BAGAHE

2019 Preliminary 菲律賓文初選

📜 BAGAHE
👤 Raymond C. Latina

Gumagabi nanaman, malapit ng matapos ang nakakapagod na buong araw na pagtatrabaho. Maya-maya ay kanya-kanyang suot ng jacket at bitbit na gamit, tapos mag-uunahan na para bang marathon ang labanan. Mauna na ako. Bilisan mo! Kelangan nating mauna sa paradahan ng jeep. Sasabihin sayo ng kasama mo habang unti-unting lumalayo. At nang akoy dumating sa pila, ilang tao na ang agwat namin. Sigurado sa susunod na jeep na ako makakasakay neto.Naku! Umaambon, huwag sana lumakas. Gagamitin ko na lang itong panyo pantakip sa ulo ko.
Matapos ang tatlumpong minutong pag-aantay at isang oras na byahe, sa wakas nakarating narin sa bahay. Pagbukas ko ng pinto, sasalubong si bunso. “Yehey Kuya! Nay nandito na si kuya.” Sumilip si nanay. “Sabi na nga ba, basang-basa ka nanaman oh hetong tuwalya.” Sa kanyang pag-abot, nakita ko ang pagod sa kanyang mga mata. Napansin ko rin ang bula sa kanyang kamay patungo sa kanyang siko. “Gabi na Nay, ba’t naglalaba ka pa? matutuyo pa ba yan? Umuulan pa.” tanong ko kay nanay. “kinukusot ko lng tong kay Aling Rosing ,malapit narin akong matapos, bukas ko narin ito itutuloy “tugon naman nya. ” Bunso, kunin mo nga yong washing machine natin. Nailagay ko ata sa loob ng aparador” pabirong nasambit ko umaasa na maibsan ang pagod ni nanay. “Loko-loko ka talaga. Oh siya at kumain kana. May payong naman diyan ba’t hindi mo dinadala.” Palambing na sermon ni nanay .” Para lang po dito kasi yang payong, walang gagamitin si bunsoy eh ” Sabay ngiti kay bunso na hawak-hawak ang aking tsinelas “Hayaan po ninyo at ako’y bibili ng sarili kong payong pagdating ng sahod”. Dugtong ko pa habang pinipisil ang malambot na pisngi ni bunso. Naisip ko rin na kung malaki-laki lang sahod ko, tiyak na hindi na tatanggap si nanay ng labada.
Napakababa talaga ng sahod pag sa probinsya .Paano kaya kapag napatupad ang Federalismo?, Katulad na kaya sa manila ang sahod. “Kuya heto tsinelas mo.” Abot naman ni bunso. “napakabait naman talaga ng bunso namin. Nasaan pala ang ate mo?” nakangiting tanong ko sa kanya. “Nasa kwarto po, pinapatulog si potpot” Sabay turo sa kurtina na tumatakip sa pintuan ng kwarto. Si Potpot ay aking anim na buwang gulang na pamangkin. Anak ni Tricia, pangalawa sa aming magkakapatid. Isang dalagang ina. Dahil sa nangyari, hindi nya natapos ang unang taon niya sa kolehiyo. Kaya sa halip na pang-matrikula ay pambili nalang ng gatas ng anak niya. Wala siyang natatanggap ni kahit isang kusing mula sa magaling niyang boyfren. Ang huling balita ko lumuwas daw ng maynila at meron ng ibang kinakasama. Hay! Ewan ko ba, ayuko syang pag-aksayahan ng oras, baka pag siya inatupag ko, wala kaming makain ng isang linggo. Hinding hindi ko makakalimutan ang mga araw na pagtangis ni nanay nung malaman nya na buntis si Tricia pero hindi ko alam kung saan siya nakahugot ng lakas ng loob nung sinabi nya na “nandiyan na wala ng magagawa, tanggapin na natin dahil ito ay isa ring biyaya.”
