Maleta

🇵🇭 2020 Preliminary 菲律賓文初選 🇵🇭

📜 Maleta
👤 Joy Maquiniana Salem

Tsokolate para sa mga kamag anak, masarap na tsaa galing sa Alishan para sa mga tiyuhin at tiyahin, bamboo shoot cookies at pineapple cake ni Mama — yan ang mga laman ng maleta ko pauwi ng Pilipinas makalipas ang ilang buwan na pananatili sa Taipei upang mag hanap buhay bilang isang OFW. Sa wakas, makalipas ang anim na buwan, makakauwi na rin ako kahit sa maiksing araw lamang. Tiyak na matutuwa ang aking nanay at ang mga aso sa bahay, pati na rin ang aming mga kamag anak sapagkat makikita na nila si bunso. Malamang ay iniisip nila na naitawid ko kahit papaano ang mahaba habang panahon na mag isa. Malamang nasa isip rin nila na kahit ito ang unang beses na manirahan ako sa ibang bansa na walang kasama, nakaya ko parin. Alam ko na marami pa silang tanong kagaya ng paano ko nagawa iyon at kung ano ang nangyari sa loob ng anim na buwan. Hindi ako sigurado kung may sagot ako sa lahat ng tanong ngunit isa lang ang sigurado ako at ito ay kung maari lamang gawin na isang buwan ang pitong araw na bakasyon at isang taon ang tatlong taong kontrata, tiyak na ako ang taong pinakamasaya na uuwi ng bansa.

Ano nga ba ang pakiramdam manirahan sa ibang bansa na mag isa? Ito ang isa sa mga tanong ko bago ko pirmahan ang kontrata sa bagong kumpanya sa Taipei. Nakahanap ako ng kasagutan sa pinakaunang araw na lumapag ang eroplano sa bagong bansa kung saan ako mananatili ng matagal. Masaya — yan ang pinakaunang pumasok sa aking isipan paglapag ng eroplano galing Pilipinas. Sa wakas, mararanasan ko na ang manirahan sa ibang bansa na mag isa. Ito ang pangarap ko kahit noon pa man — ang maghanap buhay sa ibang bansa malayo sa Pilipinas, malayo sa mga taong nakakakilala sa akin at higit sa lahat ang mabuhay mag isa at malaya. Para sa akin, ito ay isang bagong buhay na malayo sa nakaraan. Para itong isang langhap ng sariwang hangin kung saan bago lahat — ang mga kaibigan na makikilala mo sa paglipas ng mga araw, ang mga bagay na matutunan mo na hindi mo natutunan dahil pamilyar ka sa iyong bansa at ang mga bagong karanasan dahil kailangan mong matutong mabuhay mag isa.

Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko pagdating ko ng Taipei. Para akong isang ibon na nakawala. Maihahalintulad ako ang aking sarili sa isang preso o isang kriminal na may tinatakasan sa aking bansa kahit wala naman talaga. Naramdaman ko ang kalayaan na matagal ko nang nais makamit. Nagtaka ako kung bakit ang ibang tao ay hindi mo maipinta ang mukha sa oras na aalis sila ng Pilipinas. Iyakan sa paliparan, walang katapusang yakapan at halikan, at ang iba pa ay tatawag pa upang iparating na nakalagpas na sila sa Immigration. Ayaw kong isipin na gagawin ko ang lahat ng iyan pagbalik ko ng Taipei. Ni hindi ko lubusang maisip na iiyak ako sa paliparan at pabalik balik na yayakapin ang mga kamag anak bago tuluyang pumasok sa loob. Kahit paano, mapapaisip ka rin kung bakit hindi mo naramdaman ang mga iyon. Manhid ba ako o sadyang hindi lang talaga ako ganoon? Isang yakap, isang halik at walang tawag. Iyan ang mga ginawa ko nung paalis ako ng Pilipinas upang maging isang ganap na OFW. Naalala ko pa na inihatid ako ng nanay, tatay, ate at kuya sa airport. Marami rin silang paalala tulad ng hindi pagtanggap ng mga bagahe galing sa ibang tao, pagtingin sa mga dala dalang gamit upang hindi ito makalimutan at mawala at ang pagpapakita ng dokumento sa immigration bilang isang OFW. Naramdaman ko ang pag-aalala nila dahil ako ang bunso sa pamilya ngunit naramdaman ko rin kung gaano sila kasaya para sa akin. May halong kaba sa dibdib ang bawat isa sa amin ngunit alam nilang lahat na ito ay isang panibagong yugto ng buhay na kailangan pagdaanan ng bawat tao. Masaya akong pumasok sa loob ng walang bakas ng luha at lungkot sa aking mga mata.

