Dakilang Manggagawa

2019 Preliminary 菲律賓文初選

📜 Dakilang Manggagawa
👤 Aza Vienna B. Dreza

Maraming nangangarap makarating ng ibang bansa
Hindi upang mamasyal ngunit upang kumita
Ninanais mabigyang kaginhawahan ang pamilya
Nagdarasal na tulad ng ibang di hirap sa pera
Inaasam na makaahon sa bigat na dinadala

Marami mang oportunidad sa sariling bansa ang nakahain
Di parin masukat ang kagustuhan ng uhaw na damdamin
Mapalayo man sa pamilya lahat ay kakayanin
Milya-milya man ang layo tiyak na titiisin
Dahil ang nasa isip ay ginhawa pag ibang bansa’y narating

Masipag sa paghahanap ng trabaho sabado man o linggo
Nagbabakasaling matanggap gaano man kalayo
Dala dala ay pera na pilit pinagkakasya
Mabigyan lamang ng Bio-data lahat ng kompanya
Nanginginig sa kaba na sana ay palarin at makapasa

“Nay saan ka galing?” Tanong ng anak niyang isa
“May inasikaso lang ako anak” Tugon naman niya
“Ilang araw ka laging wala ano ba iyong ginagawa?”
Napabuntong hininga lamang at nakatitig sa anak niya
Kung papalarin lahat ay gagawin para sa pamilya

Tuwing nakikita niya ang anak at buong pamilya
Mas tumitindi ang kagustuhan niyang mangibang bansa
Dahil ito’y isang paraan upang maibigay mga gusto nila
Di na mahihirapang pagkasyahin lagi ang kakarampot na halaga
Di mangungutang ng isang kilong bigas at ilang de lata

“Tito Ador! Tito andito na balikbayan box na padala”
Sigaw ng kapitbahay nilang may anak sa ibang bansa
“Nay buti pa sila marami nanamang tsokolate at ham na de lata”
“Hayaan mo anak balang araw magkakaganyan ka”
Tugon niya sa anak niyang may lungkot sa mga mata

Dumating ang panahon at siya ay tinawagan na
“Ma’am punta kayo sa opisina para sa inyong kontrata”
Napakasarap sa pakiramdam ang nadinig niya sa kabilang linya
Utal-utal na nagpapasalamat dahi sa lubos na ligaya
Taos pusong nagpapasalamat sa Diyos sa natanggap na biyaya

Sa lahat ng hirap at pagod sa paghahanap ng trabaho
Narito na at abot-kamay ang pangarap na nagkatotoo
Di lubos akalain na isang araw ay matatamo
Ang pangarap na makarating ng ibang bansa upang magtrabaho
Magtitiis sa lahat kahit sa pamilya ay mapalayo

Habang papalapit ang paglisan niya
Nilulubos narin ang oras na kasama ang pamilya
Ilang taon mang mawawalay at di sila makikita
Walang magiging sagabal basta para sa kanila
Upang sa pagkahikahos sa buhay sila ay maialsa

Habang iniimpake sa maleta ang mga dalang gamit
Walang humpay ang pagluha ng mga anak nyang maliliit
“Nanay huwag ka na umalis” kanilang sinasambit
Nadudurog kanyang puso habang ito ay kanilang sinasambit
Wala siyang masabi kundi “Anak ako ay babalik”

Pilit tinatago ang mga mata nya sa pagluha
Nilalakasan ang loob dahil ito ay para sa kanila
Alam niyang giginhawa na ang kanilang pamilya
Di na magiging kaawa-awa kapag may problema
Sa bansang Taiwan doon pupunta upang kumita

Yapos na mahigpit at halik ang iniwan sa buong pamilya
Humagulgol man sa iyak ang anak, siya ay aalis na
Mas minarapat tumalikod upang luha di makita
Iniisip na lamang na pasasaan ba at makakasama din sila
Mabilis lang ang panahon upang makabalik sa kanila

Taiwan ay narating para sa bagong hamon ng buhay
Sa pagawaan ng gamot doon oras ay iaalay
Sari sari man ang gawain siya ay magiging mahusay
Magkaiba man ng lahi pakikisama ay matiwasay
Nagpapalakas lagi ng loob ang pamilya sa buhay

