Agham at teknolohiya ngayon: Isang sanaysay sa pagsusuri ng kasalukuyang estado ng agham at antas ng kalinangang pang-agham sa Pilipinas

🇵🇭 2020 Preliminary 菲律賓文初選 🇵🇭

📜 Agham at teknolohiya ngayon: Isang sanaysay sa pagsusuri ng kasalukuyang estado ng agham at antas ng kalinangang pang-agham sa Pilipinas
👤 Ace Bryan Sotelo Cabal

Ang Agham ay sinasabing katawan ng karunungang pinanday ng panahon at ng mga brilyong utak upang pagsilbihan ang lipunan. Gayon nama, ang teknolohiya ay produkto ng agham na ginawa upang maibsan ang paghihirap ng sangkataohan. Mula sa panahon ng bato hanggang sa makabagong panahon ay pinagsisilbihan na ng agham ang lipunan, mula sa malikot na imahinasyon ng mga luma at bagong tao. Napakarami at hindi na mabilang ang ambag ng agham at teknolohiya sa sangkatohan sa araw-araw nating pamumuhay, mula sa pananamit, pagkain, kapaligiran, medisina, komunikasyon, inhinyerya, at marami pang iba. Naging matagumpay ang lipi ng mga tao dahil sa agham at teknolohiya. Ngunit sa kabila ng pag-usad at pag-unlad ng agham at teknolohiya sa iba’t-ibang panig ng daigdig, nasaan na kaya ang antas ng kamalayan at kalingang pang-agham ng mga Pilipino? Ano na kaya ang estado ng agham sa Pilipinas? Bukas ba ang isipan ng mga Pilipino sa pag-unlad na ito? Tinatangkilik ba ang mga pagbabago at pag-unlad ng mga teknolohiya? Maalam ba ang mga Pinoy sa mga kahulugan at kakanyahan ng agham?

Sa mga nagdaang buwan at sa simula pa lamang ng taong kasalukuyan, sari-saring kalamidad na ang ating naranasan mula sa mga sunog sa kagubatan, dito at sa ibang bansa, pagputok ng mga bulkan sa iba’t-ibang panig ng mundo lalo na ang pagputok ng Bulkang Taal dito sa Pilipinas, bagyong Ambo at iba pang parating na malalakas na bagyo pagpasok ng panahon ng tag-ulan, paglaganap muli ng mga nakahahawang sakit tulad ng tigdas at polio, ang hindi matapos na pagdami ng sakit na Dengue Hemorrhagic Fever, at ang pandaigdigang sakit na COVID-19. Lahat ng ito ay nagdudulot ng pasakit at kamatayan sa sangnilikha ngunit sa pamamagitan ng agham ay nakagagawa tayo ng mga paraan upang sugpuin ang mapaminsalang epekto ng mga suliraning ito. Gaya na lamang ng agham ng Volcanology and Seismology. Nagawa ng mga Pilipinong siyentipiko ng magbigay ng maka-agham at siyentipikong pagpapayo sa mga kinauukulan sa pagdedesisyon ng mga karampatang galaw na nakatulong upang walang masawi at manatiling ligtas ang mga tao sa paligid ng Bulkang Taal noong ito ay pumutok noong buwan ng Enero taong kasalukuyan. Hindi rin natin maitatanggi na sa gitna ng pandemiyang dulot ng SARS-CoV-2 ay dumulog ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga Pilipinong eksperto at siyentipiko sa Pampublikong Kalusugan, Nakahahawang mga Sakit, Epidemiology, Mathematics, at iba pa upang masugpo at labanan ang higit pang pagkalat ng virus sa bansa. Isa din ang Pilipinas sa mga bansang umaasa at nakikilahok sa pag-aaral sa pagtuklas ng gamot at bakuna laban sa nakahahawang sakit na ito. Magkagayon man, nakalulungkot isipin na marami sa ating mga kababayan ang sarado ang isipan o dili kaya’y kulang sa kaalaman sa agham na bumabalot sa proseso ng pagtuklas ng mga gamot at bakuna sa mga nakakahawang mga karamdaman. Isang halimbawa dito ay ang mababang saklaw ng programang pagbabakuna sa mga nakahahawang mga sakit lalo na sa pagputok ng isyu sa bakunang Dengvaxia.

