DIPLOMA

2019 Preliminary 菲律賓文初選

📜 DIPLOMA
👤 Niezl Manuzon Cadavido

Maaga pa lamang ay abala na si Aling Rosa sa kusina upang ihanda ang agahan ng kanyang dalawang anak. Sinangag na kanin, pritong itlog, pritong isda, ginisang gulay at mainit na kape ang nakahain sa maliit at lumang lamesang kahoy. Espesyal sa kanila ang araw na ito sapagkat ito ang araw na luluwas ang kanyang panganay na anak sa Maynila upang doon mag aral ng kolehiyo. Isa kasi ang anak nya sa maswerteng nabigyan ng pagkakataon na libreng makapag aral sa isang kilalang Unibersidad sa Maynila. Payak at tahimik ang kanilang pamumuhay sa isang barangay sa probinsya ng Bikol. Nakatira sila sa isang maliit na kubo sa paanan ng burol na napapaligiran ng mga puno at kabukiran. Sariwa ang simoy ng hangin at huni ng ibon ang maririnig sa maghapon, tunog naman ng kuliglig ang maririnig pagsapit ng gabi. Maliit pa lamang ang mga anak ni Aling Rosa nang pumanaw ang kanyang asawa dahil sa isang karamdaman na tanging albularyo lamang ang kanilang nalapitan dahil malayo ang pagamutan sa kanilang lugar kaya di natukoy ang dahilan ng kanyang pagkamatay.
“Lina, bumangon ka na diyan at baka maiwan ka ng bus”, wika ni Aling Rosa upang magising ang kanyang anak. Dahan dahang nag inat si Lina nang marinig ang tawag ng ina, sa pagdilat ng kanyang mga mata nakita nya ang kanyang bunsong kapatid na si Rico na mahimbing na natutulog habang nakayakap pa sa unan. Si Rico ay nasa ikaapat na baytang sa elementarya at sa murang edad ay tumutulong na sa mga gawain sa bukid sa kanyang ina tuwing walang pasok sa eskwela.
“Rico, gising na, ihatid mo si Ate sa sakayan ng bus”, marahang wika ni Lina habang tinatapik sa balikat ang bata.
Nang marinig ni Rico ang kanyang ate ay dali dali itong bumangon at sumilip sa bintana upang tingnan kung maliwanag na. “Ngayon kana ba aalis Ate?”,tanong ng bagong gising na si Rico.
“Oo bunso kaya ikaw muna ang bahala sa Inay, huwag mong pasasakitin ang ulo nya sa kakulitan mo”, pabirong sagot ni Lina.
Masayang nag almusal ang mag iina punong puno ng pangarap ang kanilang kwentuhan. “O sya bilisan nyo na dyan at magsigayak na kayo,” utos ni Aling Rosa sa magkapatid. “ Opo”, mabilis naman nilang tugon habang nagliligpit ng kanilang pinagkainan.
“Mag iingat ka sa Maynila,Anak”, mahinang wika ni Aling Rosa habang nangingilid ang luha sa mga mata. Maya maya pa ay natanawan na nila ang paparating na bus. “Opo Inay, huwag nyo po akong alalahanin, mag aaral po akong mabuti para balang araw magkaroon kayo ng anak na Nurse at hindi nyo na kailangang magtrabaho sa bukid. At ikaw naman Rico makakapag aral ka din sa kolehiyo basta wag masyado makulit ha?”, sabi ni Lina sabay gulo sa buhok ng kapatid. “Naku Ate, siguradong mamimiss mo ako dun”, makulit na sagot ni Rico.
Nakangiting pinagmamasdan ni Aling Rosa ang mga anak. Bakas sa kanyang mukha ang saya at pag aalala sapagkat noon lamang mapapalayo sa kanya ang anak. Niyakap nya ito ng mahigpit habang papalapit ang bus. “Paalam Inay, paalam Rico mag iingat kayo parate at wag masyado magpapagod ha?”, bilin ni Lina bago tuluyang umalis ang sinasakyang bus. Habang papalayo ang sasakyan matyagang nakatanaw at patuloy sa pagkaway sina Aling Rosa at Rico.