Habang bumubuhos ang malakas na ulan, biglang umugong ang malakas na kulog at sinabayan ng matalim na kislap ng kidlat. Biglang nawalan ng kuryente at naging madilim ang buong paligid. “Naku ngayon pa nag-brownout” nasambit ni nanay. Nagulat at umiyak si bunso na isang dipa lang ang layo sa akin. Lumapit ako sa kanya at kinarga. “Oh huwag ka na umiyak. Tignan mo si Potpot hindi natakot.” Agad rin naman siyang huminto. Hindi ko alam kung sa sinabi ko o sa mga lampara na dala ni nanay. “Patulugin mo nayan at kanina pa yan naglalaro.” Utos sa akin ni nanay. Binigay nya sa akin ang isang lampara at kami ni bunso ay tumungo sa kabilang kwarto.
Alas tres ng madaling araw. Gumising sakin ang tilaok ng manok na nanggagaling sa puno ng sampalok sa gilid ng aming bahay. Wala ng ulan pero wala paring ilaw. Naririnig ko ang kulit na tunog na ginagawa ng mga palaka at mga kuliglig. Tumunog narin ang tiyan ko. Nagugutom ako. Itulog ko na lang ito sabi ko sa sarili ko. Total dalawang oras nalang ay popotpot na ang nakabisekletang si Mang Jose, sakay ang kanyang styro box na may lamang mainit at malambot na pandesal. Matutulog na sana ako, subalit may isa pang tunog na tila nangungusap sa aking puso. Hikbi. Oo nga hikbi ang aking naririnig. Dahan dahan akong bumangon. Sumilip ako sa maliit na siwang ng telang pintuan ng aming kwarto. Nakita ko si nanay habang hawak ang lawaran ng aking itay. Anim na taon narin pala ang lumipas nang isugod sa ospital ang aking Itay. Ayon sa pag-susuri ng mga Doctor, heat stroke daw ang dahilan ng biglaan nyang pagkamatay. Bumaluktot ang likod ni nanay sa pagkakayakap sa larawan. Marahil inaalala ang mga pangakong naibaon na naisama sa himlayan ni itay. Gusto kong lapitan si inay, pero tila napako ang aking mga paa at tuluyang hindi makagalaw. Wala rin akong maisip kung anong pwede kong sabihin na maaring magpalakas ng kanyang loob. Hanggang dito nalang ba ako? Wala akong kayang gawin para matanggal kung anumang sumpa meron ang bahay na ito. Panganay pa naman ako. Kung makakahanap lang sana ako ng magandang trabaho, hindi namin mararanasan ang mga bagay na ganito.
Lumipas ang mga araw, lalong lumalakas ang mga naririnig kong tunog. Kalansing ng barya, mga kumakalam na sikmura ,kuskos sa kalderong walang laman, patak mula sa butas ng bubong tuwing umuulan, bombilyang aandap-andap, kusot ng naglalaba at higit sa lahat, ang hikbi ni Ina. Lagi nalang bang ganito? Paulit-ulit nalang na tila sirang plaka na nakakabingi pakinggan. Kaya heto aking napagpasyahan, gamit ang kaunting ipon ako ay makikipagsapalaran. Dahil wala akong pasok ngayon, dumukot ako ng mga baryang tig-pipiso mula sa bulsa ng aking lumang pantalon. Panghulog sa pisonet sa may kanto. Sa internet muna ako maghahanap ng pwedeng aplayan. Sa aking paghahanap, may nakita akong isang ahensya na nangangailangan ng mga factory worker na lilipad papunta sa bansang Taiwan. Bago ako nagsumite ng aking resume sinaliksik ko muna ang ahensya at ang pupuntahang kompanya. Baka kasi isa nanaman itong scammer o illegal recruiter na nanloloko sa kapwa Pilipino, mahirap na. “Sige na nga Pwede na ito. Klik!”. Pabulong kong sinabi sa aking sarili sabay pindot sa mouse. Isang linggo ang lumipas, habang nakikipaglaro kay bunso, tumunog ang aking nokia 310 na cellphone. Kailangan ko daw mag report bukas dala ang mga kailangang dokumento . Kailangan ko rin daw maghanda para sa maikling pagsusulit at interview. Mensahe mula sa agency. “Yes! Ito na yun.”sinabi kong nakangiti sa inosenteng mukha ni bunso. Magkahalong tuwa at kaba ang aking naramdaman.
