Pagbabalik tanaw sa Pinagmulan

2019 Preliminary 菲律賓文初選

📜 Pagbabalik tanaw sa Pinagmulan
👤 Julie Anne V. Del Rosario

Pagtilaok ng manok ang kanyang tagagising,
Sa mga pagtulog na mababaw at hindi gaanong mahimbing,
Gawaing kay bigat, hindi inalintana ang kahirapan,
Sapagkat ama kang pinamumulan ng tatag at lakas.

May bitak at tigang na lupa’y diniligan at pinatubigan,
Upang hindi magtingkal-tingkal at nang ang pagkayod ay gumaan,
Sa higpit at tatag ng hawak sa ararong sadyang tinaliman,
Matugaygay lamang ang may guhit at pinitakan.

Sa mataas at tirik na araw , saglit na mangungubli,
Sumbrero at pantrabahong damit ay sadyang may tagpi,
Sa kubu-kubuhan na kanyang inatipan at inambian,
Kapeng -binusa ang sumayad sa kasikmuraan.

Kalabaw na malakas ay kanya ring pinahimpil,
Sa koral nitong tahanan upang pagod ay saglit matigil,
Sa damong paragis , nguya nito ay may gigil,
Sa pagnamnam at pagkatas , malaking mga ngipin ay gumigitil.

Lupang inararo ay may kasunod pang daranasin,
Dukhang magsasaka at alaga ay muling may babagtasin,
Lugar na pinalambot kanila namang agad ay susuyurin,
Malalim at gabuntong-hininga itinuloy upang lupa’y linangin.

Kinapal na kamay na may kalyo na ‘di mabilang,
Nagpaltos na rin ngunit hindi pa rin nagsaalang-alang,
Sa tuloy na paghila ng kalabaw, mga yapak minsa’y nalinlang,
Ngunit tumibay sa pagkakabaon sa putikang lupa na hindi na tigang.

Binhi na ibinabad at isinaboy sa sinukatang punlaan,
Inalagaang maiigi at pinasigla ang tubo at katawan,
Bibigkisin ng pagal na mga kamay , ilalagak sa may taniman,
Sa lipat-tanim ng mga katuwang, pinantay , sadyang hindi biruan.

Dumaang mga araw , linggo at mga buwan,
Makitid na pilapil ay ang katugaygayan,
Sa pagpapatubig ng pinitak ay kailangan niyang bantayan,
Malinis na daloy ng tubig na may katabangan.

Hindi biro ang puhunan ng abang magsasaka,
Mabuhay lamang ang alagang si Bathala ang may bahala,
Hangin, araw, tubig at saka pataba.
Magandang bunga ng tanim na palay ay uusbong ang pag-asa.

Sa pagbubuntis ng bawat butil ng palay,
Panuntunan ni ama noong siya ay nabubuhay,
Palay ay parisan habang nagkakalama’y yumuyukod at nagpupugay,
Katotohanang bitbit ng kanyang mga anak hanggang sa kasalukuyan.

Yaring paggapas at pag-ani ay tutugaygayan ,
Nang may galak at ngiti ng ilaw ng tahanan,
Mga anak na umaasang may salapi na sa bayaran,
Sa pag-aaral nilang inutang, mayroon ng katumbasan.

Alipin ng araw at putik ang buhay,
Pawis ang puhunang dugo ang kakulay;
Nagpaltos ang palad sa pagsaka ng palay,
Sa kalbaryo ng bukid doon na naratay.

Butil na pagkain ikaw’y ang naghatid,
Sa hapag ng madlang palad ay di marungis,
Sangdakot na kita’y kapos pang ihahatid,
Sa tahanang umaasa,buhay may mapatid.

Ararong kalawangin,sya mong kaagapay,
Kalabaw na kasangga,magdamag mong karamay,
Sa pagbungkal ng lupa,inuusal-usal
Na buhay ay maiahon,ginhawa ay dumatal.

Ang buhay ng tao ay sadyang kaybilis,
Tulad ng oras na lumilipas at tumatalilis,
Mga alaala ng kahapon tunay na hindi maiaalis,
Gumagabay sa kasakuyang kalakip ay ligayang bunga ng pagtitiis.