Ang unang buwan na pananatili sa Taiwan ang pinakamasaya. Abril nang dumating ako sa Taipei. Hila hila ko ang dalawang maleta laman ang mga gamit ko galing Pilipinas. Isang maleta na puro damit at isang maliit na maleta na puro pagkain at pansahog sa mga lulutuin upang hindi ko makalimutan ang panlasang Pinoy. Habang naglalakad papuntang Immigration, naisip ko na sa oras na lumagpas ako doon, yun na ang simula ng bago kong buhay. Mapalad ako sapagkat bilang isang bagong empleyado ng isang European company na nakabase sa Taipei, wala akong ginastos upang makapunta ng Taiwan. Sila ang nagbayad ng lahat ng gastos sa papeles at relokasyon, eroplano galing Pilipinas at isang buwang pananatili sa isang mamahaling hotel na malapit sa opisina. Ang kagandahan pa nito ay hindi ko na iisipin ang agahan dahil kasama na rin ito sa bayad sa araw-araw. Bukod pa rito, walong minutong lakad lang ito sa opisina. Lahat ay ginawang posible ng bago kong kumpanya upang hindi ako mahirapan pagdating ko sa Taipei. Naisip ko kung gaano karaming biyaya ang ibinigay sa akin sapagkat mayroon ako ng mga ganitong bagay. Lubos ang aking kasiyahan dahil ito na ang bagong buhay ko ngayon. Ito ang pangarap ko. Sa wakas, sa halos bente otsong pananatili sa Pilipinas, ang mga susunod na taon ay magkakaroon ng bagong karananasan.

Dumating na rin ang unang araw ng pagpasok ko sa bagong opisina. May halong kaba ang kasiyahan ko dahil ito ay mga bagong mukha, bagong kultura at bagong lenggwahe. Nasasabik ako sapagkat lahat ng nakikita at nararanasan ko ay bago sa paningin. Ngunit may nararamdaman rin akong kaunting takot. Paano kung hindi nila ako maintindihan? Paano kung hindi kami magkasundo dahil magkaiba kami ng kultura at salita? Paano kung hindi nila ako ituring na parte ng grupo dahil ako ay isang dayuhan? Ngunit sabi nga sa isang aklat, kung ikaw ay natatakot dahil sa mga bagong bagay sa paligid mo, ibig sabihin lamang nito ay ikaw ay natututo. Ang takot na ito ay hindi masama dahil lahat ng bago ay matututunan rin natin sa paglipas ng panahon. Hindi naging masama ang unang araw ko sa opisina. Sinalubong ako ng mga bago kong kasamahan sa trabaho na parang isang Taiwanese at hindi bilang isang dayuhan. Inihatid nila ako sa pinakauna kong lamesa at upuan na magiging parte ng aking araw-araw na buhay sa Taiwan. Inikot nila ako upang ipakita ang iba’t ibang parte ng opisina nang hindi ako mangapa sa mga susunod na araw ng pasok. Ipinakilala nila ako sa iba pang miyempre ng ibang pangkat upang maging pamilyar kami sa isa’t isa. Sinamahan nila ako sa una kong tanghalian upang hindi ako mag-isa. Lahat ng ito ay ginawa nila upang hindi ko maramdaman na ako’y dayuhan at walang kaibigan. Natapos ang araw na iyon na may ngiti sa aking labi. Ang inaakala kong masamang araw ay hindi naman nagkatotoo at naging maganda pa ang kinahantungan. Marahil, ito na nga talaga ang simula ng bago kong buhay.

Dumaan ang mga araw at unti unting naging maayos ang lahat. Kahit papaano ay umangkop ang lahat sa mga bagay-bagay. Nakasanayan ko na ang paggising ng maaga at lumakad ng walong minuto mula sa tinutuluyan kong hotel hanggang sa bago kong opisina. Nakasanayan na rin ng mga tauhan ng hotel na tuwing umaga ay kakain ako ng almusal at ihahanda nila ang mga pagkain ng mabilis upang hindi ako mahuli sa pagpasok. Maayos rin ang kwarto kung saan ako namamalagi sa oras na dumating ako mula sa opisina. Tuwing papasok ako at uupo sa lugar kung saan ako nakapwesto, babatiin ako ng mga bago kong kasamahan at mangungumusta tungkol sa bago kong buhay sa kanilang bansa. Naging interesado rin sila sa kultura, sa mga bagay-bagay tungkol sa Pilipinas sapagkat ako lamang ang kaisa-isang Pinoy sa kompanya. Malaking tulong rin ang naiambag nila sa paghahanap ng bago kong bahay noong patapos na ang pamamalagi ko sa hotel. Dahil magkaiba ang lenggwahe, nahirapan akong intindihin ang mga detalye sa isang website kung saan pwedeng maghanap ng mga bahay na rerentahan. Mahirap rin kumausap sa mga may-ari ng mga bahay na ito dahil hindi sila nagsasalita ng Ingles. Isa ring balakid ang pagpunta sa mga bahay na ito dahil hindi ako pamilyar sa lugar. Ngunit ang lahat ng ito ay naging madali dahil sa pagpapakita nila ng suporta upang mahanap ko ang pinakauna kong apartment.

