Babangin ng babangon

🇵🇭 2020 Preliminary 菲律賓文初選 🇵🇭

📜 Babangin ng babangon
👤 Jojo Noveno Tutanes

Babangon nang Babangon
Isang maikling nobela ni Jojo Tutanes tungkol sa buhay ng isang OFW.
Hango ito sa tunay na buhay ng isang kaibigang malapit sa aking puso.
Unang Kabanata: Ang Simula ng Isang Pangarap

Isang musmos lamang ako na nakatira sa isang maliit na kubo sa probinsya ng Laguna. Mallit lang ang aming tahanan, gawa ito sa kawayan habang ang bubuong nito ay gawa sa pawid o pinatuyong dahon ng nipa. Mayroon din kaming maliit na bakuran na may mga tanim na kamote, sitaw, mais at iba pang mga gulay. Maliban dito ay may tatlo rin kaming alagang manok at inaani namin ang itlog nito upang ipangsama sa aming pang kain.

Simple lamang ang dahilan ng aking kasiyahan noong ako ay maliit pa– madalas akong mamitas ng bulaklak na Santan sa aming bakuran at hihigupin ko ang matamis na likido mula sa loob nito at pinagdududugsong dugsong ko rin ito upang gawing pulseras. Ang pulang kulay ng bulaklak nito ay magandang tingnan sa aking kayumangging balat na kumikintab kapag natatapatan ng sinag ng araw.

Kapag sapit ng hapon ay tatawagin ako ng aking ina upang kumain ng merienda. Paborito ko ang kanyang turong na nilalagyan ng langka at kondensada.

“Maria! Nasaan ka na?!” Pasigaw na tawag ng aking ina.

“Kakain na ng merienda! Ipinagluto kita ng paborito mong turon.”

“Opo nay! Nandiyan na po, pauwi na.” Tugon ko habang tumatakbo pauwi sa aming bahay. Sasalubungin niya ako ng may matamis at malaking ngiti, may hawak din siyang bimpo upang punasan ang aking tumatagaktak na pawis. Pagkatapos ay papalitan niya ang aking sando, paborito ko ang kulay na pink kaya naman ang lahat ng aking sando ay ganito ang kulay.

Matapos niya akong linisan ng aking katawan ay uupo na ako sa harap ng lamesa upang kumain ng merienda. Ihahain ni inay ang paborito kong turon at coke na umaapaw ang yelo. Amoy pa lamang ng kanayang turon ay nakakahumaling na at pagkagat mo nito ay malalasahan mo ang tamis ng langka at kondensada pati narin ang linamnam ng sagingna saba.

Kasabay ko rin si itay na mag merienda, madalas ay kakatapos lang niyang magkumpuni sa maliit niyang talyer katabi ng aming bahay. Madalas siyang magkuwento tungkol sa iba’t ibang bansa at ang magagandang tanawin at masasarap na pagkaing makikita rito.

“Anak” tawag niya sa aking pansin habang ngumunguya ng turon.

“Ano po iyon tay?”

“Alam mo ba na sa bansang Taiwan ay marami kang makikitang higante?”

“Higante?” namamangha kong pagtatanong. “Talaga itay?! May mga higante sa Taiwan?”

“Oo anak.” Huminto siya nang saglit at patawang dinugsong ang “Maraming higanteng building doon na ang tawag ay skyscrapers.”

“Tay naman eh! Akala ko higanteng tao, ang hili mo talagang magbiro.” Yamot na sabi ko sakanya.

Pinagtawanan lang nila ako ni inay dahil daw nakakatuwa ako kapag naiinis ay namumula ang aking taenga.

“Pero totoo anak, nakakamangha ang mga tanawin roon. Matataas ang mga building na kailangan mong itingala magaling ang iyong mukha para makita ang tuktok nito. Maganda ring pagmasdan ang mga buildings na ito sa gabi dahil mailaw ang mga ito at iba iba pa ng kulay.” Pagpapatuloy niya ng kanyang kuwento. “Masarap din ang simoy ng hangin at kapag pumunta ka sa mga probinsya doon ay dalawang kulay ang iyong matatanaw: asul at berde. Berde dahil punong puno g mga halaman at puno ang mga bundok roon at asul naman dahil sobrang linaw at linis ng tubig.”

Nanalalaki ang aking mga mata sa mangha kapag nagkukuwento ng ganito si tatay tuwing merienda. Nagtatawanan lang kami–masaya habang kumakain ng isang simpleng merienda. Isa itong kayamanang hindi ko kailanman ipagpapalit sa kahit anong bagay.

