Ang pagmulat

2019 Preliminary 菲律賓文初選

📜 Ang pagmulat
👤 Christian Moraña Muñoz

Ang tuluyang pagmulat ng kaisipan at paghanap ng sagot sa aking mga tanong sa sarili at mga bagay-bagay sa mundo ay aking natagpuan sa isang banyagang bansa.
“Wala ng mas hihigit pa sa tuwa at saya na ibinibigay ng pagtuklas at paghanap sa katotohanan.”ito ang mga salita na madalas nabubuo sa aking isipan.
“Ang karunungan ay isang kayamanan na hindi maagaw sa atin ninoman,iyan lang ang maipapamana ko sa inyo mga anak”mga aral na itinuro sa akin ng aking magulang,kahit hindi ko natapos ang aking kursong BSMT dahil sa kakapusan sa pinansiyal noong taong 2006. At ako ay napilitang magtrabaho sa isang pagawaan ng sikat na inumin na prutas sa lungsod ng Pasig ,hindi na ako namili ng magaan o madaling trabaho -dahil wala naman talagang madali na trabaho,hindi ko na din pinairal ang aking pagmamataas ..ang tanging nasa isip ko na lamang ay magkaroon ng hanapbuhay at kumikita para makatulong sa pamilya at balang araw ay nagbabakasakali na makapag-ipon at maipagpatuloy ang kurso ng sa gayon ay may tiket na ako para sa magandang bukas.
Ang kursong marino sa Pilipinas ay pinapangarap ng maraming mga magulang para sa kanilang mga anak dahil sa laki ng sweldo kapag ikaw ay nakapagtrabaho lalo na sa ibang bansa. Malaki ang sweldo dahil malaki din ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ng bawat isang marino,kasama na doon ang napakadelikadong sitwasyon kapag ang inyong barko ay pumalaot na sa gitna ng karagatan ,lalo na kapag may masamang panahon.Naaalala ko ang mga pag-aaral na ginagawa namin noong ako ay isang estudyante pa lamang o kadete kung tawagin,nabubuo na sa aking isipan ang mga maaring mangyari sa akin kung ako ay nandoon na sa sitwasyon bilang isang ganap na marino .Naobserbahan ko kung gaano kadelikado ,sa mga kwentong karanasan pa lamang ng mga instruktor namin tungkol sa hindi pag-iingat sa oras ng trabaho ay maaaring , buhay mo ang nakataya -buhay na walang katumbas na halaga dahil hindi na maibabalik pa kapag ito ay wala na,ang produkto na dadalhin niyo sa ibang panig ng bansa ,maaari ring buhay ng mga kasama mo na nakasampa sa barko dahil sa hindi pagsasagawa ng SOP.
Mayroon pa akong instruktor ,isang dating kapitan ,madami siyang baon na kwentong kalokohan at ang iba ay sa kabilang banda ay kapupulutan mo ng aral na halos parang ikaw na din ang lumagay sa katayuan niya,ramdam ko ang kaniyang mga kwento dahil ito ay sinsero at totoo, kahit patawa-tawa siya kung minsan.
Andiyan ang kwento niya na bawat pier na daungan ng kanilang barko ay mayroon siyang nakikilalang babae(iyon naman pala ay mga babaeng mababa ang lipad) ,kung minsan nakabangka daw ang mga babaeng ito ,mga umaakyat sa kanilang barko para maghanapbuhay(alam niyo na siguro ang trabahong sinasabi ko dito).Marahil kaya niya sinabi ito ay para magsilbing babala para sa aming mga kadete.Mga karanasan na hindi maganda kung sakali mangyari ito sa akin.
Takot ang aking naramdaman lalo na nung makita ko ang isang instruktor na noon nagtrabaho bilang isang ikalawang opisyal sa barko ,dahil ang isang kamay niya ay putol ,putol hanggang bago umabot sa siko na natatakpan naman ng bendang kulay puti.Awa ang aking nadarama pero nakikita ko sa isang marino na katulad niya ang tapang at ako ay humahanga na rin dahil hindi niya kinahiya ang kaniyang sinapit at bagkus nagpapatuloy pa siya magtrabaho, lumaban sa buhay at ikwento o ibahagi sa kaniyang mga estudyante ang kanyang karanasan.
