De Gatilyong Barko sa Asul na Pantalan

🇵🇭 2020 Preliminary 菲律賓文初選 🇵🇭

📜 De Gatilyong Barko sa Asul na Pantalan
👤 Ian Gail Cabrera

Payapa ang paligid sa tabi nang asul na pantalan. Marahang umiihip ang maalinsangang hanging-dagat sa aking balat. Malagkit at mainit sa pakiramdam. Tinatapik tapik naman nang mga alon ang konkretong mga pader nang pangpang. Wari’y sinusuyo nang dagat ang pantalan mula sa mainit nilang pagaaway sa nagdaang gabi.

Pangkaraniwan ang ganitong eksena sa panahon nang tag-araw dito sa pantalan. Dinudumog din ang pangpang nang mga matantandang nageehersisyo. Binabanat ang mga kasukasuang nangangalawang. Binabati ang mga kumare at kumpadre sa lenguaheng di ko maintindihan. Sila’y masayang nagkekwentuhan at nagtatawanan. Walang bakas nang pagaalala sa mga pustisong mga ngiti. Ngiting bumabanat sa balat na kinulubot nang panahon. Walang marka nang takot sa mga singkit na mga mata. Walang marka nang dapat katakutan.

Ibinaling ko ang aking mga mata sa kaliwang banda. Sa di kalayuan, nakita ko ang malaking estasyon nang tren. Sa taas neto’y mala-kahon na mga tahanan. Maayos ang pagkahelera at pagkasiksik dahil limitado ang ispasyo. Wala nang bakanteng lote sa lugar. Ang mga burol at bundok na hitik sa tahanan , ay hitik din sa mga berdeng puno at damo. Masayang umaawit ang mga pipit. Masayang nanahan kasama ang kapitbahay na mga tao. Ang mga bundok ay isinisigaw ang mga malalaking letrang “K.E.E.L.U.N.G”. Wari’y nasa Hollywood ang pakiramdam nang mga dayuhang naglilitrato at mga nakakakita.

Ako’y patuloy na naglakad sa paligid nang pangpang. Sa aking kanan ay may malapit na katabing kalsada. Ang daloy nang mga sasakyan ay tuloy tuloy. Walang usok. Walang basura. Wang nanlilimos na mga bata. Iba sa aking kinagisnan. Iba sa mahal kong bayan.

Katabi nang kalsada ay ang malawak na parke. Madaming mga dalaga at binatang hataw kung sumasayaw. Bigay na bigay ang pagkendeng nang mga bewang. Lubos ang pagwasiwas nang mga kamay. Parang sa hampas nang katawan at wagayway nakasalalay ang mga marka sa eskwelahan.

Tapat nang parke ay ang malinis na ilog papuntang pantalan. Pinalilibutan nang matatayog na mga gusali ang tabing-ilog. Ang mga istruktura ay nakatindig at matitikas. Parang mga alistong guardiya na nagbabantay sa mga taong sasamantala at dudumi sa ilog.

Ako’y huminto saglit. Lumanghap nang sariwang hangin. Tumingin sa malawak at malinaw na kalangitan. Mga agilang lumilipad sa himapapawid aking napansin. Pakpak na nakabukadkad. Dinidipa ang langit- ang territoryong sakop. Sumasabay sa ihip nang hangin. Paikot ikot at nagmamasid sa pantalan. Mayamaya pa ay narinig ko ang tampisaw nang tubig. Mga isdang matatambok at mahahaba. Maihahalintulad sa braso ang laki nang mga ito. Ang mga pilak na kaliskis ay kumikinang sa pagtama nang sinag ng araw. Magiliw na lumalangoy ang mga isda habang ang agila ay mabilis na bumulusok patungo sa kanilang kinaroroonan. Pinalaspas nang agila ang mahahabang pakpak. Sakmal nang mga paa neto ang matambok na isda. Nagpupumiglas ngunit hindi makaalis ang isda sa matatalim na kuko na nakabaon sa kaniyang dumudugong laman.

Sa ibang bahagi nang pantalan ay ang mga engrandeng yate. Dinuduyan ang mga yate nang malumanay na alon na parang pinapatulog na mga anak. At katulad nang mga anak, ang mga yate ay may iba’t ibang katangian. May matatangkad at may maliliit. May matataba at may mapapayat. May mukhang bagong paligo at may mukhang gugusing takot sa linis.

Tinitigan ko ang aking anino sa asul na dagat. Kinausap ako nang aking konsensiya.

“Sino ang hindi magbibighani sa bansang ito?”

“Progresibong bansa.”

“Malinis na kapaligiran.”

“ Magandang tanawin.”

“Walang trapik na kalsada.”

“Mababait at masayahin ang mga tao.”

“Higit sa lahat, mataas ang palitan nang pera.”

Bulalas sa manghang konsensiya sa akin. Katulad nang panghihimok nang aking mga kakilala sa ganda nang Taiwan. Wika pa nila’y mataas ang aking pinag aralan. Tinapos ko ay inhenyero sibil at malapit ko nang matapos ang aking Masters Degree dito sa Taiwan. Mataas daw ang aking posibilidad na matanggap sa trabaho dito at manatili habang buhay. Para bang naubusan nang pagasa sa sariling bayan.

Kalaunan ay hindi naitanggi nang aking sarili.

“Oo nga naman, maganda nga dito sa Taiwan. Bakit hindi ko i-consider?”sagot ko sa aking konsensiya..