Bukod dito ay ito rin ang rason bakit sinimulang isigaw at naisin ng puso ko ang makapunta sa Taiwan at sa marami pang ibang bansa- isang mataas na pangarap para sa isang mumos na kagaya ko.

Pangalawang Kabanata: Mas Pag-aalab

Mas pinag-alab pa ang ang aking pangarap nang ako ay magsimalung pumasok sa eskuwelahan.

Noong ako ay tumungtong ng pitong taong gulang ay ipinasok na ako ng aking mga magulang bilang grade one sa isang pribadong paaralan malapit sa aming bahay. Isang pribilehiyo para sa isang kagaya ko ang makapag aral sa ganitong klase ng paaralan dahil isa lamang akong scholar. Nakuha ko ang scholarship na ito dahil wala akong mali sa entrance exam.

Sa unang araw ng pasukan ay ginising ako ng aking nanay.

“Anak gising na? Nasasabik ka na bang pumasok?” Ang ika niya.

“Opo nay. Masaya po ako na papasok na po ako sa skul.”

“O siya, maligo ka na at magbihis. Ihahanda ko na ang babaunin mong pagkain.” Sagot niya.

Bumangon na ako, nagsipilyo, naligo at nagbihis ng uniporme. Itinirintas din ng aking ina ang aking mahabang buhok at nilagyan ng katamtamang laki ng isang pink na laso.

Bago pumasok sa eskuwelahan ay kumain narin ako ng agahan. Nang paalis na ako sa bahay ay hinalikan ako ng aking ama sa aking noo pagkatapos ay sinabi niya ang mga salitang “I love you nak. Galingan mo anak ha para maabot mo ang iyong mga pangarap.”

Sumagot ako nang nakangiti at sinabing “Sige po tay. Gagalingan ko po talaga para makapunta ako sa iba’t ibang bansa. I love you din po tay.” Pagkatapos nito ay naglakad na ako papunta sa eskuwelahan.

Marami akong kasabay na mga bata papasok dito, may mangilan ngilang naglalakad ngunit mas marami ata ang hinatid gamit ang kotse. Napansin ko rin na ang gaganda ng sapatos nila, gawa ito sa balat habang ako ay nakatsinelas lamang na gawa sa goma. Ang gagara rin ng gamit nilang bag– makukulay ang mga ito at may gulong upang hindi sila mahirapang buhatin. Samantalang ang bag ko ay gawa naman sa katsa na tinahi ng kamy ng aking ina at pininturahan ng imahe ng santan gamit ang jobus.

Nakapasok na ako sa aking classroom at maraming bata ang nakatingin sa akin.

“Sino ka?” tanong ng isang bata habang tinitingnan niya ako mula ulo hanngang paa.

“Ah ako pala si Maria. Ikaw anong pangalan mo?” Sagot ko naman sakanya habang nakangiti.

“Maria? Bakit naka tsinelas ka lang? Mahirap ka lang ba?” tapos nagsitawanan ang buong klase namin. Mangilid ngilid ang luha ko nun, pinipigilan ko itong tumulo. Ngunit ang pakiramdam ko nun ay gusto kong lamunin na lamang ng lupa upang maglaho.

Buti na lamang ang dumating agad ang aking guro nang panahon na iyon at sinabing “Class manahimik kayo! Sige na Maria, umupo ka na at huwag mo silang pansinin. Alam niyo ba ay isa si Maria na nakaperfect sa ating entrance exam kaya kahit mahirap siya ay napakasipag naman niyang mag-aral.”

Tumahimik nga sila uli silang nagtinginan saakin nang banggitin iyon ng amin guro kaya naman ay umupo ako sa upuan sa pinakadulong bahagi ng aming silid aralan.

Naging palatandaan ang araw na ito sakin upang mas mag pursige at pagbutihin ang pag aaral kaya naman taon taon ay nagtatapos ako bilang “Top 1”. Unti unti kong nakuha ang respeto ng aking mga kaklase at naging kaibigan ko narin and mga dating tinatawanan lang ako. Kapag may mga tanong sila tungkol sa aming mga pinag aaralan ay agad ko naman silang tinutulungan.

Ang araw na iyon ay naging mitsa ng mas pag-aalab ng aking pangarap- ang pangarap na makita ang ganda ng buong mundo ng sarili kong mga mata.