Mayroon din natanggalan ng kaliwang mata,karaniwan ang nabibingi ,bukod pa sa mga pilay at mga malubhang sakit na maaring makuha habang nasa barko,ngunit maari din naman mangyari sa kahit saan at anumang uri ng trabaho basta ang paguusapan ay aksidente at pagiingat.
Nasasabi ko na lamang sa aking sarili na -ito pala ang aming pinaghahandaan kapalit ng malaking sweldo at magandang bukas,lubhang napakamahal na nga ng matrikula bago makapagtapos.Masasabi ko na hindi biro ang pagbabarko.
Habang ako ay nag-aaral lagi ko hinahanap ang sagot sa aking tanong na “bakit ko kailangan mangibang bansa,tutularan ko ba ang aking ama na naghahanap-buhay sa Saudi Arabia mula pa noong taong 1990?” At habang sa paglipas ng panahon unti-unti ko naman nakikita ang tunay na realidad ng buhay sa pilipinas na kapag ikaw ay hindi nakapagtapos sa kolehiyo,mababa ang tiyansa na makasungkit ng maayos at magandang trabaho, at kung sakaling kwalipikado naman ngunit walang padrino sa kumpanyang gusto mo pasukan ay napakaliit ng porsyento na kunin ka nilang empleyado.
Napagtanto ko na tama ang desisyon ng aking ama,kung hindi siya nakipagsapalaran sa gitnang silangan ,marahil hindi kami kakain ng tatlong beses sa isang araw,siguro hanggang ngayon ay nangungupahan pa din kami at walang sariling tahanan,hindi din marahil nakakapasok sa paaralan ,katulad ng ibang kalaro ko noon at ibang kabataan noong panahon ko na marami ang nagbabanat ng buto sa kanilang murang edad upang makatulong sa kanilang mga magulang at mas masaklap isipin ay nagtratrabaho na para may pambili ng pagkain ang kanilang pamilya.Samantalang ako ay pinoproblema ko lamang ay kung ano ang magandang gawin sa buong araw(tipikal na bata ),mahilig ako maglaro sa labas kasama ng mga kaibigan at kung sino ang makilala sa daan,bumili din ng kung anung pagkain na aking makita at naisin.
Masasabi ko na ,ang pagmamahal ng magulang sa anak ay walang katumbas dahil ang mga pangaral nila ay maituturing na isang ginto dahil galing ito sa puso.Andiyan pa nga at naalala ko ang sinabi ng aking ina na “Ayaw ko kayo matulad sa akin kaya nagsusumikap ako ,kahit may trabaho sa ibang bansa ang ama ninyo”.Noong bata pa kasi siya ay tumigil siya sa pagaaral sa edad na walo upang mag-alaga ng kaniyang mga kapatid na maliliit pa habang ang kanyang magulang ay nasa bukid upang magtrabaho.Noong nagaaral siya ay naglalakad siya ng sobrang layo dahil hindi pa uso noon ang transportasyon sa probinsya,kung minsan wala siyang baon na pagkain sa eskwela.Gayunpaman kahit mahirap ang kanilang sitwasyon bilang bata at estudyante gustong gusto niya pa din mag-aral dahil siguro para sa kanya ang pagaaral at paglalaro naman talaga ang dapat na ginagawa ng isang bata sa ganoong edad.Ilan lang iyan sa mga pangaral ng aking ina na aking natatandaan na huwag daw namin maranasan bilang mga bata.
Noong aking kabataan edad pitong taong gulang natatandaan ko na kami ay nakakakain ng masarap na pagkain lalo na kapag naiimbitahan kami sa mga okasyon na pangpamilya sa San Juan mga kamag-anak ng aking ama.