Ano-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit mababa ang antas ng kalinangang pang-agham sa Pilipinas? Ito ba ay dahil sa kultura dahil marami pa din sa ating mga kababayan ang naniniwala sa mga albularyo at mga sakit na sinasabing kagagawan ng mga nilalang na hindi nakikita ng mga mata tulad at maging ang kulam at barang. Ito ba ay dahil sa paglaganap ng mga “Fake news” sa mga social media platforms? Dahil ba ito sa mahinang kalidad ng edukasyong pang-agham at mababang uri ng mga programang pang-agham ng gobyerno? Ang dahilan ba nito ay ang hindi pagbaba ng mga siyentipiko sa mga pamayanan at pananatili lamang sa kanilang mga laboratory? O dahil wala talagang pakialam at kamulatan ang mga Pilipino sa agham?

Magpahanggang ngayon ay marami pa ding mga Pilipino ang sumasangayon sa mga gawi at paniniwalang walang siyentipikong basehan na marahil ay impluwensiya na din ng kultura at tradisyon. Ito ay pinalalala pa ng hindi mabuting estado ng komunikasyong pang-agham sa media lalo na sa mga lugar na hindi nararating ng radyo at telebisyon. Pinaiigting pa ito ng mga nagkalat na mga “Fake news” sa social media. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang paniniwalang ang sakit na nararanasan ng isang kapamilya ay bunga ng galit ng isang engkanto o ganti ng isang elemental na nilalang. Nagkakaroon din ng pag-gambala sa mga likas na yaman tulad ng mga flying foxes o mga malalaking paniki na pinagkakamalang aswang sa laki nito at paglipad nito sa gabi upang humanap ng pagkain. Sinisisi din ang mga paniki ng mga tao sa pagkalat ng COVID-19 na hindi dapat mangyari sapagkat nananahimik ang mga nilalang na ito sa kanilang mga pugad at tayong mga tao ang umiistorbo sa mga ito. Nariyan din ang pagpatay sa mga lumba-lumba at dugong na pinagkakamalang sirena ng ibang mga tao sa mga pamayanang nasa baybayin. Isama na natin ang walang basehang pangamba ng mga tao kabilang na ang mga politiko at mga halal na opisyal sa mga bakuna at sa mga proseso ng pagbuo at pagpapaunlad ng mga gamot, bakuna, at gamit medikal. Napakataas pa din ng kakulangan sa kaalaman tungkol sa mga karamdamang nakaaapekto sa buong bansa tulad ng COVID-19, HIV/AIDS, dengue hemorrhagic fever, diabetes, altapresyon, at iba pang usaping medikal.

May mga ebidensyang nagtuturo sa lumalalang sitwasyon ng kalingangang pang-agham sa Pilipinas. Nailathala noong nakaraang taong 2019 ang pag-aaral ng Organization for Economic Cooperation and Development noong 2018 na ang Pilipinas ang may pinakamababang antas ng pagbasa at pag-unawa mula sa 79 na bansang kalahok sa Programme for International Student Assessment (PISA). Nakakabagabag ang naging resulta ng pagsusuri sapagkat ang mga labinlimang taong gulang na mga batang Pilipinong sinuri sa nasabing pag-aaral ay nagtala lamang ng iskor na 340 sa pagbasa na nahuhuli ng 200 puntos sa Tsina na nagtala ng 555 puntos at huli ng 100 puntos mula sa 487 katamtamang puntos sa buong mundo. Pangalawa din sa pinakamababa ang mga Pilipino sa kategoryang Matematika na nagtamo lamang ng 353 puntos at 357 na puntos sa Agham kasama ng bansang Panama na mas mataas lamang sa bansang Dominican Republic. Higit itong mababa sa katamtamang iskor na 489 sa Matematika at 483 sa Agham. Ayon sa PISA, ang isa sa maaaring dahilan nito ay ang socio-economic na estado ng mga kabataang sinuri na siyang naitalang dahilan sa 18% variance na mataas sa katamtamang bahagdang variance na 12% sa mga sinuri. Ang resulta ng pag-aaral na ito ay nagbibigay halaga sa epekto ng socio-economic na estado ng isang bata sa kanyang pagkatuto at antas ng kamangmangan. Mula naman sa datos ng Kagawaran ng Edukasyon noong 2012, ang mga mag-aaral sa mga mataas na paaralan ay nagkamit lamang ng Mean Percentage Score (MPS) na 40.53 sa Agham na syang pinakamababa sa lahat ng asignaturang inaral mula sa resulta ng National Achievement Test sa nasabing taon.