Pangatlong Kabanata: Ang Pagpupunla

Nakatungtong na ako ng highschool at ito ang simula ng aking pagpupunla, ang pagtatanim upang maani ko ang lahat ng produkto ng aking pinaghirapan pag dating ng tamang panahon. Iginugol ko ang lahat ng aking lakas at oras upang mag aral nang mabuti, magkaroon ng matataas na marka, at ng magandang pagkakakilanlan.

“Lahat ng ito ay para sa pangarap mo, Maria.” yan ang lagi kong sinasabi sa aking sarili kapag ako’y nahihirapan na at malapit nang sumuko.

Iniisip ko ang aking pangarap at sa tuwing nahihirapan ako ay ipipikit ko ang aking mata at nakikita ko ang aking sarili na lumilipad patungo sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Tila ba makatotohanan na nasa Taiwan ako dahil buhay na buhay ang mga kulay na nakikita ko sa aking imahinasyon.

Para akong naglalakbay dito dahil malinaw kong nakikita sa aking utak ang matatayog na mga skyscrapers na sinasabi ng aking ama noong ako ay bata pa lamang. Nararamdaman ko din ang maliwanag na sinag ng araw habang naglalakbay ako sa mga probinsay ng Taiwan at pinagmamasdan ang mga bundok na punong puno ng mga puno. Tila ba nahahawakan ko rin ang malamig at kumikinang na tubig mula sa isang lawa na aking pinuntahan.

“Maria” tawag ng aking ina.

Napabalikwas ako at malungkot na umupo dahil ang lahat pala ng aking nakita ay purong imahinasyon lamang.

“Inay, bakit po?” tanong ko naman sakanya.

“Kakain na ng hapunan. Huwag kang mag palipas ng gutom anak dahil mas lalong ‘di ka makakapag aral nang maayos niyan.”

“Opo nay. Sususnod po ako.” ang sagot ko sakanya.

Matapos kumain ng hapunan ay bumalik na ako sa aking kuwarto, umupo sa harap ng kompyuter at nag basa basa muli ng kung ano anong mga bagay. Maya maya ay may nakita akong isang advertisement na nagsasabing “STUDY IN TAIWAN FOR FREE”.

Napatalon ang puso ko sa galak at sinabi sa aking isipan na “Pagkakataon ko na itong makapunta sa Taiwan!”. Agad kong tiningnan at binasa ang mga kwalipikasyon upang makuha akong isang scholar sa Taiwan sa susunod na pasukan. Kailangan daw ay matataas ang grado ngayong high school at makapasa sa isang pagsusulit.

Tila ba lumipad nanaman ang aking isip nang sumagi nanaman sa aking imahinasyon ang makapunta sa Taiwan- isang bansang matagal ko nang pinapangarap. “Pag iigihan ko ang pagsusulit na ito.” sabi ko sa aking sarili. “Minsan lang ako magkakaroon ng ganitong klase ng pagkakataon kaya kailangan kong makapasa bilang isang scholar.”

Galak na galak at kabang kaba ako nang mga panahong iyon. Isa iyong pagkakataon upang makapangibang bansa ako at maiahon ang pamilya ko mula sa hirap.

Isang pagpupunlang malapit nang magbunga.

Pang-apat na Kabanata: Ang Pagbubunga at Pag-abot

Kinuha ko ang pagsusulit upang maging isang scholar sa National University of Taiwan. Isang umaga makalipas ang kulang kulang na isang buwan ay ginising ako ng aking ina mula sa mahimbing na pagkakatulog.

“Maria” sigaw niya ngunit di parin ako bumabangon.

Lumapit na siya at niyugyog ako habang sinasabi ang “Maria, gising na may sulat kang dumating.”

“Sulat?” sabi ko habang papungay pungay pa ang aking mga mata.

“Oo anak. Sulat. Ang sabi dito ay galing sa National University of Taiwan.”

Napabalikwas ako at agad na kinuha sakanya ang isang puting sobre. Galing nga sa National University of Taiwan ang liham. Kinurot ko nang madiin ang aking pisngi at sinabi sa aking ina na “Nay nananaginip po ba ako?”

“Loka loka ka nak! Hindi! Tunay na buhay ito! Sige na buksan mo na iyan.” sagot niya sa akin.

Tumulo ang pawis ko habang pinag iisipan kung bubuksan ko na ba ang sobre. Nakakakaba at ang daming tanong na pumapasok sa aking isipan.

“Pano kung bumagsak ako? Ang sakit yatang tanggapin non. Pa[rang ipapamukha sa akin na hindi ko kayang abutin ang aking pangarap.”