Kung saan nakita ko kakaiba ang pagkain nila,pananamit ,salita at hitsura.. kapag mayroong ipinagdiriwang katulad ng pasko at bagong taon,maging binyag na halos katulad sa mga tradisyunal na pinoy ngunit hindi pa din nawawala ang pagiging intsik nila.Sa kultura at tradisyon nagkaiba lamang ay sa napansin ko noong kami ay kumain sa restoran ,sa malaking bilog na lamesa kami lahat nagsalo-salo at minsan naman pumasyal sa yumaong kamag-anak na intsik,kakaiba ang hitsura ng kanilang puntod ng namayapa.Sila ay mga pilipino na may dalawang tradisyon na sinusunod sa madaling salita.
Naalala ko din nakakapaglaro kami noon ng aking kapatid ng mga ibang laruan na karaniwan sa anak lang ng mga nakakaangat sa buhay ang may kakayahang makabili tulad ng mga laro sa kompyuter gaya ng ATARI ,Family Computer,laruang tautauhan na sikat noon(GI Joe),LEGO at matchbox dahil sa mayroon kaming kapit-bahay noon na mayaman .Mga bagay na sa aking musmos na isipan ay napaisip na mangarap ng malayo at mataas dahil sa mga magagarang laruan na iyon at masaganang buhay ng aking kalaro.
Nag-umpisa ang aking buhay dito sa Taiwan bilang isang manggagawa noong taong 2014, buwan ng Hunyo iyon unang apak ng aking mga paa sa isang banyagang lupain,puno ng pag-asa,ng pangarap,na kahit anung hirap ay tatapusin ang kontrata at siyempre may iuuwing salapi pag-uwi ng aking bansa.Bago pa man ako nagdesisyon magtrabaho dito ay iniisip isip ko muna ito ng mabuti at sa aking pagkakatanda ay nagsimula ako mangarap na makapagtrabaho dito ay noon pang taong 2009 .
Una kinonsidera ko na noong taong 1996 nagtrabaho ang aking ama dito sa Taiwan at maganda naman ang kaniyang kita ,naalala ko nakapag-aral ako noon sa pribadong paaralan na pinapatakbo ng simbahan at nakapagpatayo ng karugtong ng bahay namin na yari sa kongkreto pag-uwi niya galing sa (1) isang taon na kontrata na trabaho sa pagawaan ng pinto.Paguwi niya ay may mga pasalubong siyang tsokolate ,bukod tangi sa lahat ng pasalubong niya ay ang LCD stereo,na ipinagmamalaki ko sa mga kakilala ko sa lugar namin ,kami pa lang kasi ang nagkaroon noon sa lugar namin(hindi sa pagmamayabang).
Pangalawa na aking kinonsidera na maari akong magtrabaho dito ay maganda naman daw ang klima sabi ng tatay ko,hindi katulad sa Saudi na ubod ng init,maganda din daw ang pasweldo kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa.Ligtas at napatunayan ko naman na totoo ito ,nagulat pa ako dahil nung makita at mapansin ko na sa bawat sulok ng kalsada ay may CCTV para sa seguridad at pagbabantay sa mga kaganapan ,na malaki ang naitutulong para sa pagpapalaganap ng kaayusan at kapayapaan .Na hindi ko nakita sa Pinas .
Mas mataas ang uri ng teknolohiya ng Taiwan,iyon na lang ang tanging pumasok sa isip ko.
Ilan sa mga nagpabilib sa akin na mga bagay dito sa Taiwan ay ang gobyerno ng maliit na islang bansa na ito,nararamdaman ko ang kagustuhan ng nito na ibigay ang mga serbisyo at magandang buhay para sa lahat ,hindi lamang sa mga mamamayan nito kundi maging pati sa mga migranteng manggagawa at ibang mga lahi na nakatira dito.
Ako ay humahanga at nalulungkot sa tuwing nakikita ko ang paraan ng mga Taiwanese para mapagaan at mapabilis ang takbo ng buhay para sa ikagiginhawa ng bawat isa.Na sana ay ganito din sa aking bayang sinilangan,hindi ko maiwasan ikumpara.
Halimbawa ay ang sistema ng pampublikong transportasyon ay talagang kahanga-hanga magmula sa simpleng pagaalaga sa mga kalsada at pagpapanatili ng magandang kalagayan nito , maging sa pagiging malinis at maayos nito.