Gigising ng maaga at maghahanda sa pagpasok sa kompanya
Minsan nga kape at biskwit lamang laman ng bituka
Nagmamadali sa trabaho nakikisiksik sa mahabang pila
Ginagawa lahat upang reputasyon manatiling maganda
Nagbabanat ng buto, pagod ay di alintana

Pinakamasayang araw ang araw ng sahod
Makakapagpadala na ng pera na katas ng abroad
Di sinasabi sa pamilya na minsan di sapat ang tulog
Dahil sa ibang bansa mas mahalaga ang todong pagkayod
Tinitiis lahat sumakit man kalamnan at likod

“Nanay kamusta kana? Salamat sa padala mong pera”
“Nakabili na kami ng masarap na ulam at di na de lata”
Mga salitang nililintanya ng anak niyang nasa kabilang linya
Nangingilid mga luha habang pinakikinggan sila
Walang mapagsidlan ang saya na kanyang nadarama

“Ayos lang ako anak” ang tugon niya sa kanila
Magpakabait kayo lagi sa lolo at sa lola
Lahat ay gagawin kaya sa pag aaral wag kayong pabaya
Balang araw magakakasama muli at magiging masaya
Huwag mag alala sa nanay na nasa Taiwan kumikita

Lahat ng hirap, puyat at pagod ng katawan
Nawawalang bigla kapag pamilya ang katawagan
Sa isang sulok ng higaan larawan nila ay pinagmamasdan
Iniisip na sana pwede sila mayakap at mahagkan
Dahil sila ang ligaya at nagbibigay kalakasan

Buhay sa ibang bansa ay sadyang kakaiba nga
Taliwas sa nasa isipan ng halos lahat sa kanila
Akala ng marami masaya mangibang bansa
Ngunit ang katotohanan kinakaya lang lahat para sa pamilya
Pagnanais na makapiling sila ay pinagtitiisan sa tuwina

Kayod kalabaw ang iba kung magtrabaho
Lunes hanggang sabado walang pahinga pagbabanat ng buto
Ang iba ay maraming bayarin at pamilyang dapat pakainin
Papasok ano mang panahon kahit pa tag lamig man din
Susuungin lahat upang sa mesa ng pamilya may maihain

Di pa nga pinapalad ang iba kung minsan
Dahil pamilya nila ay walang humpay sa paghingi ng kaperahan
Kahit kapapadala palang niya noong isang araw lang
Ayan nanaman at maraming daing na masasaksihan
Di daw sapat ang singkwenta mil sa isang buwan

Eto pa at susumbatan ka ng kung anu ano
Na kesyo bakit kapa nag abroad kung padala mo ay gaganito
Pilit pang sasabihan na padala ay dagdagan mo
Kaya ang iba ay naghahanap nalang ng panagalawang trabaho
Sa halip ipahinga na ang katawan tuwing araw ng linggo

Kahit ulo ay nananakit at katawan ay masama ang pakiramdam
Pilit babangon dahil sa sahod ay nanghihinayang
Kung di papasok baka sweldo niya ay makaltasan
Kaya pilit na gagawa kahit medyo nahihirapan
Alang alang sa pamilya niyang minamahal ng lubusan

Mabuti na lamang at maraming mga kababayan
Ang laging gumagabay at laging sandalan
Tuwing nalulungkot at may dinaramdam
Di mo masabi sa pamilya na sa ibang bansa ay nahihirapan
Dahil sa kagustuhan na ang pamilya ay maginhawahan

Sadyang mahirap nga ang mangibang bansa
Lahat ay gagawin mo para sa anak mo at pamilya
Pag galing sa trabaho iintindihin ang labahan
Minsan nga wala nang panahon sa pag aayos ng higaan
Mas gugustuhin mo nalang mahiga na lamang

Masarap laging isipin na sa abroad ay masaya
Siguro marahil may pag asinso ang ibang pamilya
Malaki ang naitutulong ng padala nilang pera
Pero sa kabila nito ay may lungkot na nadarama
Dahil sa pagkaulila sa anak at magulang nila

Ang totoong sitwasyon ng mga manggagawa
Sarili ay tinitipid upang makapagtabi ng pera
Upang sa sususnod malaking halaga maipadala sa pamilya
Mas iniisip na padala sa Pamilya ay mahalaga
Di baling magtiis na malayo sa isat isa

