PAANO NGA BA’NG MANGARAP?

🇵🇭 2020 Preliminary 菲律賓文初選 🇵🇭

📜 PAANO NGA BA’NG MANGARAP?
👤 MYLINE S. CABASAG

Simula sa mura kong kaisipan

Dama ko na ang matinding kahirapan

Nagtatanim sa bukirin

Iyan ang pangunahing gawain

Nag-aalaga ng mga hayop

Iyon ang bilin sa amang pumalaot

Tumulong sa magulang

Upang may pagsasaluhan

Sa hirap na aking dinanas

Pangarap ko kaya ay mabigyang lunas?

Nagmula sa simpling tahanan

Patungo sa pampublikong paaralan

Baon ko ang pangarap na aking sisimulan

Minsan ko ng napapanaginipan

Ano kaya ang buhay sa karangyaan?

Mas masarap na pagkain at inumin

At naglalakihang tinapay at kakanin

Samantalang tuyo at daing ang lage kong kinakain

May masarap na ubas at mansanas

Habang kamote at saging lang ang aking panghimagas

Ano kaya ang pakiramdam na makahiga sa malambot na kama at upuan

Samantalang magagaspang at matigas na kahoy ang aking naranasan

Makasakay sa matulin at magarbong sasakyan

Habang ako’y hiningal sa malayo kong nilalakaran

Ito ang dalawang istado sa buhay ng tao

Ang manatili sa kahirapan o mabuhay sa karangyaan

Kasabay ng pagsikat at paglubog ng araw na lage kong tinatanaw

Pangarap ko kaya ay mabigyang linaw?

Ito ang tanong na bumabagabag as aking isipan

Na may halong takot at pangamba

Ang aking nararamdaman

Hanggang pangarap lang ba ako

At walang katotohanan

Dahil sa pagod at matamlay kong katawan

Ito ang nag-udyok upang ipagpatuloy ko ang aking nasimulan

Minsan ng ipinagkait ang aking magandang kapalaran 

Sa buhay kong puno ng hinagpis at ang pusong luhaan

Ay kailanma’y hindi makatitibag sa tibay ng aking katatagan

Ano mang balakid ang maaaring hadlang ay aking pipigilan

Dahil ako ay nagiging matapang

At handang lumalaban

Dahil sa payo at pangaral ni inay at Itay at pagmamahalan naming walang humpay

Ito ang lage kong isinabubuhay

At higit sa lahat sa taimtim kong pananalig sa Panginoon

Ako’y nagkaroon ng lakas at sandata sa anumang hamon

Alam kong malayo pa ang aking lalakbayin

Iilang dagat pa ang aking tatawirin

Maraming bituin pa ang aking aabotin

Bago ko marating ang tugatog ng aking mga mithiin


📝 Komento mula sa tagasuri|Diomedes Del Rosario

Maganda ang istorya ng “PAANO BA ANG MANGARAP? na kahit medyo maigsi lamang ay madaling maunawaan yung mga nilalaman, hindi ka maguguluhang intindihin bawat istansa, tuloy tuloy at maganda pagkakasulat