Kung titignan naman natin ang ulat mula sa local at pangdaigdigang mga ahensya tungkol sa estado ng agham at pananaliksik sa Pilipinas, ang datos ng Global Competitiveness Report 2016-2017 na inilathala sa World Economic Forum ay nagsasabi na ang Pilipinas ang ika-83 sa 138 bansa sa kategoryang Technological Readiness na mas mababa mula sa ika-68 pwesto nooong 2015-2016. Ayon naman sa ulat ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, ang Pilipinas ay nagtatabi lamang 0.14 bahagdan ng taunang Gross Domestic Product (GDP) nito para sa mga gastusin sa pananaliksik sa agham o Gross Domestic Research and Development (GERD) na siyang pinakamababa sa Timog Silangang Asya na may katamtamang GERD na dalawang bahagdan ng GDP sa mga bansa sa rehiyong ito. Maging ang dating pinuno ng National Economic Development Agency o NEDA na si Ginoong Ernesto Pernia ay nagmungkahi na dapat itaas ang paggugol sa pananaliksik sa Agham sa 2 bahagdan o 240 bilyong Piso kada taon upang maitaas ang kalidad ng pananaliksik sa Pilipinas at ang kabuuang antas ng agham at teknolohiya sa bansa. Ang kalagayang ito ay pinalala pa dahil sa pagtapyas ng kasalukuyang pamahalaan sa budget ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya mula 20.26 bilyong Piso noong 2019 patungo sa 20.10 bilyong Piso ngayong 2020 na mas mababa ng 79.85 milyong Piso. Ayon naman sa ulat ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organizaiton o UNESCO noong 2015, mayroon lamang 200 siyentipiko kada 1 milyong katao sa Pilipinas at isang daan lamang dito ang nagsisilbi sa bansa bilang full time na mananaliksik. Ito ay mababa kumpara sa minimithing dami na 380 na siyentipiko kada 1 milyong katao.

Maraming mga Pilipinong katulad ko ang nag-aaral at nagpapakadalubhasa sa agham sa ibayong dagat tulad dito sa bansang Taiwan ang pinipiling hindi bumalik sa Pilipinas at yaong mga bumalik naman ay pinipiling lumabas muli dahil sa iba’t-ibang kadahilanan. Isa sa mga salik na nagtutulak sa mga siyentipiko sa Pilipinas na lisanin ang bansa ay pagkadismaya sa napakabagal sa pag-usad ng mga dokumentong nagtatalaga sa kanila sa mga ahensya ng gobyerno at ang mga naaantala at mababang pasahod na dinadagdagan pa ng mga klerikal na gawain at walang katapusang pagpupulong na wala naming pinatutunguhan. Nariyan din ang napakatagal na proseso ng pag-aproba ng mga research grant proposals, problema sa batas sa procurement ng mga gamit na kailangan upang mapatakbo ng mabuti ang mga laboratory at magawa ng mabuti ang mga pananaliksik. Idagdag pa ang kakulangan sa mga pasilidad upang maging matagumpay at tuloy-tuloy ang siyentipikong aktibidad sa bansa. Bukod sa mga salik na nagtutulak, mayroon ding salik na umaakit sa mga siyentipiko sa Pilipinas na mangibang bansa o hindi na bumalik sa bansa tulad ng mas maayos na sistema ng pananaliksik, mas mataas na sahod, mas mataas na pagtangi sa mga mananaliksik ng mga dayuhang pamahalaan at pamayanan, at iba pang mga kadahilanan.