Nagdaang mga okasyon ng pamilya tulad ng kaarawan
Di man lang mapuntahan kahit na sandalian
Pinapanood nalang sa mga padalang larawan
Masaya narin dahil sa nakikitang mga kasiyahan
Mas nanaising pera ay maipadala para sa pagdiriwang

Mga anak ay lumalaki at magulang ay tumatanda na
Habang ang manggagawa sa ibang bansa kumikita
Di magawang saksihan lagi mga nangyayari sa kanila
Hangad nalang lagi sa araw-araw ang magandang balita
Malaman na sila ay maayos, masaya at malaya

Pasko, bagong taon at maging ano mang panahon yan
Ang manggagawa di alintana na taon na pala Nagdaan
Di na mahalaga kung makapagdiwang man lamang
Dahil mas nakatutok sa mga araw at buwan na lilisan
Upang mapadali pag uwi sa bansang iniwanan

Di masukat ang pagmamahal na kanyang pinamamalas
matupad lamang pangarap at sa problema ay makaalpas
Marami mang pawis ang dadaan at lilipas
Patuloy na lalakasan ang loob upang pagmamahal maipamalas
Ang busilak na puso at pag ibig na tunay at wagas

Di uurungan bagong hamon ng kapalaran
Dumaan man ang araw taglamig at tag ulan
Ang dakilang manggagawa patuloy na lalaban
Malampasan sana ang lungkot at pangungulila ng madalasan
Nagdarasal na pamilya ay nasa mabuting kalagayan

Sa mga panahong kumakain ng masasarap
Di mawala sa isipan na pamilya ay ganto din sana nasa harap
Sa mesa nila sa tahanang dati ay salat
Ngunit sa pagsusumikap sila ay umangat
Gaano man kabigat basta sila ay maging sapat

Minsan nakakatulog nalang sa pagod ang manggagawa
Ni hindi na magawang maghilamos ng mukha
Sa pagod sa trabaho katawan ay nananamlay na
Mas gusto na lamang mahiga sa kanyang kama
Habang nangangarap mapanaginipan ang pamilya

Kapag walang pasok nakatanaw naman sa malayo
Iniisip na ang pamilya sana ay andiyan lang sa pagliko
Mahagakan at mayakap sila kahit na ilang minuto
Ngunit ang distansya nila ay talagang nakakapanlumo
Kaya aalahanin nalang noong panahong sila ay buo

Laging nananalangin na katawan ay laging malakas
Upang mapagtagumpayan ang parating na bukas
Laging sinasambit sa pamilya na sa nalalapit na oras
Lalong tumitindi ang pananabik na sila ay mayapos
Sa mga bisig niya na gusto silang igapos

Ang nakakalungkot at makirot sa puso kung minsan
Ang malamng pamilya ay may karamdaman
Gustuhin mo mang umuwi ng agad agaran
Di mo magawa dahil sa ilang mga patakaran
Walang ibang magawa kundi manalangin na lamang

Pinaka masaklap pang minsan ang ikaw ay mamatayan
Umiyak ka mang todo ngunit wala ng kaparaanan
Upang maibalik ang buhay na tuluyan ng lumisan
Nakikiusap na sana makita sila ng kahit saglitan
Papatak nalang ang maraming luha dahil sa kalungkutan

Ang pangungulila kapag nasa ibang bansa
Dinadaan nalang minsan sa pag gawa ng pag gawa
Upang sa isipan ay bahagyang maiwala
Sa damdaming ang pamilya ang laging inaalala
Larawan na lamang nila ang laging nakakasama

Natutuwa ang manggagawa sa mga laruang nakikita
Nais bilhin mga ito para sa anak na dakila
Kahit minsan halaga nito ay di na kinakaya
Pag iipunan ng ilang buwan para lang makuha
Simpleng bagay na para sa anak na sinisinta

Ang pangungulila ng manggagawa kung minsan
Dinadaan nalang sa pagluha sa higaan
Akap akap ang unan na kunwari ay mga magulang
Inaasam na sana mga anak ay nasa tagiliran
Nariyan lang nayayapos sana at kanyang nahahagkan