Namangha si Lina sa mga matataas na gusali, maraming sasakyan at maraming tao sa Maynila. Lahat ay nagmamadali at tila nag uunahan. Malayong malayo sa mundong kanyang kinalakihan ang bagong lugar na kanyang gagalawan. “ Wow, eto pala ang Maynila”, nasambit niya sa sarili. Pumara siya ng taxi at ipinakita ang maliit na papel kung saan nakasulat ang lugar na kanyang tutuluyan habang nasa siyudad. Tumigil ang kanyang sinasakyan sa isang apat na palapag na dormitoryo na pawang puro estudyante ang nakatira. Kasama sa kanyang libreng pag aaral ang libreng tirahan at mga libro subalit batid nya na malaki pa din ang kanyang gastusin sa pang araw araw kaya’t lalo siyang nagpursige na makatapos para sa kanyang ina at kapatid na naiwan sa probinsya.
“Magandang araw po,” wika ni Lina sa isang babaeng nagdidilig ng halaman sa gilid ng pintuan, bakas sa mukha ng ginang ang pagkamasungit at istrikta. Nakasimangot ito at tila di masaya sa kanyang pagdating. “Ako po si Lina ang bagong mangungupahan dito”. Bahagyang lumingon matandang babae sabay sabi “Ako si Tita Mila ang katiwala dito, halika sumunod ka sa akin at ituturo ko sa iyo ang iyong magiging kwarto”. Habang paakyat sa ikatlong palapag ay isa isang sinasabi ng katiwala ang mga patakaran at mga bawal sa loob ng dormitoryo. Bukod pa ang mga paalalang nakadikit sa bawat sulok ng bahay. At nakarating nga sila sa isang silid na malapit sa hagdanan, ipinakilala ng ginang si Lina sa mga makakasama nya sa kwarto. Kapansin pansin na tila walang pakialam ang dalawa nyang bagong kasama sa kwarto na hindi man lang sya pinagaksayahan ng panahon upang lingunin. Isang babae naman ang lumapit sa kanya at itinuro kung saan niya ilalagay ang gamit niya at kung saan ang higaan nya.
“Isang probinsyana na naman ang naligaw sa siyudad”, kunwari ay pabulong ng isang babae sa kausap nito sabay tawa ng mahina at may pang aasar.
“ Huwag mo nalang sila pansinin, ako nga pala si Aileen probinsyana din tubong Quezon”, sabay ngiti sa kanya. “Ako naman si Lina, taga Bikol “, matipid niyang sagot.
“ Ayusin mo na ang gamit mo bukas sabay tayo papunta sa Unibersidad, magpahinga ka ng maaga alam kong pagod ka sa byahe,” wika ni Aileen.
Kinabukasan maagang naghanda sina Lina at Aileen upang pumasok. Ito ang unang araw ni Lina sa paaralan kaya’t kinakabahan pa siya, si Aileen naman ay nasa ikaapat at huling taon na sa kolehiyo. Hindi makapaniwala si Lina na isa na siyang estudyante ng isang kilalang Unibersidad sa Maynila. Malawak ang paaralan at mataas ang mga gusali libo libo ang mga estudyante at karamihan sa kanila ay nagmula sa mayamang pamilya.
“Wow”, nasambit ni Lina
Napangiti si Aileen “ Naku ganyan din ang reaksyon ko nung unang araw ko dito, malayong malayo sa paaralan sa probinsya ano ?”, pabirong wika niya.
“Dito ang gusali ninyo. Basta pag may kailangan ka hanapin mo lang ako doon sa katapat na gusali pangalawang silid mula sa hagdanan”, pamamaalam ni Aileen. Tumango si Lina at sabik na hinanap ang kanyang silid aralan.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Naging magaan ang bawat araw sa kanya sapagkat ginagabayan siya ng kanyang kaibigan na si Aileen. Natapos ang unang taon nya sa Unibersidad. Magkahalong emosyon ang kanyang nararamdaman, masaya sapagkat natapos na niya ang unang taon tatlong taon nalang at maiaalay na nya ang kanyang diploma sa kanyang ina at dahil bakasyon na makakauwi na sya ng probinsya upang maikwento sa kapatid nya ang itsura ng Maynila. Subalit malungkot din sya dahil magkakahiwalay na sila ng kanyang kaibigan, masaya sya para dito sapagkat nakapagtapos na ito subalit malungkot din dahil mamimiss nya ito.
Masayang masaya si Rico sa pagkain ng mga kendi na pasalubong ng kanyang Ate Lina habang nakikinig sa mga kwento nito. Bakas sa kanya ang pagkamangha at pagnanais na makita din ang mga bagay na sinasabi ng Ate nya. “Kaya mag aral ka mabuti Rico dahil kapag nurse na ako mag aaral ka din doon at makikita mo lahat ng ikinukwento ko”, ani Lina sa kapatid.