Tinulungan ako ni nanay mag-ayos ng aking dadalhin. Lima hanggang anim na oras ang pinakamabilis na byahe mula sa sakayan ng bus papuntang maynila. Kaya sinabi ni nanay na kelangan ko na bumiyahe ng Ala una ng madaling araw para hindi maipit sa trapik. Habang nasa byahe, inilabas ko ang aking pasaporte at pinagmasdan ang aking larawan. “Dalawang taon narin pala nang ito ay maipagkaloob sakin”. Buong akala ko hindi ko na ito magagamit. “Hanggat hindi kailangan, huwag mong ilalabas ang mga dokumento mo huh. Lalo pag nasa labas ka.” Sumagi sa aking isipan. “Oo nga pala bilin ni nanay”. Agad kong itinago ang aking pasaporte. “Bago ka matulog sa bus, sabihin mo sa konduktor kung saan ka bababa. Kalungin mo at yakapin mo yang bag mo.” Dugtong na paalala pa ni inay na naiwan sa aking isipan. “Opo nay.” Pabulong kong sinabi habang pumipikit ang aking mga mata.
“Sir, dalawang istayon nalang bababa na po kayo”.Wika ng isang konduktor habang akoy tinatapik sa balikat. Mabuti nalang at natandaan nya ako. Pagkababa ko sa istasyon, naghanap agad ako ng pwede kong mapagtanungan. Sabi ni nanay, piliin ko daw ang aking mga pagtatanungan, at hindi lang kay isa o dalawa, mas mainam rin kung sa police na lang. Naging malikot ang aking mga mata sa paligid-ligid. Malaki talaga ang pagkakaiba dito kumpara sa bayan namin. Masmataas na mga gusali, masmalawak na mga daanan, Masmaraming tao, mga sasakyan, mga batang pulubi, at mga basurang nagkalat sa lansangan. Tanong dito, sakay doon. Pinapakinggan ko ang bawat salita ng mga pasaherong sumasakay. “Huli ka! Parehas tayo.” Naglarong sinabi ko sa isip ko nang marinig ko ang isang Ate na parehas kami ng ahensyang pupuntahan. Mag-aaply din kaya si Ate? Tanong ko sa sarili ko. Kasi masmakapal ang yakap-yakap niyang file case. Punong-puno pa ng mga dokumento. Di alintana ni Ate ang mga nakatikwas niyang buhok. Tila masmalayo ang kanyang biniyahe kumpara sa akin. Dalawampung minuto ang lumipas . Maya-maya ay kumatok si Ate at sa mahinhin niyang boses kanyang sinabi “Manong para po.” Agad naman akong sumunod sa kanya habang unti-unti syang bumababa. Parang may gustong umagaw sa pag-asang hawak ko nang aking makita ang mahigit limandaang aplikanteng katulad ko. Pinapasok kaming lahat sa isang silid para sa gaganaping pagsusulit. Bawat aplikante ay may hawak na numero. Umabot ng apat na oras ang written at physical exam. Ang physical exam ang kumain ng oras. Sampung tao ang maagpupush-up sa harapan. “Okay! Makinig!” malakas na boses ng isang Facilitator. “Maaari ng umuwi ang mga numerong tatawagin ko. Ibig sabihin ang mga maiiwan ay sasalang na sa interview”. Dugtong na sabi pa niya. Sa sobrang tahimik parang ako lang ang tao sa loob. Nag-umpisa ng magbilang at lalong lumakas ang tenyon. Napayuko ako at bumulong na huwag sana mabanggit ang numero ko. Kumakabog ng malakas ang aking dibdib. Naririnig ko ang mga pag-usog ng upuan, isinarang zipper ng bag. Saltik ng dila “Tsk”. Mga yapak. Mga buntong hininga. May mga nakangiti meron ding namumutla. Bakas ang lungkot at tuwa sa kanilang mga mukha. Hanggang sa halos dalawandaan nalang kaming natira. Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman. Batid ko na lahat sila ay may pangarap na makaahon sa hirap at marahil ang ilan sa kanila ay masmalala pa sa kalagayan ko. Ito siguro yung sinasabi ni nanay na hindi sa lahat ng laban kelangan mong manalo. Minsan kelangan mong sumuko at matalo para makuha ang pinakamagandang premyo. Siguro nga may naghihintay na mas magandang trabaho para dun sa mga napauwi. Kumakalam na ang tiyan ko. Mabuti nalang may pabaon si nanay na biskwit. Ito nalang tanghalian ko. Kainin ko na nga to habang hindi pa tinatawag ang pangalan ko para sa interview. Lumipas ang mga oras at sa wakas natapos din. Alas tres na. Kelangan ko ng umuwi.May pasok pa ako bukas. Tiyak na galit ang boss ko dahil sa pagliban ko ngayong araw. May nadaanan akong nagtitinda ng banana cue. Malalaki at mukhang masarap dahil sa kulay at mga asukal na nakabalot dito. Sa bus ko na ito kakainin. Bumili narin ako ng mineral water na tig-kinse pesos dahil malamang ibebenta ito sa bus ng 30 pesos. Siyempre kung ikaw na pasaherong uhaw na uhaw at naipit sa trapik, mapipilitang kang bumili. Habang nasa byahe, sariwa pa isip ko ang nangyaring interview. Tinanong ako ng Taiwanese sa salitang ingles kung umiiinom ako ng beer. Tipid na “yes” naman ang sagot ko. Tapos tinanong pa niya kung ilang beses sa isang buwan. Sabi ko naman dalawang beses. Dahil pag inaraw-araw ko papatayin ako ng nanay ko. Natawa nalang ang mga Taiwanese sa sagot ko. Hindi ko alam kung sa pagkaka-ingles ko o sa pabirong sagot ko. Nakipag kamay ako bago ako umalis. Yan ang bilin ni inay para daw lalo akong mapansin.
Isang linggo ang lumipas kelangan ko na daw magpa-medical. May nirekomendang clinic ang ahensya sa bandang Ermita, dito lang daw dapat pumunta. Madaling araw nanaman ako umalis, dumating ako ng alas-otso. Siksikan sa loob ng clinic, kinuhanan kami ng dumi, ihi, dugo at sinuri ang mga tenga, ngipin, mata, hubad, tuwad .Ewan ko ba at ako’y hiyang hiya na. Ganito talaga siguro. Magugulat ka nalang may nagkakaroon ng salamin sa mata, ngipin na bagong pasta. Ganito nga ba talaga.? Ewan ko parang mali na. May nagsasabi kasi na hindi naman kelangang pastahan kasi hindi nayan titingnan sa ibang bansa. Meron pa!, Magbayad lang ng 50 pesos pasado na sa “stool test”. Oh san ka pa? Pero walang magawa ang mga baguhang katulad ko na desperado mag-abroad. Kumakagat sa anumang pakulo nila.
Pabalik-balik ako sa ahensya upang kompletuhin ang mga kelangang dokumento. Umabot ng anim na buwan ang proseso. Orientation, PDOS, VISA, pati pambayad sa placement fee na hindi ko alam kung saan kukunin. Kaya pinatos ko ang alok nilang lending. May mga pagkakataong kelangan kong mag report ng dalawang magkasunod na araw. Kaya ginagawa ko umoorder nalang ng paborito kung spaghetti sa Jollibee at doon ako nagpapalipas ng buong gabi. Tinanggal narin ako sa trabaho dahil sa palagi kong pagliban.