“Pano naman kung pumasa ako? Mapapalayo ako kay inay at itay baka di ko kayanin at ma-homesick ako.”

Ngunit pinisil ni inay ang aking balikat at sinabing “Anak, kung ano man ang resulta ay mahal na mahal ka namin ng tatay mo. Saka anak, matalino kang bata, tiyak kong hindi ka mauubusan ng oprtunidad sa buhay.”

Gumaan ang pakiramdam ko nang sabihin ito sa akin ni nanay ngunit may kauntiparing kaba akong naramdaman habang binubuksan ang liham.

Nang ito ay akin nang mabuksan ay tiningnan ko agad ang dulong parte ng letra kung saan makikita ang resulta ng aking aplikasyon.

Iba ang kulay nito, nakasulat sa pula at nagsasabing “Congratulations, Maria! We are very proud to tell you that you have been accepted as a scholar!”

Napasigaw ako habang naluluha nang mabasa ko ito.

“Inay tanggap ako! Makakapag aral ako ng kolehiyo sa Taiwan!” sabi ko kay nanay.

Niyapos niya ako at napaluha na rin siya sa sobrang tuwa. “Ang galing galing mo talaga anak! Siya, pumunta ka sa iyong tatay at sabihin mo din sakanya ang magandang balitang ito.”

Tumakbo ako papunta sa talyer ni itay habang sumisigaw ng “Tay! Tay! May balita ako!” Hapong hapo ako sa kakatakbo at kakasigaw.

“Ano iyon anak at bakit ka nagsisisigaw?” tanong niya.

“Tay! Makakapunta na ako ng Taiwan at makakapag aral pa ako ng kolehiyo ng libre!” sagot ko sakanya habang ipinapakita ang dala dala kong liham.

Inabot ko ito sakanya at binasa niya. Humarap siya sa aking nang natulo ang mga luha sa kanyang mga mata at nakangiti. Ang laki ng ngiti niya halos lagpas ng kanyang mga taenga.

“Anak ang galing mo talaga! Mana ka kay tatay!” sabi niya sabay yapos sa akin. “Natutupad mo na paunti unti ang iyong mga pangarap anak!” dagdag niya.

“Salamat tay! Para po sainyo ‘to ni nanay. Mahal na mahal ko po kayo!” sabi ko naman sakanya.

“Ay nako! Kailangan mo na pala ng malalaking bag para paglagyan ng mga gamit mopag punta mo roon pati narin ng mga bagong mga damit para di ka lamigin dun.” pahabol niyang sabi. “Tara magtingin tayo sa ukay-ukay!” yakag niya.

“Tay naman para namang pinapaalis mo na ko eh! Mas excited ka pa sakin!” sagot ko sakanya tapos sabay kaming tumawa.

Ang saya saya ko sa araw na iyon dahil nagbunga na ang lahat ng paghihirap at oras na aking ipinunla at unti unti ko naring naaabot ang aking mga pangarap.

Nakalipas ang dalawang buwan at panahon na upang lumipad ako papuntang Taiwan dahil isang linggo na lamang ay mag-sisimula na ang unang semestre.

Ihinatid ako ni nanay at tatay sa airport. Habang nasa loob na kami ay nagpapaalam na kami sa isa’t isa.

“Anak huwag kang mag-pabaya sa sarili mo roon ha. Lagi kang kumain sa oras at huwag na huwag kang hindi kakain.” Sabi ni inay.

“Oo nga anak. Tsaka huwag ka nang lalabas kapag gabi, doon ka na lamang sa dormitoryo mo upang di kami nag aalala sayo.” dagdag ni itay.

“Galingan mo ang pag aaral mo ha. Huwag mong sayangin ang oportunidad na ito. Basta pag nahihirapan ka na, tawagan mo lang kami ng nanay mo para ibuga mo samin ang hirap na nadarama mo.” sabi ulit ni tatay.

Tinawag na ang flight ko at kailangan ko na daw sumakay sa eroplano. Nangingilid ang mga luha sa mga mata naming tatlo. Mahirapang pag papaalam na ito dahil limang taon akong mahihiwalay sa kanila.

Niyapos nila akong dalawa sa huling pagkakataon. “We love you anak” sabi nialang dalawa.

“O siya, baka maiwanan ka pa ng eroplano. Basta huwag mo kaming kalilimutan ha.” sabi ni tatay.