Tunay na pambihira ang buhay kapag nasa ibang bansa
Di masukat ang agwat at layo sa isat isa
Tinatanaw ang dagat habang alon ay humahampas
Nagmamakaawa na sana madaliin na ang oras
Upang mga paa ay makatapak muli ng Pilipinas

Natutuwa sa mga ibong sa himpapawid ay lumilipad
Sana ilan sa kanila ay sa Pilipinas mapadpad
Huminto at kamustahin ang pamilyang mapalad
Maipadama ang pagmamahal na walang katulad
Lahat ng pag ibig na wagas ay ilalahad

Pagsisikap at pagtitiis ay nakasanayan na
Lalo na kapag sa iyo lamang pamilya ay umaasa
Di narin ramdam minsan pangungulila sa kanila
Tuwing kausap sila at may hatid na magandang balita
Balitang sila ay maayos at nakaluluwag na

Lahat ay kakayanin ng isang dakilang manggagawa,dumanas man siya ng kahit anong unos sa buhay, kahit ilang libong araw man niyang di makasama ang mga mahal niya sa buhay. Marami sa mga gaya kong dayuhang manggagagawa ang kayang magsumikap para sa sarili at maipadama ang pagmamahal sa pamilya kahit na mapalayo sa kanila. Dumaan man ang ilang okasyon at pagdiriwang na sana kasama ang pamilya ngunit nagtitiis upang mas mabigyan sila ng mas maayos na buhay. Nagsusumikap upang mapagatapos sa pag aaral ang mga kapatid, nagtitiis upang mapagamot ang magulang na may sakit, nagtitiyaga upang mabigyan nag maalwang buhay ang mga anak. Ang kadakilaan ng mga manggagawa na minsan ay di nabibigyan ng importansya ngunit patuloy na nagpapakatatag para sa ikalalago ng pamilya at ng sarili. Malaking karangalan para sa isang magulang na mapagtapos ang mga anak at mga kapatid mula sa katas ng pawis sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Isang medalya ang maituturing ang makita ang pamilyang masaya,malusog at malayang nagagawa at nararanasan ang mga nais nila. Meron mang mga di pinapalad dahil umuuwi sila na wala ng hininga, nakalulungkot na minsan dulot din ito ng kapalaran na nakatakda na talaga. Mapalad ang mga taong nakakauwi ng bansa na maayos at maraming nagawa para sa pag unlad ng pamilya. Nakakatuwang isipin na marami ang nakapagpatayo ng magandang tahanan,nakabili ng magandang sasakyan at nakapag pasimula ng negosyo mula sa maliit na puhunan. Maipagmamalaki ang mga naipupundar na mga kagamitan ng mga manggagawang produkto ng ilang taong pagsusumikap sa labas ng bansa. Mga DAKILANG MANGGAGAWA na ang puhunan ay lakas ng loob at pagmamahal sa pamilya. Mga DAKILANG MANGGAGAWA na nagtiis di makasama ang anak at magulang para sa kinabukasan nila. Mga DAKILANG MANGGAGAGAWA na di masukat ang determinasyon di masukat ang pagmamahal sa sariling bayan at sa pamilya. Mga DAKILANG MANGGAGAGAWA na sinasaluduhan dahil sa tapang nila na mamuhay minsan ng mag isa sa dayuhang bansa,ipamalas ang kakayanan at maipagmalaki na tayong mga manggagagawa ay handang magtiis para sa pinakamamahal nating pamilya. Mga DAKILANG MANGGAGAGAWA na may ginintuang puso.

📝  Komento mula sa tagasuri|Ima Ariate

This poem speaks of the experiences of an OFW who left her children to work in a medicine company in Taiwan. Before she applied for a job abroad, we get the sense that the balikbayan box or the box containing goods from overseas is a status symbol for families back home who receive them.

The writer dedicates a few verses about the difficulties of life as a worker in Taiwan – adjusting to a different culture, missing important family events, and her children growing up without her physical presence. The writer considers herself lucky as there are other OFWs whose families back home are too demanding.

The writer ends by wistfully wishing for the birds in the sky to bring her message of love to her family. In the post script, she believes that there is great honor in using the hard-earned money abroad to send her children and siblings to school.

The effort at rhyme is sustained. There are attempts at meter in some verses. Poetic language is utilized.