Dumating ang araw na pinakahihintay ko. Tuluyan ko nang nilisan ang bansang sinilangan. Unang tapak ko sa bansang Taiwan. Kami ay sinundo ng aming broker mula sa paliparan at hinatid sa aming tutuluyang dormitoryo. Pagbukas ko ng pintuan nakita ko ang aking mga kakwarto. May nakangiti, may hindi. Lahat sila Pinoy pero bat ganun, yung iba ang tingin nila sakin parang isang dayuhan at hindi nila kababayan. Hindi ako nagpahalata at sa halip ay ngumiti nalang ako. “Dapat kang makisama sa kanila” tinig ni nanay sa isipan ko habang akoy papasok hila-hila ang bagaheng dala ko. Isa-isa kong inayos ang aking mga gamit sa aking kabinet. Pagkatapos naman ay aking hihigaan. Pagod, gutom, at antok ang nararamdaman ko. Kaya pagkatapos kong kumain, ako’y napasandal at maya-maya’y nahiga hanggang sa unti-unting pumipikit ang aking mga mata.
“Gising na. Tara na”. Salitang aking naririnig habang akoy nakapikit. Buong akala koy ginigising ako ng aking nanay, subalit ng umulit ay naging malalim ang boses. Pagkadilat ko’y kakwarto ko pala. “Pre. Tara na. Sasama ka ba?”. Tanong pa niya. “Sasama saan?”Agad ko namang sinabi habang kinukusot ang aking mga mata. “Hay naku! Ewan ko sa’yo nag-aantay na sila sa baba, alis na kami. Malapit na dumaan ang bus”. Sinabi nya habang lumalabas ng pinto. “Huh, Sila? Bus?”naguguluhang tanong ko sa sarili ko. “Ay oo Nga! Sige Antayin mo ako bihis lang ako. Hoy saglit lang, huwag kayong mang-iwan!”. Nagmamadaling sinabi ko habang hinahanap ang isang pares ng tsinelas ko. Habang nakaupo sa bus, kasama ang isa kong kakwarto at ilan sa mga katrabaho, sumilip ako sa bintana, “Dalawang taon narin pala.” bulong ko sa sarili ko. Dalawang taon na ako dito sa Taiwan. Nakabayad na sa mga utang at nakapagpapadala narin kadabuwan. Tapos na ang apat na araw na trabaho ngayon naman ay susulitin ang dalawang araw na pahinga. Pupunta kami sa night market at kakain narin ng shabu-shabu. Nakakamangha talaga sa bansang ito. Anlalaki at anlalawak ng mga gusali’t kalsada. Swabe ang takbo ng mga sasakyan at hindi trapik ang mga daraanan. Pati mga tao disiplinado. Sa pila, sa pagsakay, sa pagtawid maging sa pag-upo. Minsan, lola pa ang nagpapaubaya ng upuan sa kabataan. Kung may makita ka man na biglang tumatawid at wala sa pedestrian, panigurado Pinoy yun. Nakakainis isipin na mayroon talagang mga OFW na nadadala ang pagiging pasaway. Maging sa pagtapon ng basura at kinainan. Naka-segregate lahat. Pag kumain ka dito sa Mcdo, ikaw ang mag-liligpit ng sarili mong kinainan. Sana mangyari ito sa Pilipinas.
Pagkalipas ng ilang linggo, habang nasa trabaho, tatlo kaming pinatawag ng boss. Ililipat kami sa ibang departamento. Kelangan daw kasi ng tao. Ayos lang naman sakin. Kaso panibagong mga tao at mga boss nanaman.