“Tingnan mo si Ate Weng, Maam Marilyn, Ate Leizl at iba mo pang kakilala. Nakahanap nang magandang buhay, nakahanap din nang minahal sa buhay at nagkapamilya nang Tsekwa.”, dagdag nang aking konsensiya.

“Simulan ko na nga din maghanap nang ikakaganda nang buhay ko at mamahalin sa buhay, pagdating ko sa dorm.”

Patuloy akong naglakad. Puno nang hagikhik sa sarili. Natatawa sa mga pinagiisip at mga plano na ninaais. Buong naniwala dahil pinaghambing ang lupang kinalakihan dito sa lupa na ako ay dayuhan lamang.

Hindi ko napagtanto, isang mata lang pala ang bukas sa akin.
Hanggang… idinilat ang pikit kong mata nang sunod na tanawin.
Matang sarado sa isa pang katotohanan.
Matang binuksan at nagpabago nang aking isipan.
Tanawin na una ko palang napagmasdan

-ang De Gatilyong Barko.

Barkong bantay sarado nang mga nakauniporme at armadong lalake na handa sa anumang pagsalakay. Barkong may makakapal at bakal na pader na hindi kayang butasin nang ordinaryong mga bala. Mayroon ding dambuhalang kanyon sa harapan at likod. Idagdag pa ang dalawang dosenang missiles sa magkabilaang gilid. Tila ba’y nakaumang at nakatutok lahat sa akin. Kung iisipin, sa isang maling kalabit nang gatilyo, tapos ang mga pangarap na pinangarap kong gising.

Hindi ko maintindihan ang aking sarili.
Ang aking pagkamangha ay pinalitan nang takot.
Ang aking saya ay naging pangamba.
Ang aking kagustuhang manatili dito ay nag iba.

“Bakit may ganitong klaseng barko dito sa pantalan?” tanong ko sa aking sarili.

“Aba’y hindi ko alam!!!” hugas-kamay na sambit nang aking konsensiya.

“Hindi kaya ay sa Department of Customs yan nang Taiwan?”sagot kong pabalik sa aking konsensiya.

“E diba may patrol boat and customs? Kailangan ba yan nang Customs ang missles at kanyon?” tugon nang aking konsensiya.

Ako’y nagmuni muni. Pumitik sa aking alaala ang balita nang nagdaang mga buwan patungkol sa mga sasakyang panghimpapawid nang pandigma nang Tsina. Ibinalitang dumaan sa territory nang Taiwan.

Bumilis ang kabog nang aking dibdib.
Nagpawis ang aking mga palad.
Pinagpapawisan ang aking mga kilili.
Parang naiihi ako sa aking salawal.
Gustong tumakbo nang aking mag paa.

Narinig ko ang sariling sumambit nang…

“Gusto ko nang umuwi nang Pinas.”

Ang linyang unang bumugso sa aking puso’t isipan. Balisa sa mga maaring mangyari. Takot sa possibleng kahihitnan. Bunga nang labis na pag-iisip. Bunga nang kanonood nang “Ang Probinsiyano”.

“Naku napakalapit pa naman nang keelung sa Tsina.”

“Paano na ang aking pamilya?”

“Paano na ang aking pangarap sa kinabukasan.”

“Mamatay nalang ba akong binata?”

“Hindi ko pa nakukuha ang Diploma ko!!!”

Hinawakan ko ang aking dibdib at kinapa ang tumatalbog kong puso. Hinahaplos at kinakalma sarili. Huminga nang malalim nang makailang beses. Uminom nang malamig na tubig mula sa bakal na baonan. Naging payapa kahit papaano ang aking kalooban. Ako’y napanalangin bigla na nawa wag ipaghintulot nang Maykapal ang aking iniisip at hakahaka.

Muli sa pagkakataong iyon, umihip ang hangin. Hinagod ang nagaalala kong mukha. Pinapagaan din ata nang hangin ang bigat nang aking nararamdaman. O di kaya ay kaaliwan ito sa akin nang Maykapal.

Ako ay natauhan. Ako ay nagmuni muni. Dalawang matang bukas itinanong ko sa sarili.

“Bakit ba ako nag aral sa ibang bansa? Malayo sa pamilya na ang kapalit ay yaman?”

“Konsensiya, diba tayo ay may utang na di mabayad bayaran?”

“Ang utang natin sa bayan na nung tayo’y pinagaral dulot nang karukhaan.”

“Maatim mo bang talikuran ang bayan sa kapangitan at babalikan nalang dahil sa kagandahan?”

Tahimik na sumangayon ang aking konsensiya.

Sa huling pagkakataon ang de gatilyong barko aking pinagmasdan. Hindi ko man alam ang dahilan kung bakit ang de gatilyong barko ay nandito malapit sa aking paaralan. Ang sigurado ko lang, ako’y babalik balang araw para sa aking lupang sinilingan. Bagamat may mga pangambang nakikita ang mga bukas na mata, ito’y isasantabi. Malapit nang makita ang pamilya at bayan na sinisinta.

Layunin ay nalaman. Mabuhay nang hindi lamang para sa sarili. Para sa pamilya. Para sa bayan. Ang mga paa ko ngayon ay palayo nang humahakbang mula sa pangpang. Humahakbang palayo nang may pasasalamat dahil binuksan ang dalawang mata nang de gatilyong barko sa asul na pantalanan.


📝 Komento mula sa tagasuri|Gen

For the Top 10, I reread all the stories no matter how lengthy and I realized that I was smiling on familiar lines. It’s truly surprising to read awesome stories like this. It’s for me, flawless. The author knows exactly what to tell just like how he was able to decide his fate. For me, this is a winning piece.