Sa kanyang muling pagbalik sa Maynila, ito na ang ikalawang taon nya sa kolehiyo. Madami na din syang bagong kaibigan at tulad ng nakaraang taon pinagbuti nya ang kanyang pag aaral. Sa pagtatapos ng taon na ito isa na naman si Lina sa mga nangunguna sa kanilang klase. Mataas na marka na naman ang pasalubong nya sa kanyang ina. Mabilis na lumipas ang panahon at malapit na niyang makuha ang isang pirasong papel na pangarap nyang maiuwi sa probinsya at mailagay sa kanilang dingding at magiging susi upang maiahon niya ang kanyang ina at kapatid sa kahirapan.
Matapos ang muling bakasyon ni Lina maaga siyang lumuwas ng Maynila upang maghanda sa susunod na pasukan. Ito na ang kanyang ikatlong taon sa Unibersidad. Nang umuwi sya sa dormitoryo nadatnan nya ang kanyang mga kasama sa kwarto sina Rissa at Anna na nakasuot ng magagara at maikling damit. Namumula ang mga labi,rosas ang pisngi, mahaba ang pilik mata at tila may kakaibang kulay ang mga mata nila. Para siyang nakakita ng mga artista sa telebisyon, namangha siya sa ayos ng dalawa.
“Gusto mong sumama, tara magsaya tayo bago magsimula ang pasukan”, aya ng dalawa kay Lina.
“ Na…naku wag nalang kayo nalang”, sagot ni Lina na nabubulol pa, bakas sa kanya ang pagnananais na makasama subalit batid nya na malaki ang gastos sa mga ganung lugar.
Nagkatinginan sina Rissa at Anna sabay na tila may hindi magandang naiisip “Sige magbihis ka kami bahala sa gastos, sagot ka namin”, sabi ni Rissa. “Matagal na tayong magkakasama pero di ka pa namin nakakasamang lumabas” sulsol pa ni Anna.
Hindi na napigilan ni Lina ang sarili. Nais din niyang malaman ang itsura ng Maynila kapag gabi. Dali dali syang nagbihis. Maong na maluwag, at bulaklakin na polo at pangmatandang sandals ang suot nya. “Tara na”, wika nya.
“Ew, ano ba yang suot mo, damit yata ng nanay mo yang nadala mo”, panunuksong sabi ni Rissa.
“Heto yan ang isuot mo”, sabay hagis ni Anna ng isang pulang damit na halos labas na ang likod at isang maikling puting palda.
“Sigurado ba kayo,” tila nag aalinlangang tugon ni Lina.
“Basta kami ang bahala sa yo maganda yan”, wika ni Anna.
Matapos magbilis ay inayusan ni Rissa si Lina, nilagyan ng lipstick at kolorete ang mukha. “O ayan tapos na tingin ka sa salamin”, ani Rissa.
Nagulat si Lina nang makita ang sarili sa salamin. Isang matangkad at balingkinitang dalaga ang nakita nya. Matangos ang ilong, bilugan ang mata na lalong gumanda dahil sa pampahaba ng pilik na inilagay ni Rissa, mamula mula ang kanyang labi at bumagay ang kanyang bahagyang kulot na buhok sa hugis ng kanyang mukha. Di maipagkakaila na nagustuhan ni Lina ang kanyang nakita. Sumagi sa isip niya na sana pala noon pa siya nakipagkaibigan sa dalawa kung alam nya na magiging ganun siya kaganda.
Naging madalas ang pagsama ni Lina kina Rissa at Anna. Marami ang pumuri sa kanya sa kanyang bagong itsura. Natuto syang bumarkada at uminom ng alak, natututo din syang magsigarilyo at naging madalas na suki ng mga diskuhan. Dumadating pa sa punto na humihingi siya ng pera sa kanyang Ina na gagamitin sa eskwelahan subalit ginagamit lang niya sa kanyang bisyo at pagbarkada. Dumaan ang bakasyon subalit hindi siya umuwi ng probinsya mas pinili nyang makasama ang barkada kaysa sa kanyang inang naghihintay at sa kapatid nyang sabik sa mga kwento nya. Ang buong akala ni Aling Rosa ay abala ang kanyang anak sa mga gawain sa paaralan tulad ng paalam nya sa ina. Lingid sa kaalaman ng ina na may ibang pinagkakabalahan ang kanyang anak. Patuloy ang pagtitipid at pagtatrabaho nila sa probinsya para pantustos sa gastusin ni Lina sa Maynila.Sa murang edad ni Rico ay puspusan din ang pagtulong niya sa kanyang ina upang kumita ng pera. Lubos ang pagsisikap ng mag ina dahil konting panahon na lamang ay makakatapos na sa pag aaral si Lina. Magkakaroon na sila ng nurse sa pamilya.Minsan napapanaginipan na ni Rico ang ate niya na nakasuot ng puting uniporme na gumagamot ng mga may sakit sa isang ospital katulong ng doktor.