Unang araw sa bagong kong department. Sinalubong ako ni Drake. Pinoy na team leader. Siya ang nakatoka para ako’y i-train. May asawa at anak sa Pinas. Medyo matikas ang kanyan katawan. Siguro dahil narin sa mga uri ng trabaho nila dito. Kwela at palakwento, pinakilala rin nya ako sa mga katropa nya. Naging maganda ang pakikitungo ng lahat na para bang matagal na kaming magkakakilala. “ Ayos naman pala dito” Sabi ko sa isip ko.
Isang buwan na ang lumipas na puno ng tawanan at biruan, pero napapansin ko unti-unting nagiging marumi ang pinag-uusapan. Natural lang naman siguro sa aming mga lalake pag-usapan ang mga ganitong kalaswaan. Kinokumbinsing sabi ko sa sarili ko kahit na alam ko na hindi payag ang nanay sa mga ganitong usapan. “Pre. Mamayang gabi sa park may kunting salo-salo, kaarawan ngayon ng ating Boss Drake! hehe” sabi ng isang tropa sakin. “Sige ba! Anong regalo natin?”tanong ko sa kanya. “Naku huwag na. Para lang pala ito sa mga tropa kaya wag kang magsasama ng iba” dugtong pa niya. “Sige walang problema”. Nagtatakang sagot ko sa kanya.
Kinagabihan. Halos bundat na ang lahat sa dami ng pagkain. Maraming beses akong inalok ng yosi at beer pero lahat tinanggihan ko. “Huwag na huwag mong titikman ang mga bagay na yan” bilin ni nanay na bumulong sa aking mga tainga. Maya maya’y lumapit si Drake, “kung ako ang mag-aalok tatanggihan mo?” dahan dahan niyang binigkas ang mga salitang yun sabay dukot sa isang pakete ng sigarilyo. “Lagot ka pag nagalit si Boss Drake”. Pabiro ng mga kasama ko na lasing narin. Pagbigyan ko na kaya to. Total ngayon lang naman. “Sige na nga”. Mabilis na sagot ko. Nakangiting inabot ni Drake ang hawak niyang isang stick.Teka. Bat ganito ito? Masmanipis at parang binalot na kendi ang magkabilang dulo. Marijuana ang hawak ko. “Oh sabi mo ah. Walang atrasan. Sige na pre ngayon lang”. Maamong mukha ni Drake habang nakaakbay. Wala akong narinig na tinig ni nanay sa mga sandaling iyon. Sinindihan na ni Drake at sinabi “Una mo palang ba? Ganito tuturuan kita”. Nakita ko kung paano nya ito sinipsip at pinigilang huwag lumabas ang usok sa bibig at ilong. Amoy sunog na tuyong damo. Matapos ang anim na singhot, pinasa na niya sa akin. Ginaya ko ang nakita ko. Sa unang singhot, napa ubo ko. Ngunit sa pangalawa, pangatlo, nagtagumpay ako hanggang maubos ko. “Napakahusay na bata” patawang sabi ni Drake habang nakahawak sa aking ulo. Ilang sandal naramdaman ko na ang epekto. Para akong lilipad sa sobrang gaan ng katawan ko. Para akong si Luffy-paborito kong anime. Tila kasi humahaba ang mga binti’t braso ko. . “Goma goma” patawang sinabi ko. Tawang tawa ako. Wala akong maramdaman na kahit anong sakit. Napakasarap ang ganito. Uulitin ko pa ito.
Hindi ko namamalayan lumilipas na ang maraming buwan, nalulong na ako sa masamang bisyo, alak ,sigarilyo, sugal, babae , at higit sa lahat droga. Naging bulag ako sa pagkakaalam ng salitang “Malaya”. Naging bingi sa mga payo at bilin ni nanay. Sa halip ay naging mapusok at nagpakalunod sa putik ng kasalanan. Isang gabi sa disco bar, may pinakilala sakin si Drake na isang babae. Siya si Jane. Maganda, mahinhin, type ko sya at mukhang may gusto rin sakin. Ngumiti ako, ngumiti rin sya, nagkamayan, nagbulungan, nagtawanan. Sa madaling salita nagkapalagayan ng loob. Nagdaan ang mga araw, nawalan ako ng oras sa aking pamilya .Sinasadya kong hindi sumagot sa tawag nila. Ang mga tropa at si Jane lang ang mga gusto kong kasama. May nangyayari na saamin ni Jane at labis akong natutuwa tuwing sinasabi niya sa akin na ako lang ang lalaking pinakamamahal niya.