Mga sistema ng batas sa trapiko,mga organisadong pampublikong sasakyan at maging pribado man.
Kung sakali man balang-araw mabigyan ako ng boses at ilagay sa aking kamay ang desisyon para pumili at gumawa ng mga hakbang o batas para maging maayos din at maginhawa ang pampublikong transportasyon doon sa aking bansa ,hindi ako magaatubiling itulad o gayahin ang mabuting palakad ng Taiwan.
Dito ang publiko ay hinihikayat na sumakay sa pampublikong sasakyan dahil sa aking palagay ay mas matipid ito ,praktikal at mas mabilis at ng sa gayon hindi nga naman na kailangan bumili ng kanya-kanyang sasakyan ang bawat isang mamamayan na maaring magdulot ng mabilis na pagsikip ng kalsada.
Ganito na siguro talaga ang isipan ng isang taong katulad ko na malayo sa sariling bayan,natural lang siguro na maikumpara ko ito.
Ang pagsakay sa bus dito sa Taiwan ay may sistema na naaayon para sa ikagiginhawa ng mga mananakay,ito ay nasa oras,may maayos na pagpapatupad.May dalawang paraan ng pagbabayad,ito ay sa pamamagitan ng e-card at salapi na matatagpuan sa unahan ng sasakyan,sa tabi ng drayber at pintuan.
Nasa oras dahil may iskedyul itong sinusunod bawat istasyon.
Mayroon ding libreng sakay ng bus sa mga ibang istasyon.Isa din sa aking napansin ay prayoridad nila na ibigay ang pinakamagandang serbisyo para sa lahat,dahil may pagiingat ang mga nagmamaneho ,(mayroon din naman mabilis magpatakbo ngunit hindi naman madalas nasasangkot at bihirang bihira magkaroon ng aksidente na nasasangkutan ng isang pampublikong transportasyon)may paggalang sa mga pasahero,ang upuan ay para sa matanda,may kasamang bata ,may kapansanan,buntis o nagdadalang tao,kumpleto din ito sa mga gamit para sa ligtas na pagbiyahe at kung sa oras man ng sakuna o aksidente,.Isa sa dahilan kaya minamahal ito ng publiko dito.
Isa rin sa nagustuhan ko ay ang tren dito na may tatlong uri ayon sa bilis at hitsura at serbisyo.Una ang bullet train (HSR) na may pinakamabilis at ang pinakamahal ,mahal ang pamasahe at tiket dahil kaya ka niya dalhin sa isang partikular na lugar tulad ng Taoyuan to Kaohsiung sa loob ng higit isang oras lamang lamang kumpara sa pagsakay sa bus at TRA na tren na aabot ang byahe ng 5 o higit 6 n oras sa parehas na lokasyon.Ang ikalawang tren naman ay ang TRA na kumokonekta sa iba pang riles tulad ng sa HSR at MRT,At ang tren na ito ay mayroong istasyon sa bawat probinsya at malalaking lungsod.Katulad ito ng pambansang kalsada dito na kaya maikot ang kabuuan ng Taiwan gamit ang daang riles.Ito ay pruweba ng pagiging maunlad nito ,dahil naidudugtong niya ang bawat lugar sa iba pang lugar katulad na lamang ng isang tulay na malaki ang kapakinabangan simula pa noong unang panahon.Nagbibigay ito ng kalayaan sa mga tao para sa mabilis at maginhawa na paglalakbay patungo sa mga pampublikong lugar at serbisyo ng pamahalaan at mga magagandang tanawin dito s Taiwan.
At ang huli ay ang MRT na kadalasan ay nasa pinakailalim na kalsada ng siyudad ang daanan o riles nito na talaga namang konbinyente sa mga tao dahil nakadisenyo ito para sa pagbiyahe ng madaming tao na nakatira sa siyudad,sa bilis din ng takbo ng buhay sa siyudad .Umaabot ng 5-10 minuto ang bawat istasyon nito sa mga kasunod na istasyon.ayon sa aking karanasan.