Mabilis lumipas ang panahon si Aling Rosa ay tumatanda na. Marami na siyang iniindang karamdaman subalit ayaw itong ipaalam kay Lina upang hindi ito mag alala. “ Wag mo sasabihin sa Ate mo, hintayin nalang natin siyang makauwi,” bilin ni Aling Rosa sa anak. Tumango lamang si Rico sapagkat alam nya na kapag nurse na ang ate ay magagamot neto ang ano mang karamdaman ng kanilang ina.
Dumating na ang taon na pinakahihintay nina Aling Rosa at Rico. Ang huling taon ng pag aaral ni Lina sa Maynila, ang huling taon na magkakasama na silang tatlo. Magiging isang ganap na nurse na si Lina at magagamot na nito ang kanilang ina ang nasa isip ng batang si Rico.
“Inay, Inay”, nagmamadaling tumatakbo si Rico pauwi ng bahay. “May telegrama po galing Maynila, subalit hindi galing kay ate”,. Iika ikang lumabas ng bahay si Aling Rosa na masakit ang tuhod dahil sa rayuma.
“Inay si Ate po kailangan nating puntahan sa Maynila”, gulat na wika ni Rico.
“Bakit ano ba ang nangyari sa Ate mo?”, nag aalalang pag uusisa ng matanda.
“Nasa Ospital daw po”, maluha luha ng sagot ni Rico.
Nagmamadaling gumayak ang mag ina. Binutas ni Rico ang kanyang alkansya na inipon niya upang ipambili ng regalo sa pagtatapos sa kolehiyo kanyang kapatid, si Aling Rosa naman ay ibinenta ang alagang baboy upang magkaroon ng perang pamasahe papuntang Maynila. Nagmamadali sila upang hindi maiwan ng huling byahe ng bus.May baon silang kanin, nilagang itlog at tubig para sa mahabang byahe.
“Diyos ko ang anak ko”, bulalas ni Aling Rosa nang makita ang anak na nakahiga sa isang ospital, payat, lubog ang mata, may mga pasa at galos sa mukha at braso. Sa tabi ng higaan ay may isang babaeng nakatayo at umiiyak din.
“Nay, ako po pala si Aileen, kaibigan ni Lina,” wika niya.
“ Anong nangyari sa anak ko ineng? “ pagtatabong ni Aling Rosa.
“Tinawagan po ako ng pulis, nakasalubong daw nila si Lina sa daan tumatakbo dahil may humahabol sa kanyang mga lalaki, lasing din daw po si Lina nung gabing yun. May mga kasama din daw po sya pero iniwan sya dahil di nya kayang tumakbo. Nakita po nila ang numero ko sa gamit nila Lina dahil nagkita po kami nun, kinausap ko sya dahil nababalitaan ko nga po na napapabarkada na siya”,paliwanag ni Aileen. “Sabi po ng doktor maayos na siya at kailangan nalang magpahinga at magpagaling ng mga sugat nya”.
“Maraming salamat sa tulong mo, Iha”,Iyon lamang ang nabigkas ni Aling Rosa sapagkat masyado syang nabigla sa mga pangyayari. Bagamat ligtas na si Lina ay inaalala din nya ang malaking bayarin sa pagamutan. Tatlong libong piso lamang at ilang barya na nakabalot sa panyo ang laman ng kanyang bulsa kasama ang isang rosaryo.
Batid ni Aileen ang gumugulo sa isip ng matanda kaya hinawakan nya ito sa kamay “ Huwag nyo na po alalahanin ang bayadin sa ospital Nay, ako na po ang bahala”, nakangiting wika nya.
“Maraming salamat, iha, hulog ka ng langit sa amin,” wika ni Aling Rosa.
Kinaumagahan pagmulat ng mata ni Lina, isang kulubot at maraming kalyong kamay ang nakahawak sa kanya, maputi ang buhok nito at nakatulog na pagbabantay sa kanya sa gilid ng kanyang kama. Biglang bumukas ang pinto isang payat na batang lalaki na nasunog na ang balat sa sikat ng araw ang pumasok sa pinto, kupas na ang damit na suot nito at bakas sa mukha ang saya nang makitang gising na siya.