Naging maganda ang takbo ng lahat. Sa katunayan pipirma na ako sa susunod na buwan ng panibagong tatlong taon na kontrata. Tsaka nalang ako uuwi pag nakapag ipon na ako. Siguro limang buwan mula ngayon pwede na. Habang mag-isa sa kwarto, tumunog ang aking telepono. Tunog ng Messenger. Aking nabasa mula kay Tricia. ”Kuya kumusta kana? Tawag ka pag may oras ka. Miss ka na namin.”. Bigla kong narinig ang hikbi ni nanay. May multo ata. Hindi rin naman ako nakatira ng droga. Napatingin ako sa aking lumang bagahe. Ako’y biglang natahimk nang magbalik ang mga alaala at mga dahilan kung bakit ako nandito sa Taiwan. “Anong ginawa ko?” Napatanong ako sa aking sarili.
Habang nasa bar, kasama ang mga tropang nakainum narin, umiilaw ang telepono ni Drake na nasa harapan ko pala. Nakita kong tumatawag ang asawa nya. Naka-silent kaya hindi niya marinig. Nag-aalangan ako na ibigay sa kanya dahil kaakbay niya si Rose. Alam kong may nangyayari sa kanila. Ngunit dala ng kalasingan, kinuha ko ito at inabot sa kanya sabay sabing ” Pre tumatawag ang asawa mo.” Nakita niya ito, kinuha , sinuksok at hinayaan sa bulsa. Nagpatuloy sila sa kwentuhan habang nakaakabay parin kay Rose. Loko-loko talaga. Sisindihan ko ang aking yosi nang “Huwag na huwag mong titikman ang mga bagay na yan”. Sa muling pagkakataon narinig ko ang tinig ni nanay. Binitawan ko ang yosi at muli ako’y natulala. Napansin ni Drake ang aking pananahimik. “Tumira kana ata, pahingi naman!” lasing na sabi niya. “Itigil na natin to Drake, Mali na to.”tugon ko sa kanya. Pinagtawanan niya lang ako. “May asawa ka’t mga anak na naghihintay sa’yo sa Pinas. Paano pag nalaman ng asawa mo’to?” tanong ko sa kanya. Biglang hindi maipinta ang kanyang mukha. Nagalit siya sa sinabi ko. “Sino ka sa akala mo? Kung alam mo lang…wala tayong pinagkaiba!” nakangiting sabi niya. “Anong ibig mong sabihin?”.nagtatakang tugon sa kanya. “Si Jane kasal na, may asawa’t anak pa!”mabilis na sinabi nya. Nagdilim ang aking paningin at uminit ang buo kong katawan. “Hindi totoo yan, sinungaling ka” pasigaw na sabi ko sa kanya. Dala ng galit ko, naibato ko ang baso sa kanya. Basag sa kanyang noo. Nasugat at sumirit ang dugo. Huli na nang mahimasmasan ako.Mali ang ginawa ko. Lumapit si Drake at sinikmuraan ako. Napakasakit. Namilipit ako. “Ba’t di siya tanungin mo. Ayan siya oh” sabay turo sa likuran ko. Pag-lingon ko ay si Jane pala. Nakayuko. Hindi makatingin sa aking mga mata at kumaripas ng takbo. “Jane…” mahinang boses na lumabas sa bibig ko.