Katulad ng sa bus,ang pagbabayad sa tiket para sa mga tren na ito . Ang pagbili naman ng tiket para s e-card o yoyo kung tawagin ay maaaring pakargahan ng kahit magkanung halaga na pwede din ipampalit sa mga gamit o produkto na maaaring bilihin sa loob ng tindahan tulad ng 7eleven .
Pwede din ibayad ito sa mga taksi na iyong masasakyan na mayroong ganitong uri ng teknolohiya.
Ang mga tindahan tulad ng aking unang nabanggit ay nagkalat sa buong bansa .Na makikita mo halos bawat kanto kapag ikaw ay nasa siyudad na.
Naalala ko noong ako ay abutin ng madaling araw dahil sa aking pinuntahan na palabas ay natapos ng alas dos ng umaga at ako ay wala ng masakyan na bus para makauwi sa aking dorm.Hindi na din kasi sapat ang aking natitirang pera para pambayad sa taksi,lalong hindi na din sapat para umupa ng kwarto sa otel at dahil ako ay lubusang namamahalan sa pagsakay sa taksi.Kaya nagdesisyon ako na magpalipas muna ng umaga hanggang sa oras na may byahe ng ng bus papunta sa aming planta.Ako ay natulog sa loob ng tindahang ito na bukas 24 oras kung saan may mga lamesa at upuan na pwede mo itungo ang iyong ulo o sumandal s upuan upang kahit papaano ay makapagpahinga aa maghapon na pagod.Ito ang pinili ko sapagkat dito ay ligtas at kahit papaano ay malamig hindi ramdam ang alinsangan ng panahon na noon ay tag-init.
Salamat na lamang at noong panahon na iyon ay wala ako sa Pilipinas,dahil sa mga ganitong uri ng establisiyemento kung ikukumpara ay malayo at marami ang pinagkaiba.Doon ay bawal matulog ,at walang palikuran,mga bagay na simple kung iisipin ngunit napakalaki ang naitutulong para sa mga pangyayari na hindi inaasahan katulad ng aking karanasan.
Noon nagkaroon ako ng kaibigan na taiwanese na nagtratrabaho sa 7eleven na katapat ng aking kumpanyang pinapasukan,nakilala ko siya dahil madalas kami nagkakasabay manigarilyo sa labas ng tindahan ,madalas ko din siya panoorin habang naglilinis at nagwawalis ng kalat sa paligid,mga kalat na iniwan ng mga mamimili,mga kostumer na doon nagpapalipas ng oras para uminom ng alak kasama ang mga kakilala at katrabaho .Marahil nagdidiwang ng kaarawan o di kaya ay napagkasunduan lang ,ang iba naman ay tumutungga ng alak karaniwan ay beer para sa gabi o minsan ay umaga na ay hindi madapuan ng antok..siguro sa problema sa pamilya sa pinas o kaya siguro naman ay tungkol sa trabaho at sa amo. Si Erik ang kaibigan ko na lokal na madalas ko tulungan sa pagwawalis ng mga kalat at sabay tanong sa akin ,”hindi ba nila alam gaano kadali ilagay ang kalat sa basurahan at gaano ako nahihirapan kapag ganito kadami ang kalat na iniwan nila?”at nakita ko nga na madami ang kanyang lilinisin,minsan ay may mga hindi kanais nais pa na amoy,karaniwan na tanawin sa isang lugar na may nagiinom at may nalalasing sa alak na halos hindi na makauwi at kung pupuwede ay doon na lamang mahiga at matulog para makapagpahinga dahil hindi na kinaya..At iniwan na din ng mga kasama at hindi din naman pwede ihatid sa loob ng dormitoryo na matatagpuan sa loob ng planta..
“ganito ba ang iyong mga (pinoy) kalahi kapag umiinom ng alak?”sabi ni erik.
Sumagot naman ako ng:”oo ,minsan malala pa diyan,minsan nakikipag-away at nawawala sa sarili dahil sa epekto ng alak sa katawan,
Parehas din naman siguro ng kahit sino sabi ko taiwanese o ibang lahi man kapag nakainom ay iba na ang ikinikilos”.