Mayroon ding pagkukulang sa pagpapabatid sa balana ng mga siyentipikong pamamaraan at impormasyong maka-agham. Maaaring dahil wala nang panahon ang mga siyentipiko upang mas maipaliwanag ng mabuti kung ano ang agham at teknolohiya at ang epekto at tulong nito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Pwede din namang may mga siyentipiko na nakatira sa toreng garing na sadyang mataas ang tingin sa sarili at iniisip na hindi naman mauunawan ng pangkaraniwang tao ang agham na kanyang ginagawa. Samakatuwid, mas dapat pang paigtingin at pagibayuhin ang komunikasyong pang-agham upang sa gayon ay maipabatid at maihatid sa publiko ang mga usaping pang-agham na hindi lamang ekslusibong isyu para sa mga mananaliksik bagkus ay isyung kailangang pagsaluhan ng lahat ng taumbayan lalo na yaong nagbabayad ng buwis at nagtutustos upang maipagpatuloy ang pananaliksik sa Pilipinas.

Marami mang sagabal at kakulangan sa agham at teknolohiya sa Pilipinas ay hindi natin maisasantabi ang pagpupursigi ng pamahalaang tugunan ang pangangailangan sa agham at pananaliksik. Noong taong 2017 ay naisabatas na ang Republic Act 11035 o “Balik Scientist Act” na umaakit sa mga siyentipikong Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa upang bumalik at magsilbi sa Pilipinas, sa pribado o pampublikong ahesya man. Limang daan at dalawampu’t anim na mga siyentipiko noong Hunyo 30, 2019 ang kinumbinsi ng pamahalan na magbalik Pilipinas at maglingkod sa bayan sa pamamagitan agham. Ayon sa datos ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, mula tayong 2007-2019 ay mayroon nang 238 na mga siyentipiko mula sa limang kontinente ng mundo ang bumalik sa Pilipinas sa panandalian at pangmatagalan pagsisilbi man. Isa pang batas na nagsusulong sa mga benepisyo at maayos na katayuan ng mga siyentipiko at mananaliksik sa Pilipinas ay ang Republic Act 8439 o ang Magna Carta for Scientists, Engineers, Researchers, and other S & T personnel in the government. Ang panghuli ay ang Republic Act 10533 or ang Enhanced Basic Education Act of 2013 na naglalagay ng STEM specialization or Science, Technology, Engineering , and Mathematics sa mga senior highschools. Nangangailangan lamang ng tama at maigting na pagpapatupad ng mga batas na ito upang maging matagumpay ang mga programa ng gobyerno.

Malayo pa ang lalakbayin ng Pilipinas upang tugunan ang mga pangangailangan sa agham, teknolohiya, at pananaliksik. Matagal-tagal pa ang ating iuusad upang makapantay tayo sa mga karatig bansa natin sa Timog Silangang Asya tulad ng Thailand na may Thailand Science Park sa ilalim ng kanilang National Science and Technology Development Agency (NSTDA) at nangunguna sa agrikultura sa Timog Silangang Asya. Ganon din tulad ng Vietnam na may Pasteur Institute na isa sa pinakamahusay na sentro ng pananaliksik sa mga nakahahawang sakit sa mundo. Ang bansang Singapore, maliit man kapit-bahay ngunit napakasigla ng kulturang pang-agham at pananaliksik. Mabagal man ang pag-unlad ng agham at pananaliksik sa Pilipinas, nakatitiyak ako nang may mataas na pag-asa na balang araw ay kayang-kaya din nating makipagsabayan sa mundo at maging isang bansang may mataas na pagtangi at kalinangan sa agham at pananaliksik. Darating din ang panahon na maiwawaksi ng ating lipunan ang kamang-mangan at pagsasawalang halaga sa kamalayan sa agham at teknolohiya.


📝 Komento mula sa tagasuri|Gen

Filipino professionals, students and tourists remain unfamiliar in Taiwan despite the Southbound policy. Indeed, change takes time but sometimes with the endless stereotype and discrimation towards the Filipino Migrants, I am agitated to get the kind of definition everyone deserves regardless of skin color and nationality, HUMAN. This masterpiece is just an amazing narration of what it should be as an individual and as a nation. I dream of a competitive Philippines and I salute the author for sharing the talent in writing and for taking time in this not soooo short piece. 🙂