Matapos ang isang buwang pamamalagi sa hotel, nakalipat na ako sa bago kong apartment. Ito ay nasa Taipei rin at sampung minuto mula sa istasyon ng tren. Hindi ito masyadong malaki katulad ng mga bahay sa Pilipinas dahil halos lahat ng bahay sa Taipei ay mga condominium. Isang banyo, kwarto na may terasa, kusina kung saan pwedeng magluto at isang maliit na sala kung saan pwede tumanggap ng bisita. Halos kumpleto na rin ang mga kagamitan. Mayroon na akong sariling kama, sariling lutuan, aircon, sofa at TV. Ang mga kailangan ko na lang bilhin ay mga gamit na hindi naibigay ng may-ari ng bahay kagaya ng sapin sa higaan at mga kagamitang pangluto. Dahil nasa labing isang palapag ito ng gusali, may magandang tanawin ng isa sa mga luma ngunit sikat na hotel sa Taipei. Makikita mo rin mula sa terasa ang papalapag na eroplano sa Songshan Airport. Ang kagandahan pa nito ay ako lamang ang nakatira rito. Walang maingay, walang kasama sa bahay kung saan maaaring magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagdaan ng mga araw. Wala rin akong kailangang isipin kapag umalis ako ng bahay dahil ako lang mag-isa. Malapit rin ito sa mga pamilihan, ospital, bangko at pulisya kung saan maaari akong magtungo sa oras ng pangangailangan. Malapit rin ito sa opisina kaya hindi ko kailangang gumising ng sobrang aga upang pumasok. Isang tahimik at magandang gising ang sumalubong sa akin sa pinakaunang araw ko sa bago kong apartment. Ito na ‘yun. Ito na talaga ang buhay mag-isa.

Nagkaroon ako ng pamilyarisasyon sa mga bagay na nakapalibot sa akin. Sa araw-araw na babangon ako ay kailangan kong humanda para pumasok sa opisina. Kailangan kong ihanda ang aking agahan dahil walang maghahanda nito para sa akin. Minsan ay nakakaligtaan ko na rin kumain dahil kailangan ko magmadali. Kailangan ko rin ihanda ang aking tanghalian upang hindi na ako lalabas ng opisina para kumain. Bukod sa mas mura kung magluluto ng sariling pagkain, mas makakasigurado rin ako na malinis ang pagkakahanda nito. Bukod pa rito, kailangan ko rin pumunta sa pamilihan upang bumili ng mga sangkap sa lulutuin, sabong panlaba at iba pang gamit sa bahay. Ang mga maruruming damit ay kailangan kong labhan isa o dalawang beses sa isang linggo dahil walang katulong na gagawa nito para sa akin. Ang pagpapalit ng punda, sapin sa higaan at pagtutupi ng mga nilabhan ay isa rin sa mga kailangan kong asikasuhin. Maging ang paglilinis ng bahay ay kailangan ko rin gawin upang mapanatiling kaaya-aya ang tintirahan ko. Ang pagbabayad ng mga bayarin kagaya ng konsumo sa telepono, tubig at kuryente ay kailangan kong isipin buwan-buwan. Hindi rin ako maaring makalimot sa pagbabayad ng renta kung hindi ito ay maaring maging problema sa pagitan ko at ng may-ari ng bahay. Lahat ay kailangan kong gawin mag isa dahil walang gagawa ng mga ito para sa akin. Hindi tulad noong nasa Pilipinas ako, gigising na lamang ako upang maghanda ng gamit para sa opisina at kakain ng agahan kasama ang aking nanay. Hindi ko na kailangan isipin ang agahan dahil nakahanda na lahat maging ang gusto kong ulam sa umaga. Nakahanda na rin ang aking paboritong tanghalian na nakalagay sa lunch box na niluto ni Mama. Ang pamimili ng mga groceries ay hindi ko na kailangan isipin dahil kumpleto ang listahan ng mga bibilhin ni Mama at ang tanging gagawin ko na lang ay samahan siya. Ang mga labahin rin ay awtomatikong nawawala sa basket ng labahan dahil tuwing katapusan ng linggo ay nilalabhan na ito ng aming kasambahay. Ang mga nilabhan ay tiyak ring nakatupi na at nakalagay sa aking kabinet. Bago na rin ang mga punda at sapin sa higaan makalipas ang ilang araw na paggamit nito. Kapag dumarating ako mula sa mahabang araw sa opisina, mawawala na ang pagod ko dahil malinis ang bahay. Wala rin akong kailangan isiping renta dahil pagmamay-ari namin ang bahay. Kailangan na lamang bayaran ang konsumo sa tubig, kuryente at iba pang gastusin na kailangan bayaran sa subdivision. Ngunit maging ang mga ito ay hindi na ako ang gagawa datapwa’t mag-aabot na lang ng pera. Sadyang napakadali ng lahat dahil hindi ako mag-isa ngunit ibang iba na ngayon. Hindi na kagaya ng dati kaya kailangan kong umayon sapagkat hindi na ito Pilipinas. Wala nang ‘Ate’, wala na ring ‘Mama’, ‘Ako’ na lang ang mayroon.