“Ganyan sila wala tayo magagawa diyan,ang mahalaga hindi sila bayolente “dagdag ko pa.
Madalas namin pagusapan ay ang kaibahan ng aming mga bansa,mga kaugalian,tradisyon,hanggang sa ayaw at gusto at mga pangit at magagandang mga bagay sa pagitan ng bawat bansa,tungkol sa edukasyon,pagtarabaho,sa pagaasawa,buhay at realidad sa Taiwan.Mga plano sa hinaharap na parating tulad ng – ano ang susunod na magiging trabaho,mga laro sa kompyuter na inaabangan,mga magagandang pasyalan,magandang pakinggan na musika.
Malaking bagay ang marunong kami magsalita at makaintindi kahit papaano ng salitang ingles,dahil ito ang naging komunikasyon namin na kung minsan ay hindi magkaintindihan dahil hirap ako noon makaunawa ng mandarin at hindi din naman siya gaanong pamilyar sa salitang ingles.
Naalala ko binibigyan niya ako ng isang kaha ng sigarilyo na katulad ng sa kanya,inaabutan ng kape at pagkain na mula sa tindahan,biniro ko pa na baka matanggal siya sa trabaho?Madalas ito mangyari sa tuwing umiistambay ako sa tindahan niya lalo na at kapag walang gaanong kostumer .
Halos maglilimang taon na ako dito sa magmula noong taong 2014 Mayo iyon at tag-init ,doon sa una kong kumpanya sa may Annan industrial park ang mga manggagawa na kasama ko doon ay binubuo ng Taiwanese,indonesian at kami mga pinoy,doon ko naobserbahan na ang ibang kababayan ay tumagal na ng anim na taon ang iba ay siyam na taon sa trabaho pero ang kakayahan nila magsalita ng mandarin ay nasa mababa pa din na antas ,nasabi ko sa sarili ko na -kapag may pagkakataon na matuto ako at makapag-aral ng salita nila ay hindi ako magiging katulad nila,na sa tuwing kakausapin ay kailangan pa muna ipatawag ang tagapagsalin ng wika sa amin,.kahit sa oras ng trabaho.Dahil naniniwala ako na ang komunikasyon ay lubos na napakahalaga lalo na sa trabaho,katulad ng aming sitwasyon noon ay nahihirapan ang aming lider at tagapangasiwa na makuha ang target na trabaho na dapat magawa at matapos kada araw.Bukod pa doon ang dapat sana ang masusing pagpapaliwanag sa amin sa mga bagay tungkol sa aming ginagawa dahil ito ay mayroong teknikalidad at maselan ang produkto na aming ginagawa.
Madalas ang resulta ay hindi namin naaabot ang kota,dahil sa pagkakamali na aming nagagawa.Naalala ko isang araw,puro mura ang inabot ko sa aking lider sa linya(salitang tai-gi ang mura) ,nakita ko ang reaksyon ng mukha niya na masasabi ko na talagang galit dahil nag-iba ang pinta ng kanyang mukha,siguro sa sobrang dami na ng aking nagawa tapos ay hindi ko napansin na may sira pala ang lahat ng gawa na nangggaling sa aking makina na pinapaandar at binabantayan.
Maraming masakit na alaala at mga hindi nakakalimutan,isa na diyan ang mga masasayang bagay at gawain na doon lang nangyari at minsan ay binabalik-balikan na lang ng aking alaala.Mga karanasan tulad ng pamimili sa palengke lulan ng bisikleta,kasama ang mga kasama sa kwarto upang magluto,at makatikim naman ng pagkaing pinoy na madalang namin matikman.mamamasyal at maliligo sa pinakamalapit na dagat mula sa aming planta.Naranasan ko paano maglinis ng katawan ng alimango na malalaki,pati ang pangsipit ay malaki na nakakatakot at baka ako ay maipit kung sakaling mapigtas ang mga galamay nito sa pagkakatali,naranasan ko din mag hiwa at maglinis ng karneng manok habang nagtitinda sa palengke dito na sa pilipinas ay hindi ko kailanman nagawa..
