Ika-anim Na Utos

🇵🇭 2020 Preliminary 菲律賓文初選 🇵🇭

📜 Ika-anim Na Utos
👤 Abegail Magno Morcozo

Hindi pinangarap pero ito ang natupad, dahil sa kamaliang hindi naman hinangad

Aking ginawang kasalanan sa hayop maihahalintulad, paghingi nang kapatawaran makakamit ba agad?

Ang pagkakamaling aking nagawa’y walang patawad, konsensya’y dadalhin san man ako mapadpad

Pagmamahal na matagal ko nang hangad, naramdaman sa kanya’y tila walang katulad.

Lalaking aking iniibig ay may sabit, Ngunit ‘di ginusto ang maging kabit

Unang pagkikita ay agad naging malupit, bumigay agad sa kanyang munting kalabit

Sa kama ako’y kanyang pwersahang hinaklit, pinaramdam nya’y abot ‘gang langit

Hindi iniisip ang maaring maging kapalit, ang wisyo at kamalayan hinayaang maiwaglit.

Hindi pag-ibig ang aking unang naramdaman, kundi makamundong pagnanasa’t tawag ng laman

Ang unang pagkikita’y muli pang nasundan, mga yakap at halik aming pinagsaluhan

Yakap nyang napakahigpit saki’y nagbigay kasiyahan, nawalang saysay dangal na aking iningatan

Halik nyang pumukaw sa aking kaselanan, dali-daling ibinigay ng walang pag-aalinlangan.

Ang pagtanggal ng saplot sa’king katawan ,hudyat ng relasyong lubos na pagsisihan

Ang bawat indayog nang aming kalamnan, nagbigay sigla sa natutulog na kamalayan

ang paglabas-masok sa mundong magiging taguan, tanda ng isang pagsasamahang hindi matatawaran

Alam kong labis nila akong kasusuklaman, sa pangyayaring hindi ko lubos na pinagisipan.

Patagong pagkikita ang naging sandalan, upang makaiwas sa mata ng iilan

Takot sa Dyos ‘t pangamba sa kasasapitan, lahat binaliwala upang kanyang labi’y matikman

Sa kanya natagpuan hinahanap na kasiyahan, Ikaanim Nyang utos pikit-mata kong tinalikdan

Makasama lang sya lahat kakalimutan, maramdaman muli tamis ng kabalintunaan.

Lumalim, umusbong ang relasyong dapat panandalian, walang puknat na asaran at tawagan

Sa kanyang piling kilig aking naramdaman, mga palitan ng mensahe aking inabangan

Parang batang naging sabik sa kakwentuhan, ang iilan kong kaibigan aking pinabayaan

Hindi na inisip ang maaring kahihitnatnan, basta sariling kahugkagan ay makalimutan.

Subalit , unti unting nadurog ang damdamin, ang pagsintang sumibol ng hindi ko maamin

Sapagkat pag-ibig nya’y hindi pwedeng mapasaakin, maganda nilang pagsasama pinilit kong guguluhin

Oras, atensyon at panahon, sinimulan kong nakawin, para pag-ibig nya’ y unti-unting mapasaakin

Masayang nga sandali pinilit kong abutin, upang sya’y malunod ng tuluyan sa’kin.

Alam kong mali itong aking ninais, ngunit sa kanyang tabi ayokong umalis

Kahit sobrang sakit kakayanin kong magtiis, ibibigay lahat kahit ano pang kanyang nais

Maging aking buhay ang kayang ibuwis, nang sa’king piling hindi siya umalis

Sapagkat sya’y mahal ko nang labis, sa tamang daan pinilit kung lumihis.

Ang aming pagsasamahang nabuo sa kasalanan, pinilit itago sa mata ng karamihan

Bumuo ng kwentong puno ng kasinungalingan, isang sekretong ‘di dapat malaman ninuman

Miski isa’y wala akong binalak sabihan, tanging ikaw lamang lubos na pagkakatiwalaan,

Hinangad na sana’y iyong tunay na maintindihan, pinakatago-tagong lihim sana’y iyong pakaingatan.

Marahil iyong nais malaman ang dahilan, kung bakit sa kanya ako’y nakipagmabutihan

Maaring ang sobrang lungkot at kapighatian, dito sa Taiwan sya ang naging sandalan

Walang kaibigan, walang pamilyang pwedeng lapitan, wala kahit na sino na madaling kapitan

Mga katrabaho mong sagad sa kaingitan, kaunting kamalian agad ka nilang pagtatawanan.

Pero hindi lahat hatid ay saya, ang pag-aaway, selos ang naging mitsa

Unti-unti akong inatake ng pagkabalisa, pagkatakot na baka muli akong mag-isa

Na baka makahanap siya ng iba at iwanan nya ako ng basta na

Ibinigay ko ang lahat sa kanya, halos magpakabaliw ako mapaibig lang sya.

Pero kahit ano pa aking gawin, kung hindi naman siya para sa’kin

Wala ring saysay kundi aking tanggapin, kahit patak ng luha’y di kayang pigilin

Sobrang sakit man sa aking damdamin, sigaw parin ng puso aking susundin

Kahit hindi niya ako kayang mahalin, sapat na sakin ako’y kanyang paligayahin.

Hinanap ang kahalagahan ng aking pagkababae, ngunit inaasam na sagot tila imposible

Ang kagaya kong mababang uri ng babae, siguro’y tama na ang mumurahing tsokolate

Kahit ni minsa’y hindi kami nakapagsine, kahit kulang sa kanyang diskarte

kahit hindi man kami pwede, kagalakan ng puso’y sa kanya nakadepende.

Meron bang naghihintay sa aking bukas? O sadyang magiging kabit hanggang wakas?

Ang pag-iibigan nilang sinumpaan hanggang wakas, hanggang kailan ako patuloy na makiki-angkas

Tatlong taon na ang mabilis lumipas, unti-unti na rin akong nawawalan ng lakas

Sa kanilang paghuhusga maari bang makatakas? Panginoon, maari mo ba akong iligtas?

Naging alipin nang sariling pagpapasya, tuluyang nagpakasakop sa mundo ng pagnanasa

Halos tatlong taong nabubuhay sa pangamba, na baka isang araw mahuling magkasama

Gusto kong lumayo, tumakbo o mawala, takasan ang bawat kasalanang nagawa

Nagkamali ako sa takot na mapag-isa, ngunit kahit ano pa, alam kong huli na.


📝 Komento mula sa tagasuri|Diomedes Del Rosario

Masasabi ko talagang napakaganda ng kanyang pagkakasulat nitong IKA 6 NA UTOS, na kahit pa noong unang panahon ay nangyayari na ito at hanggang sa kasalukuyan ay naisulat niya ng malinaw at talagang mauunawaan mo bawat detalye ng nakasulat, mula umpisa hanggang sa huli ay perfect ang bawat nilalaman