“Gising na si ate”, masayang wika nito.
Marahang gumalaw ang matandang nakahawak sa kanyang kamay. Nagulat sya sapagkat medyo matagal din na panagon na di nya nakita ang kanyang ina. Dumami na ang kulubot nito sa mukha, maputi na ang buhok, payat at bakas sa mukha ang pagod at hirap. Hindi din makalakad ng maayos ang matanda ng dahil sa rayuma. Natauhan si Lina sa nakita. Hindi nya namalayan tumanda na pala lalo ang kanyang ina. Hindi sya nakapagsalita bagkus naramdaman nya ang mga luhang nag uunahan kumawala sa kanyang mga mata.
“Patawad po, patawad po….”, paulit ulit nyang sambit habang yakap ang kanyang ina at kapatid.
“Salamat sa Diyos”, wika ni Aling Rosa habang mahigpit na yakap ang mga anak.
“Maraming salamat, Aileen”, nakangiting wika ni Lina sa kaibigan.
“Pangako Nay pag uwi ko sa atin dala ko na po ang aking diploma at ako naman ang magtatrabaho para sa ating tatlo”, sabi ni Lina habang mahigpit na hawak ang kamay ng ina at kapatid.
Dumating ang araw ng pasukan.Nagulat ang lahat sa muling pagbabalik ng dating Lina, isang simple at mahusay na mag aaral. Iniwasan na nya ang pagsama kina Rissa at Anna.
Nag aral ng mabuti si Lina at nagtatrabaho naman sa tindahang malapit sa Unibersidad kapag Sabado at Linggo upang pandagdag sa kaniyang panggastos . “Konting tiis nalang makakapagtapos na ako mapapalitan na ang pagod at hirap nina Inay at Rico”, wika ni Lina sa sarili. Ginawa nya itong inspirasyon upang makapagtapos ng pag aaral.
Dumating na ang araw na ng pagtatapos ni Lina. Nagtaka sya kung bakit hindi dumating ang kanyang ina at kapatid samantala sumulat ang mga ito na makakadalo sila. Mas espesyal ang araw na ito kesa sa unang araw nya papuntang Maynila. Marahil wala lang silang nakuhang pamasahe yun nalang ang inisip ni Lina. Nagmamadaling umuwi si Lina sa probinsya matapos ang programa saa paaralan. Nananabik syang ipakita sa ina at kapatid ang kanyang diploma.
Habang papalapit napansin ni Lina na madaming tao at maraming ilaw sa kanilang bahay. May habong na tolda pa sa labas. Inisip ni Lina na marahil ay naghanda ng sorpresa ang kanyang ina at kapatid. Marahil nagluto ang kanyang ina ng paborito nyang sopas at pansit bilang pagdiriwang ng kanyang pagtatapos. Lalong bumilis ang kanyang paglakad, lalo nyang ninais na makita ng ina ang kanyang diploma. Subalit habang lalo syang lumalapit bigla syang kinabahan, mukhang mali ang kanyang akala. Bumilis ang kabog ng kanyang dibdib at nakompirma nga nya, maraming bulaklak ang nakapaligid sa kanyang ina habang nakahiga sa isang puting kahon. Nakaupo sa tabi ng kahon ang kanyang kapatid na namamaga ang mata kakaiyak.
“Ate, si Inay. Iniwan na tayo ni Inay”, muling napahagulhol si Rico sabay yakap sa kapatid. “Nagpatahi pa sya ng puting bestida para sa iyong pagtatapos, pero di na nya naisuot papuntang Maynila”.
Napahagulhol ng iyak si Lina.
“ Nurse na po ako. Maalagaan na ko na po sana kayo, pero bakit po di nyo ako nahintay? Bakit di ko namalayan na tumatanda na pala kayo? Patawad po kung sinayang ko ang pagkakataon na makasama kayo sa halip mas pinili ko ang barkada ko. Patawad po kung minsan nabigo ko kayo. Kung maibabalik ko lang ang mga panahon sana mas naalagaan ko kayo. Patawad po Inay, … Eto na po ang diploma ko. Para po sa inyo ito sayang di nyo man lang nasilayan”, wika ni Lina habang tumutulo ang luha sa pisngi at puno ng panghihinayang.

📝  Komento mula sa tagasuri|Amiel Pascual

A beautifully-written story about how a young woman decided to leave her family to pursue her dream that would bring them out of poverty. She lost her way but was able to get back because of her mother’s unconditional love. In the end she was able to obtain her pass to success but her mother died before even seeing her diploma.