🇵🇭 2020 Preliminary 菲律賓文初選 🇵🇭
📜 Ika-anim Na Utos
👤 Abegail Magno Morcozo
Hindi pinangarap pero ito ang natupad, dahil sa kamaliang hindi naman hinangad
Aking ginawang kasalanan sa hayop maihahalintulad, paghingi nang kapatawaran makakamit ba agad?
Ang pagkakamaling aking nagawa’y walang patawad, konsensya’y dadalhin san man ako mapadpad
Pagmamahal na matagal ko nang hangad, naramdaman sa kanya’y tila walang katulad.
Lalaking aking iniibig ay may sabit, Ngunit ‘di ginusto ang maging kabit
Unang pagkikita ay agad naging malupit, bumigay agad sa kanyang munting kalabit
Sa kama ako’y kanyang pwersahang hinaklit, pinaramdam nya’y abot ‘gang langit
Hindi iniisip ang maaring maging kapalit, ang wisyo at kamalayan hinayaang maiwaglit.
Hindi pag-ibig ang aking unang naramdaman, kundi makamundong pagnanasa’t tawag ng laman
Ang unang pagkikita’y muli pang nasundan, mga yakap at halik aming pinagsaluhan
Yakap nyang napakahigpit saki’y nagbigay kasiyahan, nawalang saysay dangal na aking iningatan
Halik nyang pumukaw sa aking kaselanan, dali-daling ibinigay ng walang pag-aalinlangan.
Ang pagtanggal ng saplot sa’king katawan ,hudyat ng relasyong lubos na pagsisihan
Ang bawat indayog nang aming kalamnan, nagbigay sigla sa natutulog na kamalayan
ang paglabas-masok sa mundong magiging taguan, tanda ng isang pagsasamahang hindi matatawaran
Alam kong labis nila akong kasusuklaman, sa pangyayaring hindi ko lubos na pinagisipan.
Patagong pagkikita ang naging sandalan, upang makaiwas sa mata ng iilan
Takot sa Dyos ‘t pangamba sa kasasapitan, lahat binaliwala upang kanyang labi’y matikman
Sa kanya natagpuan hinahanap na kasiyahan, Ikaanim Nyang utos pikit-mata kong tinalikdan
Makasama lang sya lahat kakalimutan, maramdaman muli tamis ng kabalintunaan.
Lumalim, umusbong ang relasyong dapat panandalian, walang puknat na asaran at tawagan
Sa kanyang piling kilig aking naramdaman, mga palitan ng mensahe aking inabangan
Parang batang naging sabik sa kakwentuhan, ang iilan kong kaibigan aking pinabayaan
Hindi na inisip ang maaring kahihitnatnan, basta sariling kahugkagan ay makalimutan.
Subalit , unti unting nadurog ang damdamin, ang pagsintang sumibol ng hindi ko maamin
Sapagkat pag-ibig nya’y hindi pwedeng mapasaakin, maganda nilang pagsasama pinilit kong guguluhin
Oras, atensyon at panahon, sinimulan kong nakawin, para pag-ibig nya’ y unti-unting mapasaakin
Masayang nga sandali pinilit kong abutin, upang sya’y malunod ng tuluyan sa’kin.
Alam kong mali itong aking ninais, ngunit sa kanyang tabi ayokong umalis
Kahit sobrang sakit kakayanin kong magtiis, ibibigay lahat kahit ano pang kanyang nais
Maging aking buhay ang kayang ibuwis, nang sa’king piling hindi siya umalis
Sapagkat sya’y mahal ko nang labis, sa tamang daan pinilit kung lumihis.
Ang aming pagsasamahang nabuo sa kasalanan, pinilit itago sa mata ng karamihan
Bumuo ng kwentong puno ng kasinungalingan, isang sekretong ‘di dapat malaman ninuman
Miski isa’y wala akong binalak sabihan, tanging ikaw lamang lubos na pagkakatiwalaan,
Hinangad na sana’y iyong tunay na maintindihan, pinakatago-tagong lihim sana’y iyong pakaingatan.
Marahil iyong nais malaman ang dahilan, kung bakit sa kanya ako’y nakipagmabutihan
Maaring ang sobrang lungkot at kapighatian, dito sa Taiwan sya ang naging sandalan
Walang kaibigan, walang pamilyang pwedeng lapitan, wala kahit na sino na madaling kapitan
Mga katrabaho mong sagad sa kaingitan, kaunting kamalian agad ka nilang pagtatawanan.
Pero hindi lahat hatid ay saya, ang pag-aaway, selos ang naging mitsa
Unti-unti akong inatake ng pagkabalisa, pagkatakot na baka muli akong mag-isa
Na baka makahanap siya ng iba at iwanan nya ako ng basta na
Ibinigay ko ang lahat sa kanya, halos magpakabaliw ako mapaibig lang sya.
Pero kahit ano pa aking gawin, kung hindi naman siya para sa’kin
Wala ring saysay kundi aking tanggapin, kahit patak ng luha’y di kayang pigilin
Sobrang sakit man sa aking damdamin, sigaw parin ng puso aking susundin
Kahit hindi niya ako kayang mahalin, sapat na sakin ako’y kanyang paligayahin.
Hinanap ang kahalagahan ng aking pagkababae, ngunit inaasam na sagot tila imposible
Ang kagaya kong mababang uri ng babae, siguro’y tama na ang mumurahing tsokolate
Kahit ni minsa’y hindi kami nakapagsine, kahit kulang sa kanyang diskarte
kahit hindi man kami pwede, kagalakan ng puso’y sa kanya nakadepende.
Meron bang naghihintay sa aking bukas? O sadyang magiging kabit hanggang wakas?
Ang pag-iibigan nilang sinumpaan hanggang wakas, hanggang kailan ako patuloy na makiki-angkas
Tatlong taon na ang mabilis lumipas, unti-unti na rin akong nawawalan ng lakas
Sa kanilang paghuhusga maari bang makatakas? Panginoon, maari mo ba akong iligtas?
Naging alipin nang sariling pagpapasya, tuluyang nagpakasakop sa mundo ng pagnanasa
Halos tatlong taong nabubuhay sa pangamba, na baka isang araw mahuling magkasama
Gusto kong lumayo, tumakbo o mawala, takasan ang bawat kasalanang nagawa
Nagkamali ako sa takot na mapag-isa, ngunit kahit ano pa, alam kong huli na.
📝 Komento mula sa tagasuri|Diomedes Del Rosario
Masasabi ko talagang napakaganda ng kanyang pagkakasulat nitong IKA 6 NA UTOS, na kahit pa noong unang panahon ay nangyayari na ito at hanggang sa kasalukuyan ay naisulat niya ng malinaw at talagang mauunawaan mo bawat detalye ng nakasulat, mula umpisa hanggang sa huli ay perfect ang bawat nilalaman