat mambabasa ang isang awit papuri na aking isinulat at madalas naming kantahin ng aking munting kaibigan.

Purihin Ka Panginoon

Hindi ako matatakot na humarap sa mundo
Hindi pang hihinaan ang puso ko sa bawat pagsubok
Panginoon ikaw lamang aking gabay
Sa iyong kamay ang buhay ko ay nakasalalay.

Purihin ka Panginoon
Ang pag ibig mo’y wagas at walang katumbas
Purihin ka Panginoon
Kay buti mo at tapat…

Sa aking pag iisa ay hindi malulumbay
Pagkat Ikaw Panginoon ang aking karamay
Ang Iyong Salita sa akin ay ilaw
Liwanag sa landas na aking nilalakbay.

Ngayong April 2019 ay nakatakda akong umuwi sa Pilipinas para sa kaarawan ng aking bunsong anak, at sa pagtatapos ng aking panganay sa kanyang maiksing kursong bokasyonal, at upang makaboto sa darating na halalan sa Mayo. Pasumandali kong maiiwanan si Beh nang mahigit dalawang linggo. Gayunpaman, patuloy pa din kaming mag uusap araw araw sa internet. Sigurado ako na mangungulila kami sa bawat isa, dahil sa tuwing dumarating siya mula sa paaralan ay ako ang una niyang tinatawag at hinahanap upang sabihin lang na nakabalik na siya mula sa paaralan at mahal niya ako. Ginawan ko na siya ng mga talaan ng kanyang mga dapat gawin sa mga panahon na wala ako sa kanyang tabi. Sa susunod na taon, 2020 ay tuluyan ko nang matatapos ang aking ika-sampung taon na kontrata at ang pagsisilbi sa pamilya ni Beh. Nakakalungkot na isipin na magkakahiwalay na kami ng aking mahal na munting kaibigan. Ipinagpapasalamat ko sa Diyos ang kanyang buhay dahil isa siya sa dahilan kung bakit ako nakatagal na mag trabaho sa kanilang pamilya. Pinapawi niya ang lungkot ko sa tuwing nag kukuwento siya ng mga kaganapan sa kanilang paaralan. Gustong gusto ko na ibinabahagi niya sa akin ang mga nararanasan niya sa paaralan.

Hindi ko alam ang susunod na magaganap pero nangangako kami sa isa’t isa na malayo o malapit man ay mananatili kaming magkaibigan at laging mag kakaruon ng bukas na komunikasyon. Darating ang panahon na ang aking munting kaibigan ay haharap na din sa mundo ng mag isa. Maaaring magkaruon na din siya ng mas malaking sirkulo ng mga kaibigan, dalangin ko lamang na sana ay isapuso niya ang bawat kagandahang asal na ibinahagi ko sa kanya at ipagpatuloy sana niya ang pagsusulat ng kahit anong kuwento ngayong siya ay bata at hanggang siya ay magdalaga na. Masaya akong sabihin sa buong mundo na naging bahagi ako sa paglaki ng aking munting kaibigan at isigaw na, “Mahal na mahal kita Beh!”.

📝  Komento mula sa tagasuri|Ima Ariate

The piece is a short story about a domestic worker in Malaysia who appropriates her love for her children back in the Philippines to her ward who she fondly calls ‘Beh’. Embedded in the piece are her poems about life as an OFW. Her presentation is chronological. She begins with the context and reason for seeking work abroad then she discusses how she has adapted to life in Malaysia while constantly thinking of her family back home and then she talks about her attachment to the young daughter of her employers.

What makes her experience different is the mutual love and respect Beh and the writer have for each other as this may not be the situation most domestic helpers find themselves in. Nonetheless, this particular case goes to show that despite employer-employee relations, which can be harsh at times, it is possible for innate human values to shine through, such as compassion for others and motherly love.

The writer is a performance poet. She sees this as a platform for solidarity with other OFWs in the region. For her, the problem of labor export due to poverty can be solved through self-improvement of individual OFWs and not through structural social change.