“Tay naman eh! Para namang mamamatay na ko sa habilin mo eh!” pabiro kong sabi. Tumawa sila ni nanay. “Mahal na mahal ko din kayo nay, tay! Para po sainyo ito!.” yan ang mga huling salitang sinabi ko sakanila bago ako lumipadpapuntang Taiwan.

Pang-limang Kabanata: Ang Pag-guho

Isang buwan na nag magsimula ang klase ko, magaganda ang mga gradong aking nakukuha at iba rin ang klase ng saya na nadarama ko dito sa Taiwan.

Marami na din akong nabisitang mga lugar katulad ng Taroko National Park at Sun Moon Lake. Tama nga ang sabi ni tatay. Ang daming mga skyscrapers dito na tila ba mga higante.

Maganda ang takbo ng aking buhay. Estudyante sa umaga at sa gami naman ay suma-sideline ako bilang isang waitress. Ang kinikita ko dito ay pangdagdag sa pambili ng mga gamit at libro na kailangan ko sa pag aaral. Kapag may sobra ay pinapadala ko naman ito kayla inay sa Pilipinas. Masaya ako dito ngunit ang di ko alam ay may isang delubyo pala akong haharapin.

Isang araw ay tumawag ang aking ina sa akin. “Nay! Bakit ka napatawag? Kamusta na po kayo diyan ni tatay?”. Ngunit walang sumasagot mula sa kabilang linya. “Nay? Nandiyan ka ba? Naririnig mo po ba ako?” dagdag ko.

Ilang segundo ang lumipas ay mga hikbi akong naririnig mula sa kabilang linya. “Nay bakit paarang umiiyak ka po?” tanong ko sakanya.

“Anak” nagsalita na siya at sa oras na ito ay ang hikbi niya ay naging hagulgol na. “Patay na si tatay, anak.” nanlamig ang buong katawan ko at nanigas ito na tila ba naparalisa ako dahil sa aking narinig.

“Ano ma? Pano nangyari yun. Wala naman kayong binabalita sa akin na may sakit si tatay ah.” iyak lamang ng iyak si nanay sa kabilang linya kaya hindi niya ako sinagot. “Ano po ma? Anong nangyari, naaksidente ba siya? May pumatay ba sakanya?”

Sa pagkakataong ito ay sumagot na si nanay. “Hindi anak. Matagal na pala siyang may sakit. Miski ako ay ‘di ko alam na may sakit pala siya. Tinago din niya ito sa akin at kaninang umaga ay bigla na lang siyang hindi nagising. Sabi ng doktor ay may namuo na palang dugo sa kanyang utak.”

Hindi na ako nakasagot kay nanay, para akong nawalan ng boses at parang binuhusan ng tubig na punong puno ng yelo. Nahulog ko nalang ang aking telepono at humagulgol. Sumisigaw ako ng “Tatay, tatay! Bakit di mo sinabing may sakit ka? Bakit bigla ka nalang nangiwan?”

Hindi ko maipaliwanag ang sakt na naramdaman ko ng araw na iyon. Dalawang linggo akong ‘di pumapasok sa kahit anong klase, nasa loob lang ako ng dormitoryo ko at nakatitig lang ako sa kawalan. Wala nang luha ang tumutulo sa aking mga mata dahil naubos na yata ito.

Ang sakit sakit parin ng nararamdaman ko sa aking puso– para itong pinukpok ng martilyo. Hindi rin ako makahinga. Ilang araw na rin akong hindi kumakain. Wala akong gana at nawawalan narin ata ako ng ganang mabuhay.

Isang gabi ay nagpasiya akong lumabas ng dormitoryo. Naglakad lakad ako ng naka jacket. Isinuot ko ang hood nito dahil ayokong may makakita sa akin na tumutulo ang aking luha.

Ang dami ko nanamang niluha, napakalabo ng aking paningin dahil sa mga luhang namumuo sa aking mga mata. Wala akong makita, ni hindi ko nga makita ng malinaw ang aking dinaraanan. Hindi ko nadin alam kung saan ba ako napadpad. Wala din akong maintindihan sa mga naririnig ko mula sa aking paligid.

Di ko alam ay nasa gitna na pala akong ng highway kung saan maraming sasakyang ang dumaraan at muntik na akong masagasaan. Buti na lamang ay may humila sa aking isang lalaki.

“Miss, nagpapakamatay ka ba?” sabi niya sa akin.