Kinaumagahan, habang akoy tulirong nag-iisa sa kwarto, pumasok ang dalawang coordinator ng dorm kasama ang aking broker. Tinanong ang aking pangalan. Hiningi ang aking paliwanag tungkol sa nangyari kagabi. Nagpapaumanhin sila sa akin. Hindi ko alam kung ano nagawa nilang mali. Hinayaan ko lang silang magpatuloy sa pagsasalita hanggang sa “Patawad pero kailangan mo ng mag-impake. Lumabag ka sa mga patakaran. Nireklamo ka ng isa mong kadepartment na nasa ospital ngayon. May tahi sa kanyang noo at may mga tao na nagpapatunay dito.” Wala akong magawa at hindi ko alam ang gagawin. Wala na ring magagawa ang broker ko. Nakahanda na daw ang Plane Ticket ko at mamayang hapon na ang alis ko.
Binuksan ko ang kahon kung saan nakatago ang aking ipon. Kulang ng malaking halaga. Nagtaka ako at inulit kong bilangin. Ninakawan kaya ako ng sarili kong kakwarto. Ang tanga tanga ko. Para akong binagsakan ng malaking bato. Hindi ko kaya ang bigat. Napahagulgol nalang ako habang kinakabog ang dibdib. Patuloy na tumutulo ang aking luha habang akoy nag-iimpake, nakita ko ang isang larawan. Larawan ng aking pamilya. Dahilan kung bakit ako nandito. Ngayon ay wala akong ibang mailalagay sa aking bagahe kundi pagsisisi. Dati ay puno ng bilin at pangarap. Ngayon ay bagahe na puno ng pait at kasinunalingan. Bagahe na puno ng kirot at pagkabigo.

📝  Komento mula sa tagasuri|Ima Ariate

This piece has all the elements of a short story present and woven together coherently and compellingly. The persona is the eldest brother and one of the breadwinners of a family being raised by a single mother. The beginning of the story is a poignant scenario of the main character coming home to his loving family despite the hardships of his mother who is a laundrywoman and his younger sister who got pregnant when she was still at the university. As days go by, the writer likens the growing needs of the family to the equally growing noise created by mundane things – the chink of coins, the rumbling of stomachs, the scraping of empty pots, and the falling rain on their roof ridden with holes.

The main character sought employment abroad through the internet and found vacancies for factory workers in Taiwan. He sent in an application and was invited for preliminary testing and review. He takes the readers into the complicated and arduous process of applying for a job overseas. Like most, he also took out a loan to pay for his placement fee. He’d have to pay for this loan through salary deduction as soon as he starts working in Taiwan.

When he arrived in Taiwan, he discusses how he adapted to his work in the factory and how he tried to build friendships in his dormitory and workplace. He met Drake, his supervisor, when he was transferred to another department after working for two years. He realized that small talk topics among his circle of friends have gravitated towards matters that made him uncomfortable. He would constantly hear his mother’s voice warning him against vices.

The birthday celebration of Drake was a turning point for him. He tried marijuana and eventually got hooked. He spent his earnings on cigarettes, alcohol, and drugs. He also shifted his focus from his family to his circle of friends and his vices. This was his twisted interpretation of freedom. He got attached to Jane, a woman who was introduced to him in a bar. His mother’s voice of guidance eventually waned and eventually became absent. He remained at the top of his game. He was not only living the life. He was also about to sign a new three-year contract.

While at the bar with Drake and his friends, he noticed that Drake’s phone was ringing. His wife was calling him but Drake’s arms were around Rose. He called Drake’s attention to this and they got into an altercation. This altercation led him to be deported because he violated the rules.

As he packed his bags, tears fell because the photograph of his family made him recall his real purpose of working there. ‘Bagahe’ or baggage begins to make sense not only because he was literally packing up but also because his vices were the baggage that prevented him from saving for his family. His vices were also his baggage that led him to undesirable circumstances that resulted in his deportation.

There are mistakes with capitalization, punctuation, and spacing. These mistakes do not hamper the expression of ideas.