Lumipas ang mga araw at buwan, nakasanayan ko na ang lahat. Sanay na ako sa paghahanda ng kakainin sa pang araw-araw at sanay na rin ako sa mga gawaing bahay. Sa oras na tumungtong ang ikalawa o ikatlong araw ng buwan ay hudyat na ito na kailangan kong magbayad ng renta sa bahay. Tuwing Sabado o Linggo ay kailangan ko maglaba at tupiin ang mga ito pagkalipas ng isang araw. Nakasanayan ko na rin ang pagpunta sa pamilihan at piliin lamang ang mga masustansyang sangkap para sa lulutuin ko sa susunod na araw. Natuto akong mag-badyet ng gastos ko sa kagustuhan ko ring makaipon ng sapat kung sakaling kailanganin. Nakabisado ko na ang sakayan papunta at pabalik galing opisina. Hindi naging mahirap ang pagsunod sa mga palatandaan dahil Ingles rin ang mga ito. Hindi rin siksikan ang tren kaya walang problema kahit ano mang oras mo gustong sumakay. Tulad ng mga Pilipino, mababait rin ang mga Taiwanese. Kahit hirap ang iba na umintindi ng Ingles ay pilit parin silang tumtulong upang masagot nila ang iyong katanungan. Dahil walang Ingles na pagpipilian sa listahan ng ibang mga kainan, bibigyan ka nila ng Ingles na bersyon para iyong maintindihan. Dahil dito, para na rin akong nasa Pilipinas. Ang pinagkaiba lamang ay ang lenggwahe at ang katotohanang ang ibang mga tao rito ay kasama ang kanilang mga pamilya at ako ay hindi.

Isang araw ay bigla na lamang akong nagising at nakaramdam ng kakaibang emosyon. Emosyong hindi ko inaaasahan na mararamdaman dahil ang alam ko ay ayos na ang lahat. Ang kasiyahan dahil sa mabilis na pag-ayon sa mga bagong pangyayari sa aking buhay ay napalitan ng takot, kaba at lungkot. Ang kasiyahan dahil sa wakas, natupad ko ang aking pangarap na mamuhay mag-isa sa ibang bansa ay biglang naglaho. Bigla akong nakaramdaman ng sakit sa kalooban sapagkat naisip ko ang mga bagay na mayroon ako noon na wala na ngayon. Ang araw-araw na agahan kasama ang aking Nanay na may halong kaunting kwentuhan bago pumasok sa opisina ay napalitan ng isang tahimik na umaga na minsan na lamang kumain dahil nagmamadaling pumasok sa opisina. Ang iyong kwento tungkol sa nangyari sa buong araw ay hindi mo na rin maibabahagi sapagkat wala namang makikinig sa iyo pagdating mo sa bahay. Hindi mo mailabas kung gaano kahirap makisama sa ibang tao dahil sa magkaiba kayo ng kultura at paniniwala. Walang magsasabi sa iyo na kayanin mo dahil ganoon talaga ang buhay sa ibang bansa. Maging ang maliliit na tagumpay ay kailangan mong sarilihin dahil walang maghahanda ng munting salu-salo pagdating mo sa bahay. Sa oras ng hindi inaasahang pagkakasakit, walang magluluto ng pagkain at mag-aalaga sa iyo. Kung kinakailangang pumunta sa ospital upang magpasuri sa doktor, kailangan mo rin gawing mag-isa. Ang sopas na inihahanda ng iyong nanay noong kasama mo siya ay napalitan ng isang pagkain sa fast food dahil wala kang lakas upang maghanda ng sarili mo. Ang mga pangungulit sa iyo na inumin ang gamot upang mawala ang iyong lagnat ay wala na rin, bagkus makikita mo na lang sa lamesa ang mga gamot at kailangan mong inumin mag-isa kahit walang paalala. Ang mga nakakainis na pangungulit ay bigla mong na-miss. Walang gabi ang lumipas na walang luha ang pumatak sa aking mata dahil sa sobrang kalungkutan ngunit maging ito ay hindi mo maikwento sa iyong pamilya dahil ayaw mo silang mag-alala. Sadya palang napakahirap mawalay sa pamilya. Ito ang mga pagkakataon na ayaw mong mag-isa.