Pinunasan ko ang aking mga mata upang makita siya ng malinaw. Isa din siyang Pilipino kagaya ko. Di ako makasagot, yumakap na lamang ako sakanya at muling humagulgol. Hinayaan lang niya ako. Nadama din siguro niya na kailangan ko ang pagkakataon na iyon, isang taong mayayakap, makakapitan, at maiiyakan sa panahong parang pinagsarahan ako ng langit.

Kumalma na ako, nalaman kong ang pangalan niya ay Eli. Umupo kami sa sidewalk at kinuwento ko sakanya ang aking pinag daraanan. Matapos nito ay kumain kami sa isang convenience store at humigop ng mainit na sabaw.

Hinatid rin niya ako sa aking dormitoryo at siya ay tuluyan nang nagpaalam.

Pang-anim na Kabanata: Ang Pag-bangon

Nang gabing iyon na muntik narin akong sumunod sa aking ama kundi ako nahila ni Eli ay nakatulog ako nang mahimbing. Napanag inipan ko rin si tatay, maliwanag ito at makatotohanan.

Sa panag inip ko ay bumalik ako sa pagka-bata, kumakain kami ni tatay sa aming lamesa ng paborito kong turon.

“Anak” sabi niya “Alam mo ba na sa Taiwan ay may mga higante?”

“Higante?” sagot na sagot ko sakanya. Ngunit nagtataka ako dahil parang naitanong na niya ito sa akin dati.

“Oo anak. Higante” tumigil siya nang panandalian at idnugsong ang “Higanteng building anak. Madaming mga skyscrapers sa Taiwan.”

“Andiyan ka na anak. Abot na abot mo na ang iyong mga pangarap. Hindi ka nag iisa, hindi kita iniwan. Andito lang ako, nasa tabi mo at palaging umaalalay.”

Nagising ako ng may tumutulong luha sa aking mga mata. Naramdaman kong nandun si tatay habang nanaginip ako. Naririnig ko siya at parang makatotohanan ang lahay. Umiiyak ako dahil sinayang ko ng dalawang linggo ang lahat ng oportunidad ko. Muntik ko pang kalimutang pahalagahan ang aking buhay.

Habang umiiyak ako ay sinasabi kong “Sorry tatay. Gagawin ko lahat para ipag patuloy ang pag abot sa aking mga pangarap.”

Napag isip isip ko ang lahat ng aking ginagawa. Hindi dapat ako magpatalo sa bagyong ito. Nagkaroon ako ng insipirasyon na isulat ang isang tula.

Ang Pagbangon ng Ibon

Hinagpis- yan ang aking naranasan
Nagdulot ng pakiramdam na di ko malilimutan
Nawala ako sa kadiliman
Di makakita at di mapalagay

Tila isang ibong nawalan ng pakpak
Di makalipad sa mundong malawak
Napilitang maglakad sa daang malubak
Nadadapa at nasusugatan

Ngunit ang pakpak ay di ko kailangan
Tibay ng loob at lakas ng kalooban
Yan ang mahalaga, yan ang kailangan
Upang ang pangarap ay patuloy na makamtan

Kaya kahit ang pakpak ko ay wala na
Tatayo parin ako at patuloy na lalaban
Sa mundong ito na puno ng pait
Nakikita parin ang liwanag

Matapos kong isulat ang tulang ito ay muli akong nabuhayan ng loob. Ako ay patuloy na babangon at kahit anong delubyo man ang dumating sa aking buhay ay babangon ako nang babangon.

Sisimulan ko uling harapin ang aking buhay dito sa Taiwan ng taas ang noo at puno ng motibasyon– para kay tatay at para kay nanay.

Lalaban para sa pagmamahal,

Maghihirap para sa pagmamahal,

Madadapa para sa pagmamahal,

At higit sa lahat ay babangon para sa pagmamahal.


📝 Komento mula sa tagasuri|Nene Ho

From a poor family she worked her way up to become a scholar in Taiwan.
This she offered for her dear parents. A student at daytime and waitress at night to
Cope up with her daily expenses. The father passed away. She lost her inspiration and quit school for two weks and while walking on the street. She was saved by a Filipino friend from an acident. After all she realized that she should keep on with her hopes for the family.

📝 Komento mula sa tagasuri|Gen

Reading it for the second time proved my choice as one of the top candidates as I call the entries that would be part of my Top 10. The story is simple, relatable, common but enjoyable to read despite the length. The story depicts a typical Filipino where dreams are locked on financial stability, diploma and goinf abroad. I admire intelligent people but I would be more grateful if these brilliant Filipinos are being kept by our own nation, nurtured and given the kind of opportunity that they deserve that would benefit the race.