Ito ay dahil sa paghahanap ko ng dagdag kita habang ako ay walang ginagawa sa araw na wala akong pasok.Bawal ito sa batas ng Taiwan ngunit mas nangibabaw ang kagustuhan na kumita para mayroon maipadala sa pamilya sa pinas.Naranasan ko din magturo ng gitara sa mga naguumpisa pa lamang at gusto matuto tumugtog ng gitara.
Ilan pa diyan sa aking karanasan ay ang maglinis ng paliguan at paligid ng aming dormitoryo sa halagang 3000 kada buwan.
At Maghakot at mag-ayos ng malaking bodega ng mga papel dahil nagulo ito pagkatapos ng isang malakas na lindol noon na tumama sa timog na bahagi ng bansa .

Listahan ng mga bagay o pangyayari na sa Taiwan ko lamang unang nagawa o naranasan:
1.tumugtog sa pampublikong lugar at kumita ng 300 NT sa loob ng 2 oras na pagkanta at pagigitara.
2.sumakay sa roller coaster
3.sumali sa karera sa pagtakbo
4.magbisikleta lagpas 180 kilometro ang distansya na napuntahan (magbisikleta sa kalsada na para sa mga matutulin na sasakyan)
5.magkaroon ng mga kaibigan na nagmula sa ibang lahi.
6.mag-aral ng magsalita at magsulat ng ibang lenguwahe
7.maging miyembro ng isang tumutugtog na banda
8.sumakay at magmaneho ng nirentahang motorsiklo at walang lisensiya sa pagmamaneho.
9.magkaroon ng kasintahan na ibang lahi (indonesian)
10.sobrang lamig na panahon
11.maglaro ng football at
At marami pang iba ,kaya malaki ang aking respeto sa mga taiwanese dahil ako ay lubos na humahanga sa mga bagay at katangian nila bilang isang mamamayan at isang bansa.
Maraming mga bagay ang aking nagustuhan dito sa Taiwan bukod sa mga pagkain na masasarap,sila ay bukod sa mga matulungin na ay magagandang tao din,may mga magagandang tanawin,maunlad na pamumuhay,magandang klima at panahon,masaya at buhay na buhay na mga lungsod,ngunit tahimik naman sa kabilang banda sa mga nayon,at syempre puno ng oportunidad para sa mga nagsusumikap at gusto umunlad sa buhay.
Ito ang mga alaala na aking naipon habang nandito sa isang banyagang bansa .Lugar na naging malapit na sa aking puso
dahil sa mga karanasan at mga magagandang alaala na ibinahagi nito sa akin .
Alam ko magiging kwento ko ito pagdating ng araw sa mga taong nais malaman at maranasan ang aking buhay, kahit sa sandaling panahon lamang ng aking pagsasalaysay.Katulad ng aking mga guro sa Kolehiyo,tulad ng aking ina na mga nagbahagi ng parte ng kanilang buhay at naging karanasan upang magkaroon ng kamulatan ang isang taong gustong matuto na kagaya ko, o kahit papaano ay magkaroon ng ideya kung papaano haharap sa buhay.

📝  Komento mula sa tagasuri|Ima Ariate

The short story is written by a son of an OFW who worked in Saudi Arabia. It gives the piece an intergenerational context. Along with this context, readers can glean that the dire situation his father faced as a breadwinner is more or less the same as he matured and eventually decided to find work in another country. His father’s occupation seemed to have had a lasting influence on his life decisions, including his college education and training to become a seaman. In this part of his narrative, the readers are given a slice-of-life as to the dangers seamen encounter while at sea. He explains that seamen have high salaries because of its occupational hazards.

While he did not continue to be a seaman by profession, his decision to work in Taiwan was also informed by his father’s experience. His life in Taiwan was described vividly including the friendships formed, what it means to be in an assembly line (including being subject to harsh criticism from supervisors if expectations are not met), and the efforts exerted to earn more money outside his own salary.

Mistakes with spacing and punctuation were observed throughout the text. These, however, did not undermine the compelling narrative of his life as an OFW in Taiwan.