Ang lungkot ay napalitan ng sobrang lungkot. Ang mga masasayang selebrasyon tuwing kaarawan, Pasko at Bagong Taon ay napalitan ng mahabang usapan sa Facebook messenger sa pamamagitan ng video call. Ang mga mahigpit na yakap at halik sa iyong mga mahal sa buhay ay napalitan ng mga emoticons sa inyong chat group. Ang mga hindi mo masabing salita gaya ng ‘I love you’ at ‘I miss you’ noong kaharap mo sila ay bigla mo na lamang nasasabi ngayon. Ang mga oras na kasama mo sila noon lalo na kapag walang pasok ay gustung-gusto mong ulit-ulitin ngayon. Iyong mga oras na naiinis ka dahil paikot-ikot lang kayo sa mall at wala naman palang bibilhin ay gusto mo na ulit gawin ngayon. Ang mga kahol ng aso na ayaw mong mapakinggan noon ay hinahanap na ng iyong mga tainga. Ang mga pagkakataong ubos na ang iyong pasensiya sa pagmamaneho ng sasakyan dahil sa trapiko sa Edsa ay bigla mong na-miss ngayon. Darating rin pala ang araw na mapapaisip ka dahil tama nga ang sinasabi ng iba — kung kailan wala na, saka mo maiisip kung gaano ito kahalaga.

Ang sobrang lungkot ay napalitan ng sobrang kasiyahan. Ang pinakaunang alog ng eroplano na hudyat na lumapag na ito sa Pilipinas ang simula ng aking bakasyon. Hindi ako natulog sa buong oras ng biyahe dahil sa sobrang galak. Sa isip ko, wala akong sasayangin na oras. Lahat ng lungkot na naramdaman ko noong ako ay mag-isa ay pupunan ko ng saya sa bawat oras na kasama ko ang aking pamilya. Ang mga pangyayari sa loob ng anim na buwan ay ibabahagi ko kasama ang aking mga kamag-anak habang humihigop ng masarap na tsaa galing Alishan. Ang mga magaganda at hindi magagandang pangyayari ay buong puso kong ilalahad sa aking nanay habang kumakain ng paborito niyang bamboo shoot cookies at pineapple cake. Ang mga ingay na hindi ko narinig ng mahabang panahon ay sasabayan ko pa habang ibinabahagi ang mga tsokolate sa mga kamag-anak. Walang oras at minuto ang lilipas na hindi ko maiparamdam kung gaano sila kahalaga.

Napakabilis lumipas ng mga araw. Ang pitong araw na bakasyon ay mistulang tatlong araw lamang. Nagising ako at nakita ko na lang na nakahanada na ang lahat. Kumpleto na ang laman ng maleta dahil inihanda na ito ni Mama. Banana chips, pulboron, Pinoy seasonings, at iba pa — yan ang mga laman ng maleta ko pabalik ng Taiwan. Nakahanda na rin ang agahan at ang sari-saring kwento. Nakalutang ang aking isipan dahil nasa isip ko na babalik na naman ako sa pangalawa kong tahanan. Ibig sabihin nito ay balik sa nakakabinging katahimikan, malalamig na gabi at mistulang matagal na paglipas ng oras. Umalis ako ng Pilipinas na may ngiti sa aking labi. Isang lipad na naman ang naglayo sa akin sa aking pamilya at sa bansang aking sinilangan. Madaming dahilan kung bakit ako babalik ulit sa totoo kong tahanan ngunit sa lahat ng dahilang iyon, isa lamang ang pinakanangingibabaw — pag-ibig.


📝 Komento mula sa tagasuri|Gen

I like the mystery in this piece however I looked forward to the ending. Life story’s too hard to speculate. Although the author made it pretty obvious that the character is not a typical OFW, it would have been beneficial if the line of work is mentioned at the ending. This way, the readers, most especially the locals would have another familiarity towards the Filipinos. That yes